PROLOGUE

154 12 6
                                    

"Akala nyo siguro ligtas na kayo 'no?"

May kagimbal-gimbal na lalim at lamig sa pagkakabigkas na iyon ng sigang leader na si Zaki. Initsa niya ang hawak na gameboy sa kabilang dulo ng kinauupuang lumang sofa. Marahan syang tumayo at naglakad papalapit sa tatlong magkakaibigang nakaluhod at nakagapos pa din ang mga kamay.

"Gumawa kayo ng kalokohan sa 'kin, pero pinili naming maging mabait sa inyo. Hindi na namin kayo ginantihan... kaya siguro, inakala nyong quits na tayo lahat-lahat, tama ba?"

Unti-unting nilantad ng malamlam na ilaw mula sa mga kandilang nasa gilid ng silid ang nakakakilabot na itsura ni Zaki. Mas marami siyang tattoo ngayon sa magkabilang braso kaysa noong una silang magkita-kita nila Angel sa videohan. May mga tattoo din sya sa leeg na sa dami'y halos umabot na rin sa magkabilang pisngi. May mga pagitan ang pagkaka-ahit sa magkabilang kilay na puro hikaw. May suot din siyang pilak na hikaw sa ilong kagaya ng nasa ilong ng hayop na toro.

"Lintik kayo.... Muntik na 'kong maawa sa inyo... Muntik ko na sanang kalimutan na may isang grupo ng apat na tarantadong minsang dumungis sa pangalan ko.

"Gusto kong malaman mo Ryan na nirerespeto ko ang hiling sa 'kin ng kuya mo." ibinaling ng siga ang tingin sa gilid kung nasaan si Ryan. Bantay-sarado ito sa dalawang sigang parehong may hawak na patalim.

Kabado pa rin ang binatilyong pawang nakagapos rin ang mga kamay. Isang maling galaw, tiyak na aabutin sya ng saksak sa likod.

"Alam mo ba kung gaano kabigat sa dibdib kong palampasin yung kagaguhang ginawa mo Ryan? --Tang'na! Kung hindi ka lang nya kapatid, baka matagal ka ng natagpuang palutang-lutang sa Riverpark na pugot ang ulo. Pero tropa ko kasi si Harold. May espesyal na lugar sya dito sa puso ko... kaya ikaw na tarantado ka-" dinuro ni Zaki si Ryan sa gilid "-ang swerte mo!... Hindi ka kasama sa pagpipilian ko mamaya."

Dahan-dahang umikot si Zaki at naglakad pabalik sa pinanggalingang sira-sirang sofa. Pumunta sya sa likod nito saka yumukong tila may inaabot na kung ano sa sahig.

Binalot ng takot ang buong katawan ng apat na magkakaibigan ng makita nilang may hawak itong tila dalawang magkapatong na dos-por-dos na kahoy. Mahigit isang metro ang haba nito na tadtad ng di mabilang na mga nakausling pako ang duluhang parte. Tila pinakinis at inukit ang hawakan nito ng kagaya sa hawakan ng isang batuta.

"Alam nyo... handa ko na sana kayong patawarin e." Nakaladlad ang dulong parte ng kahoy sa sahig kaya gumagawa ng ingay ang pagkayod ng mga pako sa semento habang pakaladkad itong hinihila ni Zaki.

"Tanggap ko nang may mga bagay sa mundo na dapat mong bigyan na lang ng awa... kagaya nyong apat...Pero tang'na nyo! Hindi na kayo nakuntento sa kalayaang binigay ko, balak nyo pa pala akong gantihan? Anong kalokohan ba ang naisip nyo para pagtangkaan ang buhay ko? Ako... ako na isang gang leader... Leader, naiintindihan nyo?... Leader!"

Dinig sa bawat kasuluk-sulukan ng abandonadong bahay ang mala-kulog na boses ng boss ng mga siga. Maging ang mga batang nagtitipon sa gilid na abala kakasinghot ng rugbyng nakaplastic ay napatingin na din.

Iwinasiwas ni Zaki ang sandatang hawak na akala mo'y isang professional batter sa isang baseball match. Makailang ulit nya 'tong ipinalo sa hangin na may mukhang tila pinalukot ng matinding galit.

Sindak ang dulot nito sa tatlong magkakaibang bihag, lalo na ng bigla siyang huminto sa ginagawa't muling ibinaling ang tingin kay Angel.

"Alam nyo ba kung gaano kabigat ang mabansagan ka sa gano'ng titulo? Hindi nyo pwedeng basta-basta yurakan at bastusin ang pangalan ng isang leader ng walang haharaping mabigat na kaparusahan..." itinutok ni Zaki ang sandatang kahoy sa mukha ni Angel.

Gangster Anomaly : Trono sa HanginWhere stories live. Discover now