Kabanata 12

1.2K 69 0
                                    

Kabanata 12

Party

***

Pagkauwi ko, inulan na ako ni Linda ng mga tanong dahil sa pag-aalala niya raw. Wala raw kasi akong alam dito at baka kung mapaano pa ako. Gusto kong tawanan siya ngunit humingi na lamang ako ng paumanhin. Bata pa naman si Linda, siguro mga nasa bente anyos lang ito pero kung magalit sa akin, akala mo si Maria na mayordoma nina Cronica.

Napag-alaman kong magdadaos ng party dito sa likod ng aming bahay. Nagulat nga ako dahil ang lawak-lawak pa pala ng likuran nito at sadyang tinira talaga ang espasyo para sa mga events. Nalaman ko ring nasa Maynila naman daw ang malaking bahay namin nang mabanggit ni Linda.

Hindi ko alam kung para saan ang party na idadaos. Sabi ni Linda, baka raw dahil sa pagdating ko ngunit sabi ko naman, hindi naman siguro gano'n 'yon dahil grabe naman yata.

Nakaupo lamang ako sa sala at nanood lamang ng telebisyon. Pinanood ko lamang ang mga katulong na abala sa kanilang mga ginagawa para sa party mamayang gabi. May matandang babae nagluluto sa loob na siyang isa raw sa pinakamasarap magluto rito. Tila nakaramdam ako ng sabik para mamayang gabi sapagkat ganitong party ang gusto ko. 'Yung puro homemade ang handa at Filipino foods.

Biglang dumating si Allen – este Jimboy. Nakita niya akong nakaupo sa sofa at nang nilingon ko siya, ngumiti siya sa akin at binati ako. Walang pinagkaiba si Jimboy kay Allen. Parehas na nga sila ng itsura, parehas din silang laging nakangiti at bumabati sa lahat. Paano, anak ng Kagawad si Allen e, at may plano siyang sundan ang yapak ng kanyang ama. Nasa dugo na kasi nila iyon.

Ang pinagkaiba lamang ng dalawa, mas simple si Jimboy siguro ay dahil hindi naman siya lumaking may marangyang buhay hindi gaya ni Allen na sunod sa luho.

Ay, bakit ko ba sila pinagkukumpara? Hays, pantasya lang naman 'to!

"Nakita mo na 'yung dinala kong damit mo para mamaya?" Tanong niya.

Napakunot-noo naman ako.

"Nasa kwarto mo lang 'yon. Tignan mo na lang mamaya at isukat mo."

Tumango naman ako.

Aalis na sana siya upang magtungo sa kusina ngunit tinawag ko siya agad sa hindi ko malamang dahilan.

"Ah... Pupunta si Dad?" Bigla kong naitanong. Hindi ko alam kung saan iyon nanggaling.

Nawala ang ngiti ni Jimboy sa kanyang labi at bigla na lamang napakamot sa ulo.

"Hindi ko alam e. Lumuwas kasi siya sa Maynila para sa negosyo niyo. Hindi niya na ako pinasama para ako na raw mag-alalay sa 'yo," nag-iingat niyang sagot na tila pinapanood ang ekspresyon ko kung malulungkot ba ako.

Ngumiti ako sa kanya para iwasan na niya ang pag-iisip.

"Okay lang. Lagi naman 'tong nangyayari 'di ba? Kahit na nung nasa Manila pa ako," sabi ko saka tumawa.

Kumunot ang noo niya at saka nagpaalam na at nagtungo sa kusina. Hindi ko alam kung saan nanggaling 'yung sinabi ko at basta na lang itong lumabas sa utak ko. Nang makaalis na si Allen, nakaramdam na ako ng matinding lungkot na hindi ko rin alam kung bakit ko nararamdaman.

Nawalan na ako ng ganang manood sa sala kaya nagtungo na ako sa kwarto ko upang tignan ang damit na sinabi ni Jimboy. Nakita ko ang isang puting cocktail dress at itim na pumps sa ibabaw ng kama ko. Nanlaki ang mata ko sa ganda ng mga ito. Kinuha ko ang pumps at tinignan ang taas nito. Kailan man, hindi ako nakapagsuot ng ganito kataas. Kakayanin ko kaya mamayang gabi? Naku po!

Napaupo ako dahil pag-iisip kung paano ko susuotin ang sapatos na 'yon. Tumingin ako sa paligid upang maghanap ng ibang sapatos ngunit iba ang nahanap ko.

