Kabanata 27: Ang Huling Kabanata

143 11 0
                                    

Ang Huling Kabanata

Malapit nang mag-umaga.

Unti-unti nang nauubos ang mga nakasuot ng itim na baluti. Nawasak na ang ilang gusali ng akademiya. Marami nang buhay ang nasawi.

Kailangan nang matuldukan ang lahat.

Pinanood ko kung paano mahusay na gamitin ni Adam ang dalawa niyang baston sa pakikipaglaban. Sinalag niya ang espada na tatama sa kaniya gamit ang isa niyang baston at ang isa naman ay hinampas niya sa binti ng kalaban. Binawi niya ang mga baston niya saka umikot at hinampas ang ulo ng kalaban na agad namang tumumba.

Napaupo si Adam sa lupa at bumagsak sa tabi niya ang kaniyang mga baston. Mabibigat ang kaniyang paghinga, tanda na pagod na ito sa pakikipaglaban. Naglakad ako papalapit sa kaniya at nang makalapit, umangat ang kaniyang tingin sa akin. Maliit na ngumiti ako sa kaniya na sinagot niya rin naman ng ngiti. Inabot ko ang aking kamay sa kaniya; tumingin siya roon bago ito natatawang inabot.

"Salamat, Elio." Umangat ang aking kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. "Salamat kasi hindi ka nawala."

Marahan akong natawa bago hinagisan ng apoy ang tatlong kalaban na papunta sa akin. Ganoon din ang kaniyang ginawa; binato niya ng mga tipak ng bato ang mga papalapit. "Hangga't may dahilan upang manatili, hinding-hindi ako mawawala."

Naging abala kami sa pakikipaglaban matapos kong sabihin 'yon ngunit nanatili kami sa tabi ng isa't isa. Naririnig ko ang pagsigaw niya kasabay ng pagtama ng sandata niya sa katawan ng mga kalaban. Hinawakan ko ang siko ng nasa harap ko saka hiniwa ang kaniyang dibdib pababa.

"Si Galea, kailangan niya ng tulong natin." Nagkatingin kami ni Adam. Pareho naming naubos ang mga kalaban na lumapit sa amin. "Kailangan natin siyang puntahan."

Nang sabay kaming tumango, pareho naming tinakbo ang daan patungo sa kung nasaan man si Galea ngayon. Siguradong si Treyton ang hinaharap ngayon ni Galea at mag-isa lamang siya. Hindi maitatangging mahusay sa pakikipaglaban si Galea ngunit mag-isa lamang siya at tuso ang kaniyang kalaban.

Napahinto lamang kami nang may humarang na walong kalaban sa amin. Nagkatinginan kami ni Adam saka sabay na ngumisi. Pinaglapat namin ang aming palad saka bumaling sa mga kalaban. Naramdaman ko ang pagbuo ng malakas na enerhiya sa mga palad naming magkalapat at nang tuluyan itong maging malakas, pinakawalan namin ang bolang enerhiya na 'yon. Lahat ng kalaban ay tumilapon at bumulagta sa lupa.

"Galea!"

Kaagad akong nagpakawala ng apoy sa aking palad at tumama ito kay Treyton na noon ay sasaksakin na sana si Galea. Nakaluhod sa lupa ang kanang tuhod ng babae habang nakatusok ang kaniyang espada sa lupa. Halata sa mabibigat niyang paghinga ang pagod.

Mabilis kaming lumapit ni Adam sa kaniya. Nakatutok ang espada ko sa dahan-dahang tumatayo na si Treyton. Inalalayan naman ni Adam si Galea upang muling makatayo. Mabilis kong sinilip ang lagay ng babae at nakitang may sugat na ang pisngi niya at nagdurugo naman ang kaniyang noo. May iba pa siyang galos ngunit hindi ko na napagtuunan ng pansin sapagkat tuluyan nang nakatayo si Treyton.

"Sumuko ka na lang, Treyton." Lumunok ako at mas hinigpitan ang hawak sa hawakan ng espadang nakatutok sa kaniya. Tumingin lang siya sa akin saka nakakaasar na humalakhak. "Hindi mo ba nakikita kung gaano kalaking pinsala ang ginawa mo?"

"Hindi titigil ang digmaan na ito hangga't hindi bumabagsak ang mga Pyralian." Tumalim ang aking tingin sa ko sa kaniya nang isumpa niya ang aming lahi. Ano bang kasalanan ng Ignisreach sa isang ito?

"Nalipol na namin ang hukbo mo, Pinunong Treyton." Katulad ko, nakatutok din ang sandata nina Galea at Adam sa lalaki. Napatingin ako kay Adam nang magsalita ito. Walang emosyon ang kaniyang mukha. "Hindi niyo na magagawa pang magpabagsak ng isa pang bansa."

Veridalia Academy: RevampedWhere stories live. Discover now