X. Of those that speak of an old love and a house in 1994

228 17 25
                                    

══════════════════

Para sa pagmamahal na hindi magmamaliw.

Para sa pagmamahal na buhay sa kamatayan ng lenggwahe.

"Ang aking pangako,
Na ang pag-ibig ko'y laging sayo."
Rey Valera on his song,
KAHIT MAPUTI NA ANG BUHOK KO

══════════════════

Entry X. | Final Entry
ANG KUWENTO NG UNANG SIMBA SA PASKO NG 1994

"Lolo, bakit hindi mo na naman sinamahan si Lola magsimba?"

Nang minsang maiwan ako muli sa bahay natin sa probinsya, tinanong muli kita. Mula sa pasilyo ng munti nating tahanang gawa sa Narra ang lapag ay nilingon mo ako, may tasa ng kape sa palad at isang programa na araw-araw mong binabasa sa sala sa tuwing tataya ka ng karera ng kabayo kinahapunan.

"Kumain ka na. May pandesal sa paminggalan. Mainit pa 'yan kanina kaso ang tagal mo bumangon. Iinitin ko na lang kung tumigas na."

"Dapat sinamahan mo na, 'Lo. Marami pa namang tao ngayon kasi fiesta."

"E'di, wala kang kasama rito."

"Okay lang 'yun! Nandiyan naman si Aling Nenette sa tapat. Hindi naman ako mapapa'no sa bahay."

Ginawaran mo lamang ako ng tango bago ka umalis sa hapag at umupo sa tumba-tumba sa gilid ng altar—na kahit kailan ay hindi ko namataang hinaplusan mo ng palad tuwing aalis ka ng bahay.

"Sa susunod na," wika mo.

Ang poon ng Santo Niño ay nasa tabi mo lamang, tila nakagawi ang naka-angat nitong dalawang daliri sa iyong direksyon ngunit hindi mo iyon kailan man pinansin. Lalo na't ngayong araw ng Linggo ay hubad pa ang leeg nito sa sampaguita't patay pa ang paupod ng pulang kandilang nasa harapan nito dahil pauwi pa lamang si Lola galing sa misa.

Ang sabi mo sa akin noon, ang huling punta mo pa sa simbahan ay noong kasal ninyo ni Lola. Kung gayon, limampu't isang taon na pala ang nakalipas mula nang huli mong masilayan ang simbahan.

Ang sabi mo sa akin noon, noong unang beses kitang tinanong kung bakit kahit kailan ay hindi kita nakitang sinamahan si Lola sa pagsimba, ito ay dahil si Lola lamang ang nanumpa noon sa Quiapo. Kaya taon-taon ay dumadayo siya sa Maynila. Isang tradisyon na kaniyang naipamana maging kina Mama at Tiya Dolly kaya taon-taon din silang nagmimisa roon upang masilayan ang Nazareno. Ngunit hindi naman lingid sa iyong kaalaman na tuwing Linggo ay araw ng misa, hindi ba?

Ang sabi sa akin ni Lola noon, hindi ka raw naniniwala sa Diyos. Hindi niya rin naman kahit kailan naikumpirma kung tunay ang pinanghahawakan niyang katotohanan dahil natatakot daw siyang magalit ka kung itanong niya. Kung totoo mang hindi ka raw naniniwala sa Diyos, wala naman daw magbabago sa tingin niya sa'yo. Baka raw nahihiya ka lamang ipaalam kay Lola dahil isa siyang guro sa isang pribadong Katolikong eskuwelahan at minsa'y hawak niya pa ang asignaturang Christian Living sa elementarya, ngunit gayumpaman ay tanggap niya raw ang paniniwala mo.

Hindi ko lamang masabi sa'yo dahil ayaw ko rin namang sa akin pa maunang manggaling ang balita at hindi kay Lola mismo. Naiintindihan ko rin naman, dahil ang pamilya natin ay deboto sa simbahan. Dahil sa tuwing magkakaroon ng salo-salo ang angkan natin dito sa probinsya ay nakikita ko rin ang mga mata ng mga pinsan at kapatid mong nanlilisik sa iyong gawi sa tuwing hindi ka sumasabay sa amin magdasal bago magsimulang kumain.

How Would You Speak of Love When Language Dies? (Volume I)Onde histórias criam vida. Descubra agora