Kabanata 2: Magarbong Pagdiriwang

97 9 0
                                    

Kabanata 2: Magarbong Pagdiriwang

SA MALAYO pa lang ay sinalubong na agad si Makisig ng mga katribo niya. Umaapaw ang kaligayahan ng lahat habang yumayakap at bumabati sa kanya. Sa sobrang dami nila, hindi na niya alam kung sino ang unang pasasalamatan.

Isang malaking pagdiriwang ang nagaganap tuwing uuwi siyang panalo. Gaya sa gabing iyon, muli siyang nagpakain sa buong tribo gamit ang perang napalanunan kaya maingay na naman ang lugar nila. Sinisigurado niya na laging busog ang mga katutubo sa bawat tagumpay niya.

Isang matanda ang lumapit sa kanya at humawak sa kanyang balikat. Saglit niyang tinalikuran ang mga tao sa paligid niya para kausapin ito.

"O, Ampa! Kanina ko pa po kayo hinihintay. Saan ba kayo nagpunta?" masaya niyang bati kay Ampa Khandifa at kinuha ang mga kamay nito saka siya nagmano nang payuko rito.

"Galing kasi kami sa kabilang bayan at may pinamili lang. Hindi ko akalaing may malaki na palang handaan dito. Siguro panalo ka na naman, ano?" Tumatawa nitong nilingon ang kasamang dalaga na si Luntian, ang matalik niyang kaibigan at kababata.

Ngumiti rin ang dalaga sa kanya.

"Ano pa po'ng hinihintay n'yo? Makisalo na rin po kayo sa kanila, Ampa!" sagot niya rito, ang ampa sa kanilang dialekto ay nangangahulugang lola.

"Sige, sige! Kakain na rin ako!"

Inalalayan niya sa paglalakad ang matanda hanggang sa makarating ito sa pinakamalapit na lamesa. Binalikan naman niya si Luntian na nakangiti pa rin sa kanya. Inayos niya ang nakataling mga halaman at bulaklak sa ulo nito saka ito ginantihan ng ngiti.

"O, Luntian, hindi ka ba sasabay kay Ampa?"

"Pagbati ulit sa 'yo, Makisig! Sayang at hindi ako nakapanood ng laban mo kanina. Kailangan kasi ni Ampa ng kasama dahil hindi na niya kayang bumiyahe mag-isa."

"Ano ka ba, walang problema do'n! Sige na, kumain ka na rin. Siguradong pagod n'yan kayo sa biyahe."

"Ikaw, kumusta ka naman? Halika! Gamutin muna kita sa loob?" Nagtangkang humawak ang dalaga sa mukha niya pero kinuha agad niya ang kamay nito.

"Hindi na kailangan 'yun. Kita mong wala naman akong sugat, oh. Hindi naman kasi ako nahirapan sa nakalaban ko kanina. Madali ko lang siyang napatumba."

"Gano'n ba? Sige. Sabi mo, eh." Ngumiti muli ang babae at pumuwesto na rin sa tabi ng Ampa nito.

May mga katribo pa siyang dumating at sinalubong sa daan. Hinatid niya ang mga ito sa bakanteng mga puwesto at isa-isang inasikaso. Sinigurado niya na kumpleto na ang lahat bago siya nagbalik kina Luntian para makisabay.

ISANG leon ang umuungol habang kinakalampag ang malaking puno. Ang ingay na nililikha nito ang nagpagising kay Makisig. Nakatagilid pa siya nang paghiga sa mga oras na iyon. Pagmulat niya ng mata, ang MFC Championship Belt na nakasabit sa gilid niya ang agad na bumungad sa kanya.

Medyo mababaw pa ang umaga nang bumangon siya at humarap sa salamin. Pinagmasdan niya ang sarili at buong siglang inunat ang maskuladong katawan.

Tulad ng tradisyunal na kasuotan ng mga kalalakihan doon, isang maikling bahag lang din ang kanyang suot na yari sa manipis na tela. Kulay-kape iyon na umaabot lamang ng limang pulgada sa harap at mas pinaikli ang likod.

Kinuha niya ang kanyang mga alahas at isa-isang isinuot sa katawan, kabilang na rito ang kuwintas na may palawit ng pangil ng buwaya, ang bakal niyang pulseras na kasing kulay ng kanyang bahag, at ang pares ng hikaw na hugis balang yari sa kahoy.

Sinuklay din niya sa kamay ang kanyang buhok na umaabot hanggang braso. Makintab ito, maalon-alon at may patulis na teksturang nagbibigay ng mas kakaibang dating dito.

Makisig: Muay Thai Warriorحيث تعيش القصص. اكتشف الآن