CHAPTER 6: Oo na Oo na Sige na, Tama ka naman Palagi eh

18 0 0
                                    


"Buti na lang absent na naman si Mam Bugarin. Extended na naman recess natin." tuwang-tuwa si Ran na sumampa sa barandilyang tambayan at napadekwatro pa.

"Ikaw angsama talaga ng ugali mo 'no? Ikaw lang ang bukod tanging halimaw, hindi tao, na natutuwa kapag nagkakasakit ang ibang tao." kontra ni Jerbyng kakadating lang matapos idistribute ang mga merienda sa Row 1.

"Depende pa din 'yan. Pa'no kung di ko trip yung tao? Changgala, bakit ako malulungkot?" tugon ni Ran na napahimas pa sa peklat ng kanang kilay nya. Malamang si Michelle ang tinutukoy nitong tao na hindi nya trip. Umiiwas lang sya sa kantyawan kaya hindi nya mabanggit ang pangalan ng dalagita.

"Baliw! Si Mam Bugarin ang pinaguusapan natin dito. Baka bugbugin kita kung pati 'yon sasabihan mo pa ng masama!" pabirong banta ni Ryan na nakupo na din sa barandilya.

"Hindi si Mam tinutukoy ko. Ambait-bait nun e. Ang ibig kong sabihin, kung kasing kupal nila Zaki o Julez 'yon, baka magpapyesta pa ko sa barangay namin kung magkasakit, sana, sila." saad ni Ran.

Wala sa tatlo ang gustong sumagot kay Ran. Ilang linggo na nilang iniiwasang pag-usapan ang kahit anong may kaugnayan sa gang ni Zaki. Masyado silang naapektuhan sa mga nangyari noong nakaraang buwan. Isang linggo silang hindi tumambay malapit sa bintana sa takot na baka biglang sumulpot ulit sa kabilang bakod ang mga siga. Hindi na din sila dumadayo sa counteran malapit sa Araneta street. Balak na nilang ibaon sa limot ang planong paghihiganti.

"Pero ako sa totoo lang ha, tawanan nyo na lang ako o tawagin nyo 'kong malambot--" may tamlay sa tinig ng kadalasang ganadong si Ran "--pero aaminin ko, nakakalungkot na hindi ko na nakikita si Mam Bugarin."

"Ako din. May katandaan na din kasi e. Naalala ko nga lola ko sa kanya. Kumusta na kaya lagay nya ngayon?" malungkot na usisa ni Jerby.

"Huling dinig ko sa mga teachers nakaconfine pa din daw sa St. Vincent e." saad ni Angel na napaupo na din sa paboritong tambayan.

"Changgala!... Sa St. Vincent pa talaga? Ginto bayad dun e." gulat na reaksyon ni Ran sa narinig "Kung ako magpapahospital ayoko do'n. Tyatyagan ko na lang dyan sa health center."

"Oo. Tapos kasama mo sa pila yung mga nagpapadedeng nanay, pati mga senior na nagpapa-BP." pilyong tugon ni Ryan

"At least nakamura!" mabilis na tugon ni Ran.

“Para namang makakaangal ka pa kapag lupaypay ka na... Natural sa St. Vincent ka itatakbo ng magulang mo, doon kayo mas malapit e. Hayaan mo silang mamroblema sa pambayad, ang mahalaga ligtas ka.” paliwanag ni Angel sa tila nag-iinarteng matangkad na kaibigan.

“A basta! Ngayon pa lang sasabihan ko na mga erpats ko na 'wag akong dadalhin dyan sa St. Vincent o sa kahit na anong private hospital 'pag nangyari sa’kin yon.”

“Ano 'yon? Huling habilin? Alam mo'ng pinakamaganda mong gawin para makatipid?" tanong ni Jerby habang nakatitig sa mata ni Ran "--Wag kang tatanga-tanga sa kalsada para hindi ka madisgrasya.”

"Ikaw lang 'yon, Buang!" pang-asar na tugon ni Ran "Ako pa ba? Tsaka sa talas ng mga mata ko, bago pa dumating ang disgrasya, nakita ko na!"

"Kung ako kay Mam wag na sya magturo. Tambay na lang sya sa faculty room." wika ni Ryan.

"Oo nga e. Kawawa naman kasi. Mahina na nga tuhod, akyat-baba pa sa lumang building. Kung hindi nga agad naitakbo sa hospital si Mam, baka mas malala pa nangyari sa kanya. 'Buti na lang kamo andaming barakong nagbuhat sa kanya sa section 15." paliwanag ni Angel.

"Iba din kasi style ni Mam e. Malumanay magsalita at andaming kwentong talagang may kwenta," nangingiting bigkas ni Jerbyng tila nangungulila ang tinig "-di gaya ni Sir Kups, kundi pagsusugal, pambabae naman palaging bukam-bibig.”

Gangster Anomaly : Trono sa HanginWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu