Aguinaldo 40

1.2K 1 0
                                    


Malungkot na napalingon si Dennis sa wedding picture nila ni Diane na nakapatong sa gilid ng kama. Napalitan na niya ng bago ang nabasag na frame ng litratong iyon. Kung ganoon nga lang din sana kadaling ayusin ang problema nilang mag-asawa.

Pumasok na ang Disyembre. Mahigit tatlong linggo na mula nang umalis si Diane sa kanilang bahay kasama si JR. Mag-iisang buwan nang hindi nakakasama ni Dennis ang kanyang mag-ina sa bahay na iyon.

Noong gabing umuwi siya at nadatnang wala ang mga ito ay agad niyang tinawagan ang asawa. Ngunit gaya ng kanyang inaasahan, hindi iyon sinagot ni Diane. Makailang beses siyang tumawag at nag-message ngunit talagang walang tugon ang kabiyak.

Sa pag-aalala ay agad siyang napasugod sa bahay ng kanyang mga biyenan. Nakahinga ng maluwag nang makita ang kotse ni Diane na nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.

Mula nang ikasal sila at magsama ay ngayon lang nangyari na biglaang umalis si Diane at umuwi sa mga magulang nito. Kaya naman ganoon na lang din ang hiya at pangamba ni Dennis sa sasabihin ng kanyang mga biyenan.

Nag-aalangan niyang pinindot ang door bell. Natanaw pa niya si Diane na sumilip mula sa bintana. Nagtama ang kanilang mga mata ngunit mabilis din itong umiwas at isinara ang kurtina.

Maya-maya ay lumabas ng gate ang ama ni Diane at siyang humarap sa kanya.

"Dennis… Pasensiya na ha at hindi kita maayang tumuloy…" bungad ng biyenan habang nakatuon ang isang kamay sa balikat ng manugang.

"Ayaw naming manghimasok ano… pero hayaan na muna natin si DJ. Alam mo naman ang mga babae… magpapahupa lang yon…"

Bilang respeto kila Diane at Dennis ay hindi nag-usisa ang mag-asawa. May pagtataka man sila kung ano ang pinagdadaanan ng anak at ng mister nito ay minabuti nilang pigilan ang mga sarili na magtanong. Ngunit nakahandang magbigay ng gabay at payo sakaling magkwento ang mga ito.

Napabuntong-hininga si Dennis, bagsak ang mga balikat habang tumatango sa sinasabi ng ama ni Diane.

"Sige Pa." maigsing tugon nito. Hindi rin tiyak kung ano ang dapat isagot o sabihin sa kanyang biyenan.

"Lahat ng mag-asawa dumadaan talaga sa pagsubok, anak. Kung ano man 'yang hindi ninyo pagkakaunawaan, alam naming maaayos niyo din 'yan para kay JR."

"Haaay… sana nga po, Pa. Ayoko ding tumagal 'tong problema namin ni Diane."

Dismayadong umalis si Dennis nang gabing iyon. Umasa siyang maisasama din niya pauwi ang kanyang mag-ina ngunit ni hindi man lang niya nagawang malapitan o makausap ang mga ito. Tanging ang aso lang nila ang kanyang nasundo pauwi.

Sa unang pagkakataon ay mag-isa lang siyang natulog sa bahay na iyon. Tahimik na tahimik. Hindi niya nadidinig ang bungisngis ng kanyang anak. Hindi nauulinigan ang malamyos na tinig ng kanyang asawa.

May mga pagkakataong pinagtitiyagaan na lamang niyang kausapin ang kanilang aso. Gaya nang dumaan ang Bagyong Ulysses. Habang bumabayo ang malakas na hangin at ulan at nagpapagpagan ang mga yero sa labas at nawalan pa ng kuryente, tanging aso ang kasama niya sa loob ng madilim na bahay.

Sa mga sumunod na araw ay makailang ulit na sinubukan ni Dennis na tawagan at puntahan si Diane ngunit tila hindi pa rin ito handa na makipag-usap. Sadyang mahirap isantabi ng pusong nasaktan ang galit sa minamahal maging ang galit sa sarili para sa mga salang nagawa.

Ang mga araw ay naging mga linggo. Kaysa tuluyang balutin ng depresyon ay itinuon na lang ni Dennis ang pansin sa kanyang negosyo. Isinubsob niya ang sarili sa trabaho at kadalasan ay gabi na siya umuuwi para na lamang matulog.

Pilit niyang inilihis ang atensyon sa kanyang mga nararamdaman. Galit, panghihinayang, sakit, pagsisisi, at higit sa lahat, pangungulila.

Gustuhin man niyang magpaliwanag sa text ay pinigilan niya ang sarili dahil mas gusto niyang magkausap sila ng personal. Kadalasan ay puro pangangamusta at pag-aayang umuwi para mag-usap ang mga ipinapadala niyang mensahe.

Aguinaldo Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon