Kabanata 26

185 8 0
                                    


Hindi na umalis ang babae sa tabi ni Conrad.

Hindi ko alam bakit iyon lang ang paulit-ulit na tumatakbo sa aking isip kahit pa nakatuon ang atensyon ko sa pagkain at pag-inom.

"Oh, nakwento nga sa amin ni Cosme! Marami ka raw kalokohan kay Prof Lidaz noon!" at tumawa pa si Lex. Iyon ang pakilala niya kanina nang makita ako bago binalik ang pakikipag-usap kay Conrad.

Nag-uusap sila tungkol sa kilalang Propesor sa kolehiyo at dahil 'di ko naman kilala iyon ay tahimik lang ako.

Umangat ang kamay ni Conrad at lumapat iyon sa aking hita na magkatiklop. Niyakap niya iyon gamit ang kaliwang braso upang mas mapalapit ako sa kaniya. Kung sa normal na sirkumstansya lang kami'y tiyak na magliliyab sa init ang aking pakiramdam sa kaniyang aksyon ngunit iba ang nag-iinit sa akin ngayon. Kanina pa pumipintig ang aking ulo sa maya't mayang hagikgik ng babae.

Lulong pa rin sa kaniya-kaniyang mundo ang lahat ngunit ramdam ko ang pagsulyap ni Yna sa aming gawi. Humampas ang malakas na hangin at muli kong hinamig ang sarili. Patuloy ako sa tahimik na pag-inom habang nakikinig sa iba't ibang kwentuhan ng lahat.

Natigil ako sa pagtusok sa marshmallow nang suminghap si Lex. Agad dumapo ang tingin ko sa kaniya para lang mapaawang ang bibig nang makita ang paghubad ni Conrad sa suot niyang shirt. Itinikom ko ang bibig lalo na't saksi ako sa pagpasada ng babae sa katawan ng aking katabi.

Humarap sa akin si Conrad at isinuot ang kaniyang damit sa akin. Nabawasan kahit papaano ang pagdapo ng hangin sa aking balat lalo na't halos lamunin ako ng damit. Lito tuloy ako kung ano ang mas dapat manaig isipin—ang magpasalamat o mas lalong mainis.

"That's so sweet of you," may tamis na sambit ni Lex.

Gusto kong umirap at gayahin ang kaniyang pagkakasabi ngunit ikinuyom ko na lang ang kamao para pigilan ang sarili.

"You okay?" bulong ni Conrad at hinawi ang tumabing na buhok sa aking pisngi.

Tumango ako't kumagat ng barbeque. Nagpaalam saglit si Lex upang mag-CR. Hindi man lang naging daan iyon para ibsan ang irita sa aking sistema.

Mas ibinaba pa ni Conrad ang laylayan ng damit niya hanggang sa matakpan ang aking tuhod. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para bahagyang isaboy ang alak sa kaniyang damit.

"Sorry," mahina kong paumanhin kahit pa man sa isip ay gusto kong umirap. "Basa na," dagdag ko at hinubad ang damit niya sa aking katawan para ibalik sa kaniya.

Kumunot ang noo niya habang hinuhuli ang mata ko. Nang 'di ko tinagpo iyon ay kita ko sa gilid ng aking mata ang pagtagis ng panga niya.

At siya pa ang may ganang magganiyan?

Humalakhak si Yna sa aking kaliwa. Bahagyang nagulat ang lahat dahil doon lamang siya nag-ingay.

"Sorry, I just saw something funny here," sabay angat niya sa phone na hawak. Nang matagpo ang mata ko'y ngumiti siya nang tipid ngunit kumikislap ang aliw sa titig niya. Nag-init ang aking pisngi dahil sa pagkakahuli.

Nang bumalik si Lex ay 'di ko na uli itong narinig magdaldal. Nang lingunin ko ang katabi'y nakaharap na ang katawan nito sa akin. Inilihim ko ang pagkislot ng dibdib dahil sa agad na pagtama ng aming mata.

"That's your eighth bottle," puna niya ulit.

Tinaas ko ang bote at lumagok doon habang ang mata'y 'di naaalis sa kaniya. Nang malunok ang likido ay nagkibit-balikat ako. "Hindi naman nakakalasing."

Tumikwas ang kilay niyang may hiwa. "Really?" may himig sarkasmo sa boses niya.

Tumango ako't humarap na lang kay Yna. Hindi ko alam bakit tila ako nagiging isip-bata sa ginagawa. Gusto ko lang gumanti.

Smoldered PassionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon