Kabanata 15: Ikalimang Sylpari

131 13 0
                                    

Ikalimang Sylpari

Tumama ang palasong apoy sa dibdib ng vivar.

Tumakbo kami ni Adam papalapit sa gulo. Nagulat ako kasi mas marami na ang lumusob ngayon kaysa sa mga nakaraang paglusob. Muli kong inasinta ang aking palaso sa isang kalaban at tumama naman kaagad ito.

"Bakit ang dami na nila?" Nakita kong tumalsik ang lupa sa isa sa mga kalaban na pinagtangkaang saksakin ang isang Zephyrian na nanghihina. "Hahanapin ko si Galea."

Nang tumango ako, kaagad kaming nagkahiwalay na dalawa. Mula sa pana ay naging espada ang apoy na hawak ko. Hinawakan ko ang braso ng akmang sasaksak sa akin saka ko hiniwa ang tiyan nito. Walang dugong dumanak, ngunit tumumba ito.

Bakit kasi hindi puwedeng pumatay?

Inilibot ko ang aking paningin. Marami nang nakatumbang kalaban ngunit marami na rin ang walang malay na mag-aaral. Malas pa na karamihan sa mga mag-aaral ay nasa pagamutan dahil sa duwelong naganap. Bumuga ako ng hangin bago muling ginamit ang pana para patumbahin ang isang kalaban mula sa malayo.

"Ayos ka lang ba?" Nilapitan ko ang isang Terran na biglang tumalsik matapos sipain ng kalaban. May malalim na hiwa ito sa braso.

Napatalon ako nang may biglang dumaang alon ng tubig sa likod ko. Sumimangot ako at tiningnan 'yong gumawa ng alon. Tinaasan niya lang ako ng kilay saka tiningnan ang dalawang kalaban na tinangay ng alon na ginawa niya. Umuubo ang mga 'yon, nalunod ata.

"Bakit hindi ka nag-iingat?" Nakalapit siya sa akin. "Paano kung hindi ako dumating? Nasaksak ka na!"

Itinutok ko ang pana ko sa kaniya. Nang pakawalan ko ito, kaagad itong dumaan sa gilid ng leeg niya at tumama sa nilalang na dapat ay sasaksak sa kaniya sa likod. Ngumisi ako sa kaniya.

"Sinong hindi nag-iingat?" Napailing lang siya sa akin.

Nagpatuloy ako sa pakikipaglaban. Hindi na ako gumamit ng espada sapagkat hindi ko pa ito masyadong nako-kontrol. Gusto ko lang patulugin ang mga kalaban. At sa pana ko lang 'yon magagawa. Hindi na umalis sa tabi ko si Dylan. Hindi katulad ko, mahusay nitong nako-kontrol ang pinsala ng espadang hawak niya. Iniiwan niyang duguan ang kalaban ngunit may hininga pa din.

Pinakawalan kong muli ang palaso ngunit kasabay no'n ay ang paglaho ng aking sandata. Ashna sentu. Naubos na ang aking apoy. Wala na rin akong mapagkukunan.

Nakita naming palapit na rin sa amin sina Galea kaya nakahinga na ako nang maluwag. Paubos na rin naman ang mga vivar. Sakto lang sa pagkaubos ng apoy ko. Pinanood kong unti-unting magapi ang mga kalaban.

"May tumatakas!"

Natanaw namin ang nilalang na nakasuot ng baluti na tumatakbo palayo. Kung may pana pa rin sana ako ay magagawa namin 'yong patumbahin.

"Galea!" Sumigaw si Dylan at tumango naman ang babae. Malakas na ibinato ni Dylan ang kaniyang espada na kaagad namang binalot ng hangin. Hindi ko alam ang plano nila ngunit nang marinig kong pumalahaw ang tumatakbong nilalang ay nalaman ko rin kaagad.

Tumakbo kami palapit sa nilalang na tumatakas. Naka-upo ito sa lupa habang sinusubukan niyang bunutin ang espada na nakatusok sa kaniyang binti. Napangiwi na lamang ako. Tiyak na masakit 'yon. Lumapit si Dylan at siya na mismo ang humugot dahilan upang mas malakas na napasigaw ang lalaki.

Kumunot lamang ang noo ko nang biglang maging tahimik. Nakikita ko pa ring sumisigaw ang lalaki ngunit hindi ko na siya naririnig. Napatingin ako kay Adam at nahuling nakatingin din ito sa akin. Ngumiti siya saka kumindat na ikina-kunot ng noo ko. Tumama naman ang aking paningin kay Galea.

Veridalia Academy: RevampedWhere stories live. Discover now