Abril ng Pagbabalik

2 2 0
                                    

Abril, 1950

"SOLENG, ano bang pumasok sa isipan mo at binalak mong tumakas sa inyong mansion. Tiyak na magagalit na naman sa iyo si tiyo," wika ni Clarita habang pupungas-pungas pa ito ng kaniyang mga matapang.

"Huwag ka nang marami pang sinasabi dyan, kaya nga palihim tayong umalis sa mansion diba para hindi tayo mahuli ni ama," tugon ko at tumingin sa kaniya at abot langit na ngumiti.

"Hindi ba't ikaw na rin ang nagsabi na nais mo ring masilayan ang malaking pagdiriwang na idadaraos sa tahanan ng mga Dela Rosa kaya't ito na ang ating pagkakataon para masilayan 'yon," patuloy ko at muling naglakad nang mabilis.

"Nais ko ngang masilayan ang pagdiriwang ng mga Dela Rosa, subalit batid mo naman na pinagbabawalan tayo ng  ating mga ama diba? Mahigpit nilang karibal ang pamilya Dela Rosa pagdating sa kapangyarihan. Nalalapit na rin ang pagbubukas ng halalan kaya't magiging kalaban ng  iyong ama si Don Santos Dela Rosa," paliwanag ni Clarita habang sumusunod ito sa'king maglakad.

"Hindi ko iyon nakakaligtaan Clareng, ang tanging kailangan lamang natin ay mag-ingat at kailangan hindi tayo matiktikan," tugon ko habang hindi tumitingin sa kaniya.

Ito na ang pagkakataon ko at hindi ko na sasayangin ito. Kahit magalit na si ama sa'kin sa oras na malaman nito ang kapilyahan kong nagawa basta ang mahalaga muli akong makadaong palad sa kanilang mansion.

"Alam mo Soleng hindi kita maintindihan bakit ba nais mong tumungo rito sa mansion ng Dela  Rosa, ano ba talaga ang iyong tunay na dahilan?" muling usisa ni Clarita at bakas na ang yamot sa kaniyang tinig.

Napaismid ako, "Basta!"

"Anong basta?!  kilala kita hindi ka basta-bastang padalos-dalos ng desisyon. Ano ba talaga ang pakay mo rito? Huwag mong sabihin na umaasa kang muli mong masisilayan si Ginoong Vi---"

"Clareng magsisimula na ang dula!" magiliw kong sambit at hinawakan ang kaniyang kamay papasok sa tarangkahan ng mga Dela Rosa.

Napangiti ako nang malapad nang makita ko ang malawak at makulay na enteblado sa malawak na hardin ng kanilang mansion. Makukulay din ang mga banderitas na nakasabit sa itaas at kulay puti at dilaw ang kulay ng sapin sa mga lamesa at upuan.

Magkabilaan ang mahahabang lamesa na naglalaman ng mga iba't ibang putahe't maiinom, kaliwa't kanan na rin ang mga serbidora sa paghahatid ng mga pagkain sa bawat lamesa.

"Tunay na magarbo ang pagdiriwang na ginawa ng mga Dela Rosa," saad ni Clarita at halos kuminang pa ang mata nito dahil sa garbo ng pagdiriwang.

Napangiti ako, "Sabi ko na sa iyo ibang klase sila maghanda, kung hindi kita pinilit na sumama sa'kin malabong masaksihan mo ito ngayon," wika ko at naglakad sa gitna.

"Saan ka ba tutungo Soleng, makikihalubilo ka pa sa maraming tao, maaari naman tayong manatili sa gilid-gilid at kumuha nang makakai----"

"Shhh, malapit nang magsimula ang dulaan. Ikalma mo muna ang gutom na iyong nararamdaman makakapaghintay iyan," usisa ko at tumango-tango sa kaniya.

Napataas ang kilay ni Clarita. "Marahil ang dulaan ang dahilan sa kung bakit nais mong magtungo tayo rito hindi ba?" wika niya at pinag-krus ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang dibdib.

Napangiti ako at napairap. "Ang dulaan na ito ay isa sa mga nais kong panoorin noong nakaraang linggo pa, subalit wala akong sapat na salapi upang mapanood ito. At isa pa hindi ako papaboran ni ama na panoorin ang dula at mas lalong hindi ako nito bibiyayaan ng salapi," wika ko at tumingin sa harapan.

"Eh, ikaw naman kase kung hindi mo sinuway ang ama mo edi sana malaya ka pa ring nakahihingi ng salapi. Bigla ka ba namang tumakas sa inyong seminaryo para lang manood ng dulaan, mabuti na lamang at hindi ako sumama sa iyo kung nagkataon pala eh kapuwa tayo madadamay," paliwanag niya habang nakatingin na rin sa harapan.

Ang Lihim na kwento ng mga BuwanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon