Ikapitong Kabanata

580 40 3
                                    

"BAKIT PARANG ANG LALIM YATA NG INIISIP MO?" TANONG SA AKIN NI AGEL noong nagkita kami pagkatapos ng check-up ko kay Dra. Jimenez.

Itinago ko ang mukha sa pagitan ng mga tuhod ko, niyayakap ang sarili ng napakahigpit. Ayoko munang umuwi. "Pwede bang dito muna ako?"

"Kasama ko? Alam mo namang ayun lang ang gusto kong mangyari."

"Pinagkakamalan akong baliw nila mama," wala sa sarili kong pag-amin. "mukha na ba akong baliw sa'yo?"

"Kung isa kang baliw... ikaw ang pinakamagandang baliw para sa akin."

Hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa sinabi nya. Pabiro ko syang sinuntok sa may braso. Naiinis ako sa sarili ko dahil natatawa ako sa sitwasyon na ito kahit hindi naman dapat. "Hindi ako nagbibiro. Seryoso ako."

"Bakit? Mukha ba akong nagbibiro?"

Iniangat ko ang namumugto kong mga mata sa kanya. Kanina pa ako tahimik na umiiyak. Alam kong alam nya iyon pero hindi lang sya nagsasalita. "Halika nga," hinila nya ako malapit sa kanya. Dahan-dahan nyang pinunasan ang luha sa aking mga mata at malumanay na nagsalita na tila ba nararamdaman nya rin ang nararamdaman ko. "Tahan na. Ayaw kitang nakikitang umiiyak. Bakit ka ba kasi nakikinig sa iba? Kung alam mo sa sarili na hindi ka gano'n, ibig sabihin hindi. People will have power over you only if you let them in."

Alam ko naman na tama sya. Hindi ko lang kasi maiwasang masaktan dahil sarili kong ina ay iyon ang tingin sa akin.

"Minsan alam mo, parang ayoko na."

"Mabuhay?"

Hindi ko na kailangang sabihin pa na tama sya dahil alam ko naman nang alam nya. "Mukha ba akong palaging masaya sa paningin mo?"

"Oo. May dahilan ba para hindi?"

"Kung makapagsalita ka, akala mo kilalang-kilala mo na ako." Biro ko sabay tawa ng mahina.

"It's not all what it seems."

"Anong ibig mong sabihin?"

Tulala akong nakatingin sa kawalan. "May mga bagay na akala mo gano'n, 'yun pala hindi. Kadalasan doon nalilinlang ang ibang mga tao, sa panlabas na anyo."

"Lahat naman yata ng tao may sikretong itinatago, may problemang dinadala at may mga pagsubok sa buhay na kinahaharap. Hindi ka nag-iisa. Maswerte ka pa nga eh."

"Hmm?"

"Ah, alam ko na," bigla syang naging sabik sa naisip na ideya ng hindi sinasagot ang tanong ko. Hinila nya ako upang tumayo. "tayo ka dali. Tayo, tayo!"

"Bakit?" natatawa ako sa inaasta nya, para syang bata.

Kunwari syang umubo saglit na akala mo may bara sa kanyang lalamunan. Pagkatapos no'n ay humarap sya sa akin at sinimulan ang kumanta. Inawit nya ang 'What a Wonderful World" ni Louis Armstrong. Sa bawat salitang sinasambit nya, puno ito ng emosyon. "I see skies of blue, and clouds of white." Iniangat nya ang tingin sa mga ulap at asul na langit. May nalalaman pa syang pagkumpas ng kamay sa paligid na tila ba isang mananalaysay ng isang kwento at nais nyang ipahatid ang totoong punto ng awitin. "The bright blessed day, the dark sacred night. And I think to myself, what a wonderful world."

Hindi ko mapigilang mapangiti hindi lang sa inaasta nya, hindi lang sa ganda ng boses nya, kundi lalong lalo na sa saya sa mukha nya na akala mo isa sya sa mga patunay na tunay ngang masaya ang mabuhay rito sa mundo.

"Saan nanggaling iyon?"

"Naaalala mo ba 'yung music box na ibinigay mo sa akin noon?"

Tumango ako bilang sagot.

"Hindi mo alam pero, noong araw na iyon napakalaki ng problema ko. Pero magmula noong may isang baliw na babaeng nagbigay sa akin no'n," ngumiti sya sabay pabirong kinurot ang pisngi ko. "nagkaroon ako ng pag-asa at tuluyang nagbago ang takbo ng buhay ko." Makikita mo sa mga mata nya ang pagmamahal at mga salitang hindi nya masabi-sabi. Nakakulong ito sa mga labi nya ngunit katawan na nya mismo ang gumagalaw, nagpapahatid, nagpapakita... sa tunay nyang nararamdaman.

Niyakap nya ako ng napakahigpit, ikinukulong sa mainit nyang yakap na sa kanya ko lang naramdaman.

"Kaya 'wag kang sumuko, ha? Huwag kang sumuko. Lumaban ka lang. Kaya mo 'yan."

Huminga ako ng malalim at binawi ang sarili. Pinunasan ko ang mga luha sa aking mga mata. Ngumiti sya na akala mo proud na proud sya sa akin.

"Laban lang." Ibinalik ko ang ngiti sa kanya.

"Anong sabi mo?"

"Laban lang."

"Ano ulit?" pabiro nyang inilagay ang kamay sa tenga. "Hindi ko marinig."

"Laban lang." Nilakasan ko pa.

"Lakasan mo pa! Ano ba 'yan, parang wala kang energy eh." Kantyaw nya pa.

"Laban lang!" isinigaw ko na para sa kanya.

"Sige, lakasan mo pa! This world is our stage. Patunayan mo sa kanila na kaya mo!"

Hindi ko na mapalis ang ngiti sa aking mukha. Sa harap ng mapayapang lugar na ito, sa mataas na lugar kung saan naman malayang nakikita ang buong syudad mula sa malayo, inilagay ko ang dalawang mga kamay sa tabi ng aking mga labi at sumigaw gamit ang pinakamalakas na boses na kaya kong gawin.

"Laban lang!"

Saksi ang lugar na ito, sa malakas naming tawanan.


Music Box (A Novella) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon