B A B Y S I T

7 1 0
                                    

Nakatayo si Gabriel sa harap ng makalumang mansyon habang namamangha itong pinagmamasdan. Malaki, kaakit-akit din ang kakaibang disenyo na matatanaw mula roon. Sa buong buhay niya, ito ang unang pagkakataon na makakapasok siya sa isang mala-palasyong bahay. Kaya naman, ang pagiging ignorante ang nag-uudyok sa kaniya na tanggapin ang trabahong inalok ng kakilala ng kaniyang tiyahin. Isang walong taong bata, ito ang naghihintay sa kaniya. Sa anim na buwan na itatagal niya rito, kampante itong magiging maayos ang pakikitungo sa panibagong aalagaan. Matagal nang nag-aalaga ng bata si Henry, mahigit anim na taon na rin, ito na ang naging trabaho niya mula nang siya ay huminto sa pag-aaral. Mula sa pagpapaligo hanggang sa pagpapatulog ー sanay na sanay na ito. Bihasa na siyang maituturing sa ganitong gawain.

Doble ang sasahurin niya rito at hindi niya alam kung bakit. Pinili niyang hindi na mag-usisa pa, mas nauna pa itong masilaw sa salapi sa halip na magtaka. Kunsabagay, kahit sino namang gipit ay hindi na magtatanong pa.

Bahagya siyang lumapit sa gate, napansin niyang halos mabalot na ng lumot ang bawat haligi nito. Sinubukan nitong sumilip sa loob, ngunit wala man lang nakitang nagbabantay. Walang guwardiya, walang kahit sino. Wirdo para sa kanya ang ganoong uri ng lugar. Napapaisip siya sa kung anong klase ng buhay ang mayroon sa loob ng bahay na iyon.

Napakunot ang noo ng binata, nagmasid ito sa palagid, ngunit tanging mga halaman, tuyong dahon sa lapag at ang pulang kotse lang ang nahahagip ng kaniyang paningin.

"Bakit parang wala namang tao? Tama ba ang address na pinuntahan ko?" aniya, dinukot pa nito ang kapirasong papel kung saan nakalapat ang eksaktong address na ibinigay sa kaniya. Binasa niya itong muli, tiningnan pa sa gilid ng gate ang isang kuwadradong kahoy na nakadikit.

"Tama naman ah." Kumpirmado, ito nga ang hinahanap niya. Ngunit, nagsimula na itong magtanong sa isip. "Nasaan ang mga nakatira rito? May tao pa kaya rito o baka niloloko lang ako ng babaeng nakausap ni tita?" Naglaho na ang pananabik, binura ito ng kaniyang kyuryusidad na siyang pumipigil sa paghakbang ng mga paa.

Inilapag ni Gabriel ang malaking bag na dala, nag-ipon muna ng hangin bago magpakawala ng isang malakas na sigaw.

"Tao po!"

Ilang ulit niya itong ginawa, at sa wakas... Isang babae ang iniluwa sa malaking pintuan ng mansyon. Magara ang kasuotan nito, bakas ang maginhawang buhay na tinatamasa. Sa tingin ni Gabriel, nasa treinta pataas na ang edad nito. Mabilis na lumapit sa kaniya ang babae, sukbit sa balikat ang kulay itim na bag. Agad namang pinagbuksan ng gate ang dalaga.

"Ikaw ba 'yong mag-aalaga sa anak ko?" bungad sa kaniya ng ginang, si aling Cora.

"Opo, ako po 'yong pamangkin ni Analiza Tuason," tugon ni Gabriel.

"Magsimula ka na ngayon ah, aalis pa kasi ako. Male-late na ako sa trabaho ko," nagmamadaling wika ni aling Cora. May inilabas pa itong sobre sa bulsa 'saka iniabot sa binata.

"Iyan ang paunang bayad ko sa 'yo, pasensya ka na, hindi na kita maililibot sa buong mansyon, basta si Cedy nasa room 1 lang, makikita mo naman agad 'yon kapag umakyat ka sa hagdan, ang k'warto mo naman ay sa room 3, iho... Sorry." Hindi na nakasagot si Gabriel. Naguluhan siya sa huling salitang binitawan nito. Dali-daling pumasok ang ginang sa loob ng kotseng pula na nakaparada.

"Iho, buksan mo nang tuluyan ang gate." Sinunod niya ang utos, kasunod no'n ay ang pag-andar ng sasakyan paalis.

Napailing na lang si Gabriel, ni-hindi man lang siya kinausap nang maayos. Tila isang hangin lang na dumaan sa kaniyang harapan.

Binuksan niya ang sobre, nangislap ang kaniyang mga mata nang dumungaw ang nakapaloob dito.

"Sampong libo agad?" napapangiting sambit niya matapos itong bilangin.

Guni-Guni Where stories live. Discover now