Kabanata 12: Duwelo

142 10 0
                                    

Duwelo

"Bukas na ang duwelo namin."

Pinanood ko kung paano tumalbog nang tatlong beses ang batong inihagis ko sa ilog saka bumuntong-hininga. Walang salitang tumabi sa akin ang kasama ko saka nagbato din. Tumalbog nang apat na beses ang kaniya.

"Mag-iingat ka sa duwelo niyo." Napatingin ako sa kaniya saka napangiti. Nakita niya naman ang reaksyon ko kaya nangunot ang noo nito.

"Nag-aalala ka ba sa akin?" Tuluyan akong natawa nang umikot ang mata nito. Nakatutuwa siyang asarin. "Isang pagpapala na mag-alala sa akin ang prinsipe ng katubigan."

"Mas nag-aalala ako sa makakalaban mo." Ang ngiti ko ay naging ngisi nang dahil sa sinabi niya. "Sana lang ay magaling ang mga manggagamot na humawak sa inyo."

Hindi na ako nagsalita at ngumiti na lamang. Muli kong ibinalik ang aking tingin sa ilog na payapang umaagos. Tinatangay ang mga maliliit na hibla ng buhok sa aking noo ngunit hinayaan ko na lamang 'yon at pinaglakbay ang aking diwa.

Hindi pa rin siya bumabalik.

Hindi ko mabilang kung ilang araw na siyang hindi nagpaparamdam. Hindi ko rin naman binabantayan ang pagdaan ng araw ngunit hindi ibig sabihin no'n ay hindi ko binabantayan ang pagbabalik niya.

Marahil ay naging kampante ako matapos kong makita ang pares ng mga mata niya. Naging sigurado ako na babalik siyang muli. At hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ako doon.

"Manonood ako."

Bumalik ako sa aking sarili at napatingin sa kaniya. Nasa malayo ang kaniyang tingin at mukhang seryoso siya sa kaniyang sinabi. Kung gagawin niya man talaga ang balak niya, hindi ko alam ang mararamdaman ko. Hindi ko rin alam kung mabuting bagay ba na nandoon siya kasi baka pagdudahan ko lamang ang kakayahan ko.

"Sige. Pero manonood din ako sa inyo."

Mabilis siyang napabaling sa akin nang dahil sa sinagot ko. Ginantihan ko lamang ng tawa ang kaniyang reaksyon. Kahit naman tumanggi siyang panoorin ko siya ay manonood talaga ako dahil kay Galea.

"Dapat pala ay mas magsanay pa ako, kung gano'n." Sinapak ko ang kaniyang braso dahil sa kaartehan niya. Alam ko namang madali niya lang makukuha ang pinakamataas na ranggo kahit na hindi siya magsanay. Hindi naman sa minamaliit ko si Galea.

Parehong magaling sa labanan si Dylan at Galea. Ngunit hindi ko alam. Kakaiba si Dylan. Parang hindi bagay sa kaniya na hindi siya ang nasa itaas. Hindi siya papayag.

"Ihatid na kita sa dormitoryo niyo. Kailangan mo ng pahinga sapagkat tiyak na hindi magiging madali ang araw para sa iyo bukas."

Sumang-ayon ako sa sinabi niya. Nauna siyang tumayo at katulad ng lagi niyang ginagawa, inilahad niya ang kaniyang kamay sa akin. Malugod ko naman itong tinanggap bago namin sabay na nilisan ang lugar na naging tagpuan na namin.

Tahimik naming binaybay ang daan patungo sa dormitoryo ng mga Pyralian. May mga nakakasalubong kami at napapansin ko ang pagnakaw nila ng tingin sa lalaking katabi ko. Para nga akong hangin sa tabi niya. Hindi ko maiwasang matawa sa iniisip.

Nilingon niya ako kaya binalik ko ang seryoso kong ekspresyon. Kumunot naman ang kaniyang noo bago umiling. Inilagay niya sa bulsa niya ang kaniyang mga kamay. Hindi ko na lamang siya pinansin at tumuon sa daang tinatahak namin.

Nang malapit na sa dormitoryo na aking tinutuluyan, kumunot ang aking noo nang matanaw ang pamilyar na nilalang na nakatayo sa tapat nito. Nakatingala siya, tila may hinihintay doon. Tiningnan ko naman ang aking katabi at mataman lang itong nakatingin sa nilalang na kanina ay tinitingnan ko lang din.

Veridalia Academy: RevampedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon