The Elven Village II
"Ahm... Napuwing lang ako. Hindi ako umiiyak." ang simpleng wika ni Margaret.
Ngayong nakikita niyang nakasama muli nina Emerald, Violet at Mira ang kanilang pamilya, walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman niya. Pakiramdam niya, lahat ng pagod niya sa paglalakbay ay nawala. Isama na din doon ang gutom na kanyang nararamdaman. Bahagya siyang napakislot nang punasan ni Commander Xavier ang mga luha sa gilid ng kanyang mga pisngi.
"Hmm... Napuwing pala ah?" ang kunot-noo nitong tanong sa kanya.
Pasimpleng kinusot ni Margaret ang mga mata niya.
"N-Napuwing nga talaga ako eh!" ang depensa niya.
Napatingin siya kay Commander Xavier at napatingin ito pabalik sa kanya. Isang simple at matipid na ngiti ang namutawi sa labi nito. Hindi niya alam kung bakit ito biglang napangiti sa kanya. Kaya naman ayon, muli niyang itinuon ang atensyon niya sa harapan.
Nakita niya na sinalubong sila ng chieftain ng mga elves. Hindi niya masasabi kung matanda na ito, pero matured Oo. Puting-puti ang buhok nito na straight at mahaba. Puti din ang kasuotan at iyong itsura, nasa early fourties at maganda ang pangangatawan. Una nitong tiningnan sina Si Sir Arion, nag-usap ang dalawa sa sarili nilang wika.
Bagama't hindi naiintindihan ni Margaret ang lenguwahe nila, alam niyang positibo naman ang pinag-uusapan nila base na rin sa ekspresyon ng kanilang mga mukha.
Maya-maya pa ay sinenyasan sila ng chieftain na lumapit. Iyon nga ang kanilang ginawa at saka sila bumaba sa kabayong kanilang sinasakyan. Kagaya ng dati, tinulungan siya ni Commander Xavier. Ang tangkad naman kasi ng kabayo nito at napakatikas na itim na stallion. Nananatiling nakabalabal sa kanyang katawan ang kapa nito para maprotektahan ang sarili sa lamig at siyempre, maitago iyong ilang parte ng katawan niya. Napunit kasi ang ilang parte ng suot niyang damit.
"Commander Xavier! Masaya akong makita kang muli! Hmm... At mukhang kasama mo ang iyong nobya!" ang nakangiting bati ng chieftain.
Bigla tuloy napalayo sa isa't-isa sina Margaret at Commander Xavier.
"Ah, hindi ko siya nobya. Kasamahan ko siya. Siya ang naging espiya para matunton namin ang lugar kung saan i-no-auction ang mga babae." ang paliwanag ni Commander Xavier.
"Tama siya. Hindi kami ano..." ang alanganing wika naman ni Margaret.
Natatawa naman sina Vice Commander James at Sir Isenbard sa tabi, napailing naman si Sir Arion at saka napangiti.
Bumaba na sa kanyang kabayo si Commander Xavier at inalalayan niya si Margaret nang bumaba din ito. Matamang napatingin ang chieftain kay Margaret.
"Binibini... Suot mo ang punit na kapa ni Commander Xavier. Alam mo ba na hindi dapat pinupunit ang kapa ng isang commander? Nangangahulugan kasi iyon na natanggal siya sa tungkulin niya o kaya naman ay natalo siya sa isang marangal na laban." ang biglang sita ng chieftain.
Nanlaki ang mga mata ni Margaret sa kanyang nalaman. Tatanggalin sana niya ang suot niyang kapa na nakabalabal sa kanyang katawan ngunit pinigilan siya ng kasama niya. Walang-iba siyempre, si Commander Xavier.
"Hayaan mo lang, Miss Strauss. Ako na ang magpapaliwanag." ang wika ng huli.
Napatingin si Commander Xavier sa chieftain.
"Kusa kong pinunit ang kapa ng aking baluti upang gamitin ni Miss Strauss na panlaban sa lamig. May nakasagupa kaming horde ng mga orcs habang papunta kami dito. Nasira ang mga gamit at ang karwahe ni Miss Strauss. Nawala din ang mga kabayo niya. Munting bagay lang ang pagbibigay ko ng kapa ko sa kanya bilang balabal laban sa malamig na klima. Puwede naman iyang mapalitan at matahi muli." ang wika ni Commander Xavier.

YOU ARE READING
He was a cold Knight
RomanceCommander Xavier Lionhart, the aloof and strict commander of the Knights. He was known as a heart-breaker and he rejected a lot of noble ladies who shows advances. Is there a chance that he was able to be tame?