BAGONG PALIGID BAGONG SIMULA

145 8 6
                                    



Dumidilim na sa paligid. Oras na para manalangin si Father Miguel sa hardin ng panalangin. Patungo na siya duon kasama ang kanyang ampon na si Nitoy nang may mapansin ang bata.

"Father! Tingnan mo yun" hila hila ni Nitoy ang manggas ng sutana ni Father Miguel at tinuturo ang dalawang batang nakahandusay sa paanan ng puno ng acacia.

Nilingon ni Father Miguel ang tinuturo ni Nitoy at naaninag nito ang dalawang batang gusgusin na walang malay. Dali-dali itong lumapit upang tingnan ang nangyari. Binuhat ni Father papasok ng simbahan ang batang babae at inihiga ito sa mahabang upuan. Lumabas muli ang pari upang alalayan naman ang batang lalaki papasok sa loob ng simbahan. Habang itinatayo ito ng pari, ito ay biglang nagkamalay. Nagulat nang bahagya si Father Miguel dahil sa bigla nitong pagdilat ng mata.

"Naku bata ka! Nagulat naman ako sa iyo.." nakangiting sambit ni Father Miguel

"Oh sya! Kaya mo bang maglakad mag-isa?" tanong ng pari sa batang lalaki

"Ano ang iyong pangalan at pano kayo napadpad dito sa loob ng bakuran ng simbahan?" dagdag na tanong ng pari

"Ante po ang pangalan ko, nauuhaw po ako!" sagot nito

"Ano ba ang nangyari sa iyo at sa batang babae na kasama mo?" muling pagtatanong ng pari

Imbes na sumagot sa tanong. Sumenyas ito ng parang may ibubulong sa pari, kaya yumuko si Father Miguel sa pag- aakalang may sasabihin ito sa kanya.

Pagkayuko ni Father Miguel ay agad hinawakan ni Ante ang noo nito at bumulong. Pagkatapos nito, ay tinawag niyang pamangkin si Ante at inaya itong pumasok na sa loob ng simbahan.

Sumalubong naman si Nitoy sa dalawa. Ganun din ang ginawa ni Ante sa bata at tinawag siya nito na kuya.

Pagpasok sa loob ng simbahan, nakita ni Ante ang batang babae, kinikilala niya ito. Lumapit ito at pinagmasdan mabuti ang mukha.

"Ito ba si Daffodil? bakit nag-iba ang kanyang anyo?" tanong niya sa kanyang isip.

"Iho, sumama ka muna kay Nitoy sa kusina upang makakain at makainom ng tubig, dadalhin ko muna siya (tinuro si Daffodil) sa silid ni Nitoy para makapagpahinga at hintayin nating magkamalay ito." lumapit ang pari kay Daffodil at binuhat ito habang si Nitoy naman ay hinawakan ang kanang palad ni Ante upang alalayan ito papunta sa kusina ng simbahan.

Maya-maya. Sumunod ang pari sa kusina at nakita niyang kumakain ng tinapay si Ante.

"Ano ba ang nangyari sa inyo pamangkin? sino ang kasama mong babae?" tanong ng pari habang nagsasalin ito ng tubig sa baso

"Siya po si Daf... si Odin, kaibigan ko po. Wala na po siyang pamilya o kamag-anak kaya isinama ko siya dito. Maari po bang dumito muna kami? wala na po kasi kaming pwedeng matuluyan." sagot si Ante habang nakatitig ito sa mga mata ng pari

"Oo naman, mas makabubuting dito na kayo tumira. Tumulong nalang kayong dalawa ni Odin sa gawain dito sa simbahan." nakangiting paanyaya ng pari

Makalipas ang ilang minuto

"oh sya, maiwan ko muna kayong dalawa at ako ay mananalangin pa sa hardin ng panalangin"

Tumayo na ang pari at lumabas. Si Ante naman ay patuloy sa kanyang pagkain habang nakatingin sa kanya si Nitoy.

Makalipas ang isang oras.

Nagising si Daffodil (Odin). Tumayo ito at sumilip sa bintana ng silid. Nakita niya si Ante at Nitoy sa labas na nag-uusap. Naglakad-lakad ito sa loob ng silid. Pagtapat sa isang malaking salamin at bahagya itong nagulat. Huminto sa harap ng salamin at pinagmasdan ang kanyang hitsura. Hinipo ang pisngi at hinaplos ang buhok.

"tunay ngang binago ang aking itsura" 

bahagyang umitim ang kulay ng kanyang balat, umiksi at naging medyo kulot ang kanyang buhok na hanggang balikat. Nagkaroon siya ng isang balat sa pisngi na kasing laki ng pasas. Napansin din niya ang kwintas na nakasabit sa kanyang leeg.

"Maging ang anyo ng aking kwintas ay nagbago, ano kaya ang gagawin ko dito sa mundo ng mga tao, pano ako magsisimula?"

naupo siya sa isang silya sa tapat ng higaan, napabuntong hininga at nakatitig sa kawalan. Bumulong ito sa kanyang isip, may tinatawag

"asan ka na? asan ka na munting kaibigan?"

Tok! Tok! tok!

Napalingon si Daffodil sa pinto.

"Si Ante ito, papasok na ako" pagkatapos ay binuksan ang pinto

"Sino ka?" tanong ni Daffodil

"Ante ang pangalan ko, isa akong kaibigan. Ako ang aalalay sayo sa mundong ito" pasimula ni Ante, hindi ito nagpakilala na siya ang kwago ni Daffodil

Pinipilit basahin ni Daffodil ang isip ni Ante ngunit hindi niya ito magawa dahil may kung anong kapangyarihan ang pumipigil dito. Maraming tanong sa kanyang isip. Bakit si Ante ang aalalay sa kanya sa mundo ng mga tao, san ba ito galing? ano ang pagkatao nito? kilala ba sya nito? Alam ba nito na siya ay isang diwata.

"Wag kang mag-alala, isa akong kaibigan. Ante ang itawag mo sa akin, ikaw naman ay Odin. Odin ang pangalan mo dito. Dito ka na muna maninirahan. Sabi ni Father Miguel, siya yung tumulong sa iyo, na dito ka na tumira at tulungan na lamang natin siya sa mga gawain dito sa simbahan. Magtiwala ka Odin, mabubuting tao ang mga narito."  lumapit ito sa kanya at iniabot ang isang puting rosas.

Kinuha ni Odin ang bulaklak at ipinatong ito sa kama.

"Tumulong sa atin? bakit? kasama ba kitang dumating dito?" pagtatakang tanong ni Odin

"Nakita kita sa may tulay sa labas ng simbahan, binuhat kita papasok ng simbahan, ngunit dahil masama ang aking pakiramdam, dyan sa may puno ng acacia, ang huli kong natatandaan ay natumba ako at nawalan ng malay, dun tayo natagpuan ni Father Miguel" pagsisinungaling ni Ante sa totoong nangyari

Kapansin pansin sa mukha ni Odin na hindi ito naniniwala sa kwento ni Ante.

"Hay naku Odin! huwag ka nang mag-isip pa ng iba, narito ako bilang kaibigan mo. Ipanatag mo muna ang isip mo at magpahinga. Bukas ng umaga, kakausapin tayo ni Father Miguel. Huwag mo nang kontrahin ang mga sasabihin ko, magtiwala ka. Kung ano man ang dapat mong gawin dito, ay iyon ang pagtuunan mo ng pansin." Lumakad ito patungong pinto

"Paakyat na rin si Nitoy, kapatid ko iyon, may dala siyang konting tinapay at inumin. Kumain ka kahit konti para magkaroon ka ng dagdag na lakas" Binuksan ang pinto at lumabas na ito sa silid.

Wala na ang kausap ngunit nakatingin pa rin si Odin sa may pinto. Bumukas muli ang pinto at pumasok si Nitoy na may dalang isang balot ng tinapay at isang basong tubig.

"Heto ate, kumain ka muna" pagkapatong ng dala-dala sa lamesa ay lumapit ito sa tabi ng  kama at kinuha ang isang telang asul at dali dali itong lumabas ng silid.

Pagkalabas ay nakita ni Nitoy si Ante sa may hagdan. Lumapit ito at nagtanong

"Kuya, san ako matutulog? san ka matutulog?" pahikab na tanong ng bata habang yakap yakap ang asul na tela

"Ano ba yang tela na yan?"

"Ah ito kuya? sabi ni Father Miguel, nang natagpuan niya ako ay nakabalot ako ng telang ito. Dun! dun! ako nakita ni Father, dun sa may paanan ng bundok" pagtuturo ng bata sa bandang kanluran na animoy kay lapit lamang sa kanila.

"Tara  na, hanap tayo ng matutulugan sa baba. Tulog na din yata si Father..." sabay hawak sa kamay ng bata


Diwatang de KampanaryoWhere stories live. Discover now