Sa kaharian ng mga Diwata

611 12 0
                                    



Pagkabukas ng pinto ng kaharian ay laking gulat nina Angihan, Halmin at Hanahay dahil nasa loob nito ang lahat ng mga diwata. Habang naglalakad sila papasok sa loob, ang lahat ay nakatingin sa kanila at nagbubulungan.

Nangangamba man ay lakas loob silang naghawak ng kamay habang naglalakad papunta sa harapan ng trono ng reyna.

"Sino ba naman kasi sa inyong tatlo ang nagdala ng tao sa ating kaharian? Pati tuloy kami na tahimik na nagpapahinga sa aming kubol ay nagambala dahil sa inyong pagsuway?" inis na tanong ni Pirnahe

(Si Pirnahe ay diwata ng apoy. Mamula mula ang balat nito, mahabang diretso at kulay abo ang kanyang buhok. Medyo singkit ang mga mata at manipis ang kanyang kilay.)

Wala ni isa kina Angihan, Halmin at Hanahay ang kumibo.

Ang lahat ay nagbubulungan at nagbibigay ng kanya kanyang kuro-kuro tungkol sa pangyayari.

"Sa tingin ko, wala namang mali sa ginawa nina Halmin. Sa aking palagay ay makatwiran ito, diwata tayo, dapat nangangalaga tayo at hindi nananakit o kumikitil ng buhay" pagpapaliwanag ni Soyla sa ibang diwata sa paligid.

(Si Soyla ay diwata ng lupa. Balingkinitan ang pangangatawan, kayumanggi ang kulay ng balat at napapaikutan ng putik ang kanyang braso.)

"Sabagay, tama ka dyan!" pagsang ayon ni Lipana.

(Si Lipana ay diwata ng mga ibon. Nababalot ng puting balahibo ng ibon ang kanyang kasuotan. Ang kanyang tenga ay may kaliitan at ang kanyang mga ipin ay may kahabaan na parang mga pangil.)

Umugong ang ingay sa paligid dahil sa iba't ibang kuro-kuro ng bawat diwata, merong sumasang-ayon at merong hindi.

Biglang kumidlat sa loob ng kaharian at humangin ng malakas.

"Katahimikan! Anong ingay ito!" utos ng isang babae mula sa kawalan

Lumiwanag ang harapan ng kaharian at biglang lumitaw ang isang kakaibang babae, nababalot ng liwanag at hindi maaninag ang kanyang mukha.

Ang lahat ay nagbigay galang at nagsabing "Maligayang pagdating mahal na Reynang Bethania!"

(Reyna Bethania, ang reyna ang lahat ng diwata. May taglay itong kapangyarihan at lakas na walang katumbas kahit sinong diwata sa kanyang nasasakupan. Nababalot ng puting liwanag ang kanyang mukha kaya wala pang diwata ang nakakita ng kanyang mukha, nakasuot ito ng ibang klase ng puting tela na hawi sa ulap at balahibo ng tupa. Sa dulo ng laylayan ng kanyang kasuotan ay may nakaukit na araw na nagtataglay ng kakaibang sinag at liwanag)

"Bakit kayo nagkakagulo? May dapat ba kayong pagtalunan?" tanong ni Reyna Bethania

"Mahal na reyna, ayon sa iyong sugong Sanilo, ipinatawag nyo ang lahat ng mga diwata dahil sa pagsuway nina Halmin, Angihan at Hanahay. Ang lahat ay naabala dahil sa pangyayaring ito, dapat siguro ay maparusahan sila upang magtanda o kaya ay tanggalin bilang diwata" sambit ni Pirnahe

Lumingon panandalian ang reyna kay Pirnahe at muling tumingin sa karamihan ng mga diwata.

"Ipinatawag ko kayong lahat upang pag usapan ang ginawa nina Halmin, Angihan at Hanahay ngunit hindi ko nais na kayo ay mahati sa dalawang magkaibang panig" malumanay na sambit ni Reyna Bethania

"Kayong tatlo!" itinuro sina Halmin, Angihan at Hanahay

"Lumapit kayo sa aking harapan at magpaliwanag"

Lumapit si Halmin habang bitbit si Daffodil.

"Patawad mahal na Reyna, ako po ang may kasalanan, wala pong kasalanan sina Angihan at Hanahay, ako po ang nagpilit na panatilihin ang sanggol na ito sa ating mundo sa kabila ng pagtutol nila sa aking desisyon" inilapag ni Halmin si Daffodil sa bandang paanan ni Reyna Bethania.

Diwatang de KampanaryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon