IV. Of those that speak of films and movie tickets

266 27 24
                                    

══════════════════

Para sa mga tinatapos ang mga pelikula sa sinehan hanggang 'ending credits'.

Para sa pag-ibig na ipinapanalanging huwag malimutan.

"Kung nanaisin ng tadhanang mapanlinlang,
'di hahayaang mawala pa."
Sugarcane on their song,
PAALAM, LEONORA

══════════════════

Entry IV.
ANG KUWENTO NG HULING PELIKULA SA MAKOPA TEATRO

Ang pamahiin dito sa probinsya, huwag na huwag pipilahan ang huling pelikulang ipinapalabas sa Makopa Teatro. Lalo na't kung mag-isa ka. Ang sabi-sabi, paglabas mo ng sinehan, may kasama ka na. Kung may kasama ka na naman bago pumasok, hindi na kayo makakauwi dahil hihigupin ng iskrin ang kaluluwa niyong dalawa. Dios mio. Parang timang, hindi ba?

Maaliwalas ang gabi ngayong ika-unang araw ng Hulyo 1976. Mahaba ang pila ng teatro sa labas. Walang nakikinig sa pamahiin. Buhay na buhay pa nga ang perya sa likuran. At itong si Amora sa tabi ko'y hindi mapakali, kulang na lamang ay tabigin na ang lahat ng mga nakapila sa harapan para makatakbo kami sa loob.

"Ilang minuto pa ba 'to? Ba 'yan! Dapat talaga, first come first serve, e."

"Huwag kang makulit! Nakatingin na nang masama sa'yo ang mga matatanda sa likuran natin."

Suminghal si Amora. "Anong makulit! Hindi ako makulit, a! Nagsasabi lang! Ang bagal kaya nilang pumunit ng ticket. Aba't pagmasdan mo!"

"Tatlo na lang naman, mahal na prinsesa. Ano ba 'yong kumalma muna tayo't maglagi rito nang payapa?"

"Kalmado naman ako, a. Ano'ng sinasabi—"

"Hoy, 'yong dalawang bata nga riyan sa harapan! Ang iingay ng bunganga! Dapat sa inyo, pinasusundo sa magulang at pinapalo!"

Natikom ang bibig namin ni Amora nang marinig namin ang sigaw na iyon mula sa matandang lalaking nasa likuran ng pila. Nakanginginig ng kalamnan ang laki ng katawan nitong tila tumotore sa mga tao. Kusang lumaki ang mga mata ko nang bumuka na naman ang bunganga nitong si Amora, animo'y nanlilisik pa ang mga mata, at akmang aambahan na ng sigaw ang matanda! Kaya dali-dali ko siyang ipinuwesto sa harapan ko nang matakpan ng likod ko ang mukha nito. Anak ng teteng talaga ang babaeng ito!

"Tumabi ka nga riya'n, Javier! Maloko ang matandang iyon, a!"

"Kalma nga! Kapag tayo hindi nakauwi nang buhay, ako ang malalagot kay Tiya Lucia kahit ikaw naman 'tong nag-aya rito!"

Nalukot ang mukha nito bago umikot ang mga mata. Ang sakit talaga sa ulo intindihin ng babaeng ito. Ultimo humalukipkip pa't tinalikuran ako!

"Oh. Ano na namang bumabagabag sa iyo?"

Walang kibo.

Hay. Dios mio, por favor!

"Makulit ka naman kasi talaga, e! Sinabi nang tama na. Huwag na kasing pumapatol, mapapahamak ka niyan, o."

Wala pa ring epek.

"Amorallia Esmeralda."

Hangin. Walang marinig ang babae!

How Would You Speak of Love When Language Dies? (Volume I)Where stories live. Discover now