Hulyong Padaplis

2 2 0
                                    

Hulyo, 1970


ISANG malakas na tunog ng kampana ang umalingaw-ngaw sa loob ng kumbento na siyang nagpabaling ng pansin ng halos lahat ng taong dumaraan at nagtitinda sa paikot ng lumang kumbento. Hudyat iyon ng isang magaganap na misa para sa pistang magaganap sa buwang hulyo.

Tuwing buwan ng hulyo ay idinaraos ang pista sa kanilang baryo at naging tradisyon na rin ang pakikiisa sa misa tuwing alas singko ng hapon.

Napabaling ang tingin ni Sarah sa kumbento kasabay ang pagkinang ng kaniyang mga mata at pagngiti ng kaniyang mga labi. Tila ang maghapon nitong paglalako ng sampaguita sa harap at gilid ng simbahan ay napawi simula nang marinig ang tunog ng kampana ng simbahan.

Sa edad nitong labingwalong taong gulang ay natuto na itong magbanat ng buto at ang paglalako ng sampaguita ang isa sa trabaho, upang maibsan ang pangangailangan nilang  magkapatid kasama na ang kaniyang inang nakaratay na lamang sa banig.

Sa maghapong paglalako ay hindi inalintana ni Sarah ang init at pagkadismaya, nais nitong makauwi ng salapi kahit kakaramput lamang ang kaniyang maaaring kitain sa araw-araw.

Unti-unting naglakad patungo sa bulwagan ng pinto si Sarah habang pinapaspas ang mahaba at itim na kupas nitong palda. Naglakad ito sa gitna at piniling maupo sa gitnang bahagi ng mga upuan.

May mangilan-ngilan na ring mga taong pumapanhik sa loob suot-suot ang kanilang magagarang damit. Ang ilan ay napapatingin kay Sarah at hindi malaman ang kanilang dahilan sa likod ng kanilang kakaibang titig, subalit hindi iyon inalintana ni Sarah at pilit na pinabulaanan iyon ng isang ngiti.

Muli itong napabaling sa harapan ng altar at mas lalong napalaki ang kaniyang ngiti nang makita ang isang lalaking nakadamit ng mahabang puti.

Inaayos nito ang altar at sinisindihan ang kandila malapit sa mga santo. Pagkatapos niyon ay yuyukod siya nang kaunti at kukunin ang mga bibliya at ipapatong iyon sa ibabaw ng lamesa.

Ito ang isa sa dahilan kung bakit malaking ngiti ang iginawad ni Sarah nang marinig ang tunog ng kampana, at kung  bakit kumikinang ang mga mata nito papasok sa simbahan. Sapagkat muli na naman nitong masisilayan ang Ginoong may lihim siyang pagtingin.

Napahinga ito nang malalim at inilabas sa kaniyang bulsa ang kulay kremang sobre na may tuyong rosas na nakadikit sa ibabaw nito. Isa mang kabaligtaran ang pagbibigay nito ng sulat sa isang lalaki subalit hindi niya iyon inalintana.

Dali-dali itong tumayo sa kaniyang upuan at lumabas sa kumbento at nagtungo sa likurang bahagi nito upang iwanan ang sobre sa dating lagayan na pinag-iiwanan  nito.



"MAY sulat para sa iyo Hideo, mukang galing iyan sa iyong iniirog," isang mapang-asar na saad ni Pablo habang nakangising nakatingin sa kaniyang kaibigan.

Napakunot ang noo ni Hideo at takang nilapitan at kinuha ang kulay kremang sobreng nakapatong sa ibabaw. Lagi na lamang sa tuwing pagsapit ng hulyo ay may lihim na nagbibigay sa kaniya ng sobre. Sa pagkakaalam  nito'y umabot na ng walong sobre ang nalikom nito at nakatago sa isang maliit na baul. Hindi nito batid kung bakit may puwang sa kaniyang puso na ayaw nitong iwaglit ang mga sulat dahil tila may kakaiba sa mga iyon.

Marahil ay nais niyang makilala ang binibini sa likod ng ngalan na Tala.

Napailing nang paulit-ulit si Hideo at ibinulsa ang sobre.

"Pang-ilang beses nang sobre iyan na iyong natanggap Hideo, ni minsan ba'y hindi pa rin nagpapakilala ang tao sa likod ng mga liham na iyan?" saad ni Pablo habang inaayos ang gamit sa pangmisa sa loob ng lagayan.

"Marahil ay kumukuha lamang siya nang sapat na loob upang magpakilala sa'kin," hindi siguradong tugon ni Hideo at napakabit-balikat.

Mapagbirong nagbitiw ng halakhak si Pablo at tinapik ang balikat ng kaniyang matalik na kaibigang si Hideo. "Hindi natin alam Hideo na baka siya na ang iyong mapapangasawa sa hinaharap. Sa edad mong dalawampu't walong gulang ay nararapat ka nang magkaroon ng iyong mapapangasawa," saad nito at ngumisi.

Ang Lihim na kwento ng mga BuwanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon