Kabanata 19: Pagkubkob

109 12 0
                                    

Pagkubkob

"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kasamahan niyo."

Taliwas sa iniisip kong hitsura ng ikalimang Sylpari, may pagkabata pa ang babaeng bumungad at nagpapasok sa amin sa kaniyang tahanan. Inilapag niya ang tsaa at tinapay sa lamesa bago bumalik sa tabi ni Nick upang linisin ang sugat nito sa braso.

Nagsalubong ang aking kilay nang dahil sa sinabi niya. Si Adam ay abala sa pagkonsumo sa tinapay habang si Galea naman ay nakadiretso lang ang tingin habang humihigop ng kape. Nang makita ni Lumineya ang aking hitsura, natawa ito nang mahina.

"Dumating dito ang kasamahan niyo. Si Merida." Tumayo na siya matapos balutan ng benda ang braso ni Nick. "Hindi ang pisikal na anyo niya ngunit ang kaniyang kaluluwa."

Kahit na alam ko naman ang kakayahan niya, hindi ko pa rin maiwasang kilabutan. Nakausap niya ang kaluluwa ni Merida. At tiyak akong tinulungan niya nang makatawid ang diwa nito patungo sa kabilang buhay.

"Hindi na kami magpapaligoy-ligoy at sasabihin-,"

"Alam ko kung bakit kayo nandito." Sinuklay niya ang kaniyang maalon na kulay rosas na buhok gamit ang kaniyang palad. Sumilay ang ngiti sa kaniyang kulay pulang labi. "Alam kong hinahanap nila ako."

Natahimik ako. Wala pa ring pake sa usapin si Adam. Si Nick ay nakatulog. Si Galea, tiyak akong nakikinig siya.

"Hindi naman na lingid sa aking kaalaman ang kaguluhang nagaganap." Sumimsim siya sa kaniyang tasa at napangiti. "Hindi rin lingid sa aking kaalaman kung bakit kailangan ako ng mga Sylpari."

Napaisip ako. Hindi ko batid kung bakit pinahanap ng mga Sylpari ang ikalima nilang miyembro. Tiyak akong kaya naman nilang pangalagaan ang Tempus Nexus. Magiging mas malakas sila kung lima sila ngunit hindi naman gan'on kabigat ang dahilan kung 'yon lang.

"Hindi ko kayo paaasahin." Tumikhim siya at sumandal sa upuan. Tiningnan niya kaming dalawa ni Galea. "Wala akong balak na sumama sa inyo pabalik. Wala akong planong guluhin ang mga nananahimik na para lang magkaroon ng kapayapaan."

Bumuntong-hininga ako. Hindi naman ako hangal upang isipin na madali naming mapapasama si Lumineya pabalik sa akademiya. Alam kong may dahilan ang pag-alis niya, at ang kaguluhan na nagaganap ay hindi mabigat na dahilan upang bumalik siya.

"Hindi ko isasaalang-alang ang kapayapaan na nakamit nila para lang bigyan ng kapayapaan ang mundong hindi na sila nabibilang."

"Nauunawaan namin." Tumingin ako kay Galea nang magsalita ito. "Hindi rin naman kami narito upang pilitin kang sumama."

Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Sumimsim na lang din ako sa aking tsaa. Hindi ko ito malasahan no'ng una ngunit kalaunan ay lumaganap sa aking bibig ang linamnam nito. Wala sa sariling napangiti ako.

Walang ibang nakakagawa ng tsaa na nagustuhan ko maliban sa aking ina. Tsaa niya lamang ang tanging inumin na hindi ako nagsawa. Nawala ang aking ngiti nang maalala ang aking ina.

Wala akong balita sa kanila. Kumusta na kaya sila?

"Ang Tempus Nexus." Napukaw ni Lumineya ang aming atensiyon nang banggitin niya ang bagay na 'yon. Natawa pa siya. "Sa pangalawang pagkakataon, magdudulot na naman ito ng kaguluhan." Ibinaba niya ang kaniyang tasa at huminga nang malalim. "Tunay na napakalaking pinsala ang dulot nito."

"Alam mo ba kung saan ito matatagpuan?" Tumingin siya sa akin nang magtanong ako. Ilang minuto lang siyang nakatitig sa akin kaya naman tumikhim ako.

"Ang apat na Sylpari lamang ang nakakaalam." Hindi ko alam kung namamalikmata lamang ba ako o nakita ko ang pagdaan ng galit sa kaniyang mata. "Wala ako no'ng ikalawang digmaan kaya hindi ko alam kung saan nila ito itinago."

Veridalia Academy: RevampedTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang