Chapter 2: Tongue-lashed

1.6K 64 62
                                    

"Aray!" Hiyaw ko sabay napasapo sa likuran ng aking ulo. Masamang titig ang pinukol ko sa luma't kupas na drawer kung saan nadali ang ulo ko. Bwiset naman oh! Naatake pa ng isang drawer. May imamalas pa ba ako ngayong araw? Tsk! Umusod na ako ng kaunti para makaiwas sa drawer at dahan-dahang humiga sa aking kama. Malalim na hininga ang binuga ko at saglit na napikit upang pakalmahin ang aking sarili.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip at maintindihan kung bakit pati ang pagbili sa palengke ay ipinagkait na rin sa aming mga Downsector. Maaaring maintindihan ko pa kahit papaano na pagbawalan kaming gumala sa Upsector at lumabas ng bayan, pero ito? Ibang usapan na 'yun eh. 'Yon lang ang alam kong lugar na pwedeng pagbilihan ng mga kung anu-ano-- tulad ng pagkain. Oh eh paano pa kami makakabili nito? Minsan naiisip kong sila rin ang nag-uudyok sa aming mga Downsector na gumawa ng hindi dapat. Tulad ng pagnanakaw.

Dagdag pa sa iniisip ko ngayon ay ang kalagayan ng matandang babae na hinuli kanina. Base pa naman sa pangangatawan ni nanay ay mahina na siya. Sigurado akong hindi makakabalik dito ang ginang nang walang natatanggap na parusa. Hindi niya na kakayanin pa kung sakali mang makulong siya o kung anumang parusa ang ibigay sa kanya. Ang paghatak at wasiwas nga lang sa braso niya ng gwardya kanina ay halata kong hirap at nasasaktan na siya, 'yun pa kayang pahirapan siya't ikulong.

Minulat ko ang mga mata ko na may kunot sa aking noo. Nabungaran ko ang manipis na telang dingding na nagagawa lamang tumayo dahil sa pagkakatali nito sa mga nakatayong tangkay sa apat na kanto ng kwarto. Bahagya pang tumatagos ang liwanag mula sa labas dahil may mga butas at punit na rin ang tela. Ramdam ko rin ang mga butil ng buhangin mula sa aking likuran kahit pa nakahiga ako sa nakalatag na banig. Ito ang tinitirhan ko. Ito ang aking bahay-- kung bahay pa ngang maituturing ang isang 'to.

Isa pa ito sa mga kinakaharap naming mga pinalad na Downsector. Ang mga tent lang na gaya nito ang naninilbihang tirahan at bahay namin. May mga kaunting gamit man, may mga damit, at ilang kasangkapan ay alam kong mahirap para sa nakakarami, ngunit tama lang para manatiling buhay. Sa dinami-rami naming Downsector ay maraming tent ang nakatayo rito. Nagmukha tuloy kaming evacu-- eva-- teka alam ko 'to eh. 'Yung lugar kung saan tumitigil ang mga nasalanta? Ayun! Evaporation site.

"Mukhang marami ang iniisip natin ngayon ah." Naputol pagmumuni ko nang marinig ko ang boses ng isang babae. Agad akong napalingon sa kanya at napabangon nang upo.

"Uy--" putol na bati ko sa kanya at umayos ng upo sa banig na kanina'y hinihigan ko. "Bakit, ate Vivith? May kailangan po kayo?"

Nakangiti siyang umiling sa akin bilang sagot habang umuupo siya sa maliit at kahoy na stool. "Kukumustahin lang kita. Ang pagbasa mo ng mga balita," aniya ata agad akong napasimangot.

"Naku, ate! Wala na naman akong nakuhang kahit ano sa balita sa diyaryo ngayon. Pare-pareho pa ang laman ng balita. Walang saysay!" Inis na reklamo ko sa kanya. "Pasalamat sila sa crossword puzzles na meron sila. Kung hindi--" agad akong napahinto nang maalala ko ang diyaryo. Nagpalinga-linga ako at tumayo upang hanapin iyon. Saglit pa nga akong sumilip sa labas nagbabaka sakaling nahulog ko lang 'yon kanina sa daan, ngunit hindi ko rin 'yon nakita.

"Oh, Ean? Ano hinahanap mo?" Usisa ni ate Vivith na salubong ang kilay.

"'Yung diyaryong binili ko," malungkot kong sagot sa kanya habang hinahalughog ko na ang buong bahay-- tent. Hanggang sa matigilan na lang ako nang maalala ko kung kailan ko 'yon huling nahawakan. "Ay oo nga pala!" Bulalas ko at napahilamos sa aking mukha. Huli na nang maalala kong nabitawan ko nga pala 'yon kanina noong iposas ako ng mga gwardya. "Nabitawan ko 'yon kanina!"

Bumalik ako sa banig at umupo nang nakasimangot at may panghihinayang. Bakit kasi hindi ko naalala 'yon kanina? Sabik na sabik pa naman akong sagutan 'yung puzzle kanina. Itinago ko pa 'yon sa mga gwardya dahil binili ko 'yon sa may palengke kanina at baka kunin din nila. Eh ganun din pala ang mangyayari, mawawala rin pala sa akin. Sayang 'yun!

Lakserf's Obscure: Emergence of the Crack [Book 1]Where stories live. Discover now