S I N G S I N G

4 1 0
                                    

Malapad ang ngiti ng lalaking si Anton habang nakatingin sa engagement ring na kanyang nabili. Walang paglagyan ang kanyang tuwa kapag iniisip niya ang magiging reaksyon ng kanyang girlfriend.

Plano na kasing mag-propose ni Anton. Halos magsasampung taon na rin kasi sila ng babae. Sa kanyang palagay ay panahon na para itali na nila ang isa't isa.

Stable na rin naman ang lalaki sa kanyang pinansyal. Mataas ang kumpyansa niya na kayang kaya na niyang buo at bumuhay ng pamilya.

"Sigurado ka na ba sa binabalak mo? Alam mo anak ang pag aasawa ay hindi mainit na kanin na kapag napaso ka ay iluluwa mo lang," sabi ng kanyang ama na si Mang Alberto. Magkasama sila sa isang kainan sa Makati.

"Sigurado na ako, Pa. Mahal na mahal ko si Kara. Ayaw ko nang mawala pa siya sa akin, siya ang gusto kong makasama sa habambuhay," walang pagdadalawang isip na sagot ng lalaki.

"Oh edi sige! Suportahan kita. Ang akin lang e kung talaga bang handa ka na ba emontionally and mentally?"

"Oo, Pa. Handang handa na ako. Handa na akong maging mabuting asawa ni Kara. . ."

Sobrang gaan ng araw na iyon para kay Anton. Maghapon siyang good mood. Sobrang positibo ng lahat para sa kanya. Sa isip isip ng lalaki, ganon siguro talaga kapag masyadong nararamdaman ng isang tao ang pag-ibig.

Mga bandang alas sais ng hapon ay nag-paalam na rin sa kanya ang amang si Alberto. May lalakarin pa kasi iyong mga papeles na may kinalaman sa kanilang negosyo.

Nag lalakad na si Anton papunta sa parking lot nang may sumalubong sa kanyang isang babae. Hindi pa naman iyon katandaan. Sa kanyang palagay ay nasa edad kwarenta hanggang kwarenta singko lamang iyon. Mapayat ang babae. Nanlalalim ang mga mata at nangingitim ang labi. May pagkamadungis din ang babae kaya nailang siya sa presensya nito.

"Bakit mo ba ako hinaharang?" iritadong tanong ng lalaki.

Titig na titig ang babae sa kanya. Hindi na kumportable si Anton sa mga nangyayari.

"Wag ka sa akin mamalimos. Magtrabaho kayo hindi yong naasa kayo sa pinaghirapan ng iba," sabi pa ni Anton. Ngunit tila hindi iyon pinakinggan ng babae. Nakaharang pa rin iyon sa kanyang dadaanan.

"Nasaan ang singsing?" tanong ng babae.

"Ha?"

"Kuya, ibalik mo na lang ang singsing sa may ari, hindi mo yan dapat ibigay sa nobya mo," sabi ng babae sa kanya na mulat na mulat pa ang naninilaw nitong mata.

"Anong ibalik? Sabog ka ba? Binili ko ito, umalis ka nga sa dadaanan ko, papahuli kita sa guard. Inang 'to, paano nakapasok 'tong gagong 'to dito?"

Tumabi ang babae nang aktong babanggain ito ni Anton. Bago siya tuluyang makarating sa kanyang sasakyan ay may pahabol pa ang babae.

"Kung talagang mahal mo ang babaeng pakakasalan mo, dapat bumili ka ng singsing na maayos, hindi ang singsing na matagal na dapat wala sa mundong ito," sabi ng babae ngunit hindi na lamang iyon pinansin ni Anton. Pumasok na siya sa loob ng sasakyan. Pinaandar niya ang sasakyan at nadaanan niya ang babae habang nakatingin nang tila nababahala.

"Modus mo bulok, wag ako," bulong na lamang ni Anton.

Natrapik si Anton sa byahe dahil rush hour at saktong labasan na ng mga nagtatrabaho. Habang naghihintay sa pag usad ng mga sasakyan, inilabas ni Anton ang singsing.

Aminado naman ang lalaki na second hand niya lamang binili ang singsing na iyon. Natipuhan niya kasi ang singsing na iyon dahil sa simple nitong disenyo.

May maliit na bato sa gitna at may maliit na ahas na nakapalibot sa bato. Natatandaan niya rin kasi na mahilig ang kanyang asawa sa mga singsing na may tatak na ahas.

Guni-Guni Where stories live. Discover now