Nakakita ako ng isang photo album. Kinuha ko ito at puro alikabok na. Umupo ulit ako at binuklat ito. Nakaukit sa unang pahina ang pangalan ko bilang Elena. Sa sumunod na pahina, puro mga larawan ng isang batang babae na tumatanggap ng parangal. Hindi ko mapigilang mamangha nang mapagtantong ito ang batang Elena. Ibig sabihin, napakatalino at galing ko pala sa mundong ito! Ngunit nagtaka ako sapagkat sa bawat larawan, ako lang mag-isa. Nang tumanggap pa ako ng parangal, isang guro ang nagsabit sa akin nito na dapat ay magulang ang gumagawa. Tila ba nakaramdam ako ng lungkot. Ang dami ko pa lang achievements noon bilang Elena ngunit isa sa pamilya o magulang ko, walang nakasaksi ro'n. Nakakalungkot.

Sinara ko ang photo album at napatingin sa orasan. Isang oras at kalahati na lang, mag-uumpisa na ang party kaya naman pinili ko na lang mag-ayos upang magmukhang presentable naman. Sinubukan ko munang isuot ang pumps at nilakadlakad ito hanggang sa ako ay masanay. Humarap ako sa salamin at tinignan ang aking sarili.

"Party 'to, hindi lamay. Kaya ngumiti ka... Elena," sabi ko sa salamin.

***

Naririnig ko na ang ingay mula sa labas. May tugtog akong naririnig at nang sumilip ako sa labas, marami nang tao. Tumingin muli ako sa salamin at ngumiti bago ko napagdesisyunan na lumabas na.

"Woah! Ang ganda mo talaga, Ma'am!" Bungad ni Linda sa akin sapagkat pagbukas ko ng pinto, naroon na pala siya at kakatok na sana.

Ngumiti naman ako sa kanya at nagpasalamat.

"Baba ka na, Ma'am. Mag-umpisa na raw e," aniya.

Tumango ako at naglakad patungo sa hagdan. Sinalubong naman ako ni Jimboy upang tulungang makababa. Tinanggap ko naman 'to dahil medyo kabado pa ako sa aking suot na sapatos.

"Bakit naman ganito ang binigay mo sa akin. Paano kung madapa ako," sabi ko sa kanya.

Natawa naman siya.

"Ang dad niyo po ang namili niyan," sagot niya.

Napanguso naman ako.

Inalalayan pa rin ako ni Jimboy kahit na nakababa na kami ng hagdan. Nagtungo na kami sa likod ng bahay kung saan idinaos ang party. Ngunit habang papalapit kami, unti-unting tumahimik ang paligid na ikinataka ko. Nilingon ko si Jimboy at nakangisi lang siya.

Nang makarating na kami, nagulat ako nang sabay-sabay na kumanta ang lahat ng taong naroroon.

"Maligayang bati, maligayang bati! Maligaya, maligaya, maligayang bati!"

Hindi ko mapigilang mapatakip sa aking bibig. Ramdam ko na ang pag-ipon ng luha sa aking mata at unti-unti na itong bumagsak. Kumanta ulit sila at English version naman. Kailan man, hindi ko naranasang masurpresa ng ganito. Ako bilang Alfie, lumilipas lamang ang araw ng kaarawan ko na parang wala lang kaya hindi ko mapigilang maluha.

Inabutan ako ni Jimboy ng panyo na tinanggap ko naman. Maya-maya'y lumapit si Linda na may buhat-buhat na isang malaking cake. Lumapit si Jimboy sa kanya at tinulungan siya. Sinindihan ni Linda ang kandila at hindi ko mapigilang mapaluha na naman. Kailan ba ako huling nakatanggap ng cake sa aking kaarawan? Hindi ko na maalala. Nakangiti silang lahat sa akin at hinintay ang paghipan ko sa kandila. Pumikit ako at hindi na humiling. Nagpasalamat na lamang ako at pinadanas ito sa akin kahit na alam kong panandalian lang ito. Dumilat ako at hinipan ang kandila.

Inabutan ako ng mikropono ng isa para sa speech.

"Salamat sa inyo. Maraming-maraming salamat! Sobrang saya ko ngayon pero mas masaya siguro kung nandito si Dad," nasambit ko.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maiwasang magdamdam.

"Pero masaya ako. Masaya ako kasi kasama ko kayo at pinaalala niyo sa akin na mahalaga ang pag-celebrate ng kaarawan," dagdag ko saka nginitian ang lahat ng tao roon.

Hindi ko man sila mamukhaan o makilala, alam ko sa sarili kong masaya sila para sa akin at mahalaga ako sa kanila.


Escape To FantasyOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz