Chapter 5: Faded and Vanished

1K 49 36
                                    

Lumagabog ang kahoy na pinto nang saraduhin ito ng mga gwardya. Nang bumalik ang atensyon niya sa akin ay nilahad niya ang kanyang kamay na para bang pinapauna niya akong maglakad. Kusang nagsalubong ang kilay ko dahil doon, ngunit agad ko naman iyon pinaunlakan.

Kanina pa ako nagtataka sa mga inaasta ng mga gwardyang 'to. Una, mahinahon nila akong kinumbinsi na sumama sa kanila. Pangalawa, tinatawag nila ako sa aking pangalan na para bang magbarkada lang kami. At higit sa lahat ay itong ginagawa nila, ang pagbibigay nila ng respeto at maayos na pakikitungo na binibigay lang nila sa mga Upsector. Nakakapanibago ang lahat ng inaasta nila. Minsan tuloy nagdududa ako na baka ito ang paraan nila para mahuli ako, pero kanina pa nila sinasabi na wala daw itong kinalaman sa paghuli sa akin.

Binabagabag na rin ako ng kung bakit daw kailangan akong kausapin ng Head Captain na ni minsan ay hindi ko pa nakikita. Kung totoo man ang mga sinabi ng mga gwardyang ito ay ito ang magiging unang pagkakataon na makikita at makikilala ko ang Head Captain. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa doon. Dati ko pang gustong kausapin ang Head Captain dahil nga sa nangyayari dito sa lipunan ng Edira, eh hindi ko naman akalaing sa gantong paraan kami unang maghaharap.

Huminto kami sa paglalakad nang marating namin ang isa pang pinto. Gaya kanina ay isang gwardya ang nagbukas ng pinto para sa akin. "Hinihintay ka na sa loob ang Head Captain," sabi nito.

Pumasok na ako sa loob ng opisina ng Head Captain. Agad kong pinalibot ang mata ko at nagmasid. Sa gilid ay ng opisina ay nakita ko ang kahoy na divider cabinet na may mga figurine at ilang mga kagamitan. May ilang painting din ang nakasabit sa pader na nagsisilbing dekorasyon ng opisina. Nang mapadako ang tingin ko sa kabilang dulo ng kwarto ay namataan ko ang isang lalakeng nakaupo malapit sa mesa habang nakatalikod siya't nakatanaw sa labas ng bintana. Kung hindi ako nagkakamali ay ito ang Head Captain.

Pumuwesto ang mga gwardya sa harap ko at sabay-sabay na sumaludo. "Naririto na po si Ean, sir. Gaya po ng pinag-utos niyo," wika ng isa sa kanila habang nananatili akong tahimik.

"Maraming salamat. Makakabalik na kayo sa mga posts niyo," walang lingon-lingon na sabi ng Head Captain. Muling sumaludo ang mga gwardya bago sila umalis at iniwan kaming mag-isa ng Head Captain.

Ngayong kaharap ko na at nasa mismong opisina na ako ng Head Captain ay hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Nandoon ang galit, ngunit nandoon din ang kaba. Magkakahalong emosyon ang aking nararamdaman, ngunit nang alalahanin ko ang lahat ng pinagdadaanan ng Downsector ngayon ay nangibabaw sa akin ang galit.

"May lakas ka na pala ng loob magpakita't magpakilala. Akala ko kasi magkukulong ka lang dito sa kwarto mo," panimula ko't pagbasag sa katahimikan na umaakto pang pinagmamasdan ang kabuuan ng 'kwarto' niya. Narinig ko ang mahina niyang bungisngis sa nasabi ko.

"Hindi ba pumepreno iyang dila mo?" Imik niya na hindi pa rin humaharap sa gawi ko. Bahagya akong nainsulto dahil doon. "Gusto kita."

Kasabay ng panglalaki ng mata ko ay ang kung anong kilabot ang naramdaman ko. Halos mapangiwi ako sa sinabi niya. Ito ba ang dahilan kung bakit gusto niya akong kausapin nang pribado? Lintek naman, kadiri! "H-huh?! S-sorry po, pero hindi po tayo talo eh."

Ang kaninang bungisngis niya ay napalitan ng malakas na tawa sa huling sinabi ko. Kita kong lumingon na rin siya sa akin, ngunit ang sinag ng araw mula sa likod niya ang nagiging dahilan para hindi ko makita ang mukha niya. "Hindi iyon ang ibig kong sabihin," sabi niya na ikinahinga ko nang maluwag. Ayun naman pala. Ayaw kasing kaklaruhin kung ano ibig sabihin. May pa gusto-gusto kita pa siyang nalalaman.

Tumayo na siya at nagsimulang maglakad papalapit s akin. "Tulad ng sinabi mo, hindi nga ako madalas na nagpapakita. Kaya bago ang lahat, hayaan mo akong magpakilala sa'yo nang pormal," pagsisimula niya habang dahan-dahan pa ring naglalakad tungo sa akin. "Ako si Jet, ang Head Captain ng Edira."

Lakserf's Obscure: Emergence of the Crack [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon