Ikalawang Kabanata

1K 54 7
                                    

"NIRVANA JOYCE SALVIEJO! GISING NA!"

Umagang-umaga pa lamang ay ito na agad gumulantang sa mahimbing kong pagkakatulog. Ginabi na kami ng uwi ni Kristi dahil na rin sa namasyal pa kami saglit. Kaya pagdating sa bahay ay tinalo ko pa ang kalaban ni Manny Pacquiao—tulog agad, bulagta. Kumbaga sa boxing, knock-out.

"Opo ito na!" tinatamad akong bumangon sa kama at saka humikab. Bumuntong hininga ako noong makita ang repleksyon sa salamin.

May narinig akong katok sa pinto. "Hoy Nirvana anak! Gising na! Ang tanda-tanda mo na hindi ka pa rin marunong bumangon mag-isa! Ano ba naman itong batang ito, oo. Dinaig ka pa ng bunso mong kapatid. Hindi pa ako gising, gising na sya!"

Iyan na naman tayo sa sermon na iyan. Bakit ba ako na naman ang pinapagalitan? Hindi lang naman ako ang anak nya, meron pa si Enzo. Mas late pa nga syang nagigising sa akin. Si papa talaga. Napailing na lamang ako.

Kinuha ko ang mga gamit para nang sa gano'n ay makapagpalit na ako. Ilang beses na akong nakasagot ng 'opo' pero patuloy pa rin si papa sa pagkatok ng pinto. Hindi ko tuloy mapigilang makaramdam ng pagkairita. Pinaka ayoko kasi sa lahat ay iyong paulit-ulit.

"Opo 'pa lalabas na nga eh!" inis kong binuksan ang pinto. "Magpapalit lang po ako sagli—"

Walang tao.

Napakamot na lang ako sa batok. Ang bilis yatang tumakbo ni papa? Nakapagtago agad? Nakapagtataka. Kung hindi kasi ako nagkakamali ay may rayuma ang paa nya kaya hirap ito sa paglalakad ngayon. Pwera na lang kung pinagtritripan na naman ako ni Dane— ang bunso kong kapatid. Ipinagsawalang bahala ko na lamang ito at saka isinara ang pinto.

Pagkatapos kumain ay dumiretso ako agad sa palengke para tumulong kay mama sa pagbebenta ng mga gulay. May sarili kaming pwesto rito na sa awa naman ng Dyos ay nakakayanan naming hulugan buwan-buwan.

Ngayong araw na ito ay sa gabi ang shift ko sa restaurant kaya ayos lang na tumulong kay mama ngayon.

"Anak pwede mo bang iabot sa akin iyan?"

"Saan po?"

"Iyang nasa kanan mo," turo nito sa pinapakuha nya. Iniabot ko ito sa kanya noong makita ito.

Maaga pa lang ay marami nang tao sa palengke. Mabuti na lang at maaga kaming nagbukas ng pwesto. Nakabenta kasi kami agad ng marami dahil sunod-sunod na rin ang pagdating ng mga suki namin. Ako ang kasalukuyang nagtitinda samantalang si mama ang nag-aayos ng mga paninda na bagong dating lang. Noong wala nang gaanong customer, tinulungan ko na rin si mama sa pag-aayos.

Si mama naman ngayon ang pumwesto na magbantay at ako naman ang nag-ayos ng mga kadarating na paninda sa may tabi. May nakita akong isang bata na nakatayo sa harap ng pwesto namin. Nakatingin ito sa mga paninda na kaaayos ko lang.

Ah, siguro costumer lang. Sa isip-isip ko sabay kibit-balikat. Hindi ko na ito pinansin dahil nilunod ko na lamang ang sarili sa pag-aayos. Ngunit matapos ang ilang minuto ay kapansin-pansin na tila ba hindi pa rin sya binebentahan ni mama.

Wala bang balak bentahan ni mama 'yung bata? taka kong tanong sa sarili. Umayos ako ng tayo.

"'Ma, may bata na bibili. Bentahan nyo na po." Sabi ko pa bago ipinagpatuloy ang pag-aayos. Tiningnan ko ang bata at nakita na naroon pa rin ito sa pwesto nya, hindi gumagalaw, parang may hinihintay. Nakatuon lang ang mga tingin nito sa paninda namin.

"'Ma," tawag ko ulit sa kanya upang mapansin nya.

"Ha?" lingon nya sa akin. Kasalukuyang nyang pinapaypayan ang sarili. "Bakit?"

"Bentahan nyo na po 'yung bata, kanina pa naghihintay. Kawawa naman."

Kumunot ang noo ni mama at saka iginala ang mga mata sa paligid.

Music Box (A Novella) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon