Kabanata 31: Pinakanagbabagang Pagtutuos

33 9 0
                                    

"THIS is the second round of the qualifying match! The winner of this round will be the official fighter and representative of the Philippines. Who will remain standing? Kael Tarik versus Dominick Valentino, fight!"

Tumunog na ang kampanilya. Desidido na talaga si Dominick na tapusin ang laban sa pinakamabilis na paraan. Lalo't bago magsimula ang laban nila kanina, nagturok pa ito ng limang injection ng Devil Drug kahit ang dami na nitong itinurok kaninang umaga.

Sa pagkakataong iyon, si Dominick ang naunang sumugod. Namangha si Makisig sa bilis ng galaw ng lalaki. Kung hindi siya naging maingat, baka maaga ngang natapos ang laban dahil sobrang lakas ng mga suntok na kumakawala rito.

Masyadong delikado ang mga kamao ni Dominick ngayon. Isang tama lang nito, para siyang hinampas ng sampung bakal sa ulo. Kaya naman ginamit lahat ni Makisig ang kanyang bilis para ilagan ang mga opensa nito. Hindi na niya ito sinubukan pang saluhin gaya ng dati dahil alam niyang wala rin iyong magagawa.

Pag-ilag lang ngayon ang ginawa niya. Kung anu-anong mga punching at kicking techniques ang ginawa ni Dominick. Pinagsama nito ang Boxing at Taekwondo sa pagpapalabas ng malalakas na mga suntok at matataas na mga sipa.

Sa huling atake na pinakawalan nito, yumuko siya at umikot patungo sa likod nito. Pagkatapos ay sinipa niya si Dominick sa likod ng ulo. Napayuko ito at napaluhod. Pero agad ding nakabawi ang lalaki.

Naglabas ito ng mala-demonyong tawa. "Bakit ka puro ilag! Bakit nawala yata ang tapang mo ngayon! Dati, uhaw na uhaw kang sumuntok! Bakit ngayon, parang umatras na yata ang bayag mo, Makisig?" maangas na tanong sa kanya ni Dominick.

Natawa lang si Makisig dito. "Malalaman mo mamaya kung bakit," anito at muling nagtaas ng mga kamao.

Muli pang sumugod sa kanya si Dominick at sa pagkakataong ito, mga grappling techniques naman ang ginamit nito. Sinubukan nitong bihagin ang kanyang lower body part para makagawa ng mga takedown. Mabilis naman siyang lumukso, umatras, at sumipa gamit ang tuhod upang makawala sa takedown attempt nito.

Ilang beses siyang binihag at tinangkang itumba ng lalaki pero lagi siyang nakakawala. Sa mga oras namang iyon, ginamit niya ang mga naituro sa kanya ni Coach Andres kung paano kontrahin ang ilan sa mga grappling technique.

Tuwing susunggab ito sa ibaba niya, isang malakas na sipa sa tuhod ang gagawin niya na magpapaatras sa lalaki. Tuwing mahuhuli naman siya nito at susubukan ibagsak, agad niyang ginagamit ang puwersa ng paa para hindi tuluyang mawalan ng balanse, saka niya hinawakan ang katawan ng lalaki at buong puwersa ding binuhat sa pabaligtad na direksyon para mabali ang pagkakahawak nito sa kanya.

Paulit-ulit lang na ganoon ang ginawa niya hanggang sa magsawa at mapagod ang lalaki. Kaya sa pagkakataong iyon, nag-iba na naman ito ng fighting style. Jeet Kune Do naman ang ginamit nito, ang martial arts ni Bruce Lee.

Mas mabilis na mga suntok at sipa ang pinakawalan nito. Kakaibang mga stances din ang pinakawalan nito na ngayon lang niya nakita. Umatras lang siya nang umatras, sumampa sa mga lubid at nagpaikot-ikot sa ere upang hindi dumapo sa kanya ang mga opensa ng lalaki.

Noong nasa Canada pa siya, pinag-aralan din niya ang iba pang mga martial arts para malaman kung ano ang specialty ng mga ito at kung paano sila kokontrahin. Kabilang na nga rito ang Jeet Kune Do na kilala bilang isa sa pinakamabisang panlaban sa mga brutal na labanan.

Walang ibang ginawa si Makisig kundi ang umilag nang umilag. Umabot ng sampung minuto na puro siya lundag at talon para ilagan ang mga atake ng kalaban. Hanggang sa unti-unti na ngang mapagod dito si Dominick.

Sa pagkakataong iyon, medyo hiningal na ito at napahawak sa bandang puso. Iyon ang pagkakataong hinihintay niya.

"Ngayon alam mo na ang dahilan kung bakit kita iniilagan. Dahil iyon ang kahinaan ng Devil Drug mo 'di ba?"

Makisig: Muay Thai WarriorWhere stories live. Discover now