Kabanata 6

1.7K 72 5
                                    

Kabanata 6

Sakurako

***

May malay na ako ngunit mas pinili kong manatiling pumikit. Hindi ko alam kung bakit nakadapa ang pwesto ko ng pagkakahiga. Pinakiramdaman ko muna ang buong paligid at kung nasaan man ako. Dahil sigurado ako, nasa ibang lugar na ako gaya na lamang nang una kong pinatunog ang bell ni Fan. Nakaramdam ako ng isang malamig na bagay sa aking dibdib. Kinapa ko ito habang nakapikit at nagulat ako sapagkat suot ko pa rin ang kwintas. Akala ko, maiiwan ko ito kay Cronica. Nakarinig ako ng ingay mula sa labas ngunit ang ingay na mga ito ay tila nag-iingat na makagambala.

Huminga ako nang malalim at saka nagmulat ng mga mata. Muli, ako'y namangha't nagulat na naman ngunit ngayon, may kasama na ring kilabot dahil sa aking mga nakikita. Nasa isa akong silid na ang disenyo ay parang sa bahay ng isang Hapon. May mga calligraphy akong nakita na naka-frame at larawan ng dragon na siyang dahilan kung bakit ako kinilabutan. Ngunit mas kinilabutan ako nang lumingon ako sa aking kaliwa at nakita ang dalawang samurai na nakasabit kaya bigla akong napabangon sa aking pagkakadapa.

Sakit sa likod ang aking naramdaman sa bigla kong pagbangon. Napakapa ako sa aking likod at naramdamang nakabukas ito kaya dali-dali akong napayuko at tinignan ang aking kasuotan. Nakasuot ako ng isang damit na sa pagkakaalam ko, suot ng mga babaeng Hapon na nakikita ko sa anime noong bata pa ako. Kung hindi ako nagkakamali, Kimono ang tawag sa aking suot ngunit baligtad ang pagkakasuot ko rito kaya nakalitaw ang aking likod.

Tinukod ko ang kanan kong kamay at pilit na nililingon kung anuman ang nangyari sa aking likod ngunit bigo akong makita ito sapagkat nakararamdam ako ng sakit sa simpleng paggalaw ko lamang. Nag-angat na ako ng tingin at hindi sinasadyang makita ang salamin na nasa likuran ko lamang. Nasilayan ko nang buong-buo ang aking likod at nanlaki na lamang ang aking mga mata nang makita ang isang imahe ng dragon na mukhang kakaukit at bagong-bago lang dahil sa pamumula ng aking balat.

Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Paano ako nagkaroon ng ganito kalaking tattoo? Ni minsan hindi ako naglagay ng kahit na anong tattoo sa aking katawan kahit na 'yung mga libre lang sa bubble gum sapagkat mayayari ako sa aking ama tapos ngayon, isang napakalaking imahe ng nakatatakot na dragon ang mayroon ako sa aking likuran? Nakarinig naman ako ng kaluskos sa aking harapan kaya napalingon ako rito.

"Fan!" naisigaw ko nang makita siyang nakaupo at nakatingin lang sa akin.

"Nasaan si Tasia? Nasaan ako? Bakit ganito?" Sunod-sunod kong tanong sa kanya at kahit na alam kong hindi naman niya ako masasagot sapagkat isa lamang siyang pusa ay naghintay pa rin ako na parang baliw lang.

May bigla namang pumasok sa kwarto dahilan upang mapahawak ako sa aking katawan.

"Ojou! Ano pong nangyayari?" Isang lalaking may salamin, naka-polo at slacks na itim ang nagsalita ngunit sinabi niya ito sa ibang lenggwahe at nagtataka ako kung paano ko ito naintindihan. May dala rin siyang samurai na mukhang handa nang makipaglaban. Pinasadahan niya ako ng tingin at bigla na lamang siyang napaiwas nang mapagtanto niya ang itsura ko. Ngunit ako, nanatili akong nakanganga nang makilala ang lalaking ito.

"Paumanhin po, Ojou! Akala ko'y may nangyari nang masama sa inyo," sabi niya sa ibang lenggwahe na naman. Tingin ko'y lenggwahe ito sa bansang Japan.

"C-chris?" tangi kong nasambit.

Nagtataka naman siyang ibinalik ang tingin sa akin.

"Ojou, sino pong Chris? Ako po si Ren. Sige po, magpahinga na po kayo. Alam ko pong masakit pa ang iyong likuran," aniya ayon sa pagkakaintindi ko saka lumabas.

Escape To FantasyWhere stories live. Discover now