Chapter 1

154 4 4
                                    

"Miss Annaliza Del Mundo?", sigaw ng isang babae na may hawak na folder at ilang mga papeles.

Ilang saglit pa, tumayo ang isang dalaga at nagtaas ng kamay, tila sensyales na siya ang tinatawag ng babae. Madali naman siyang napuna nito at binigyan ng isang maamong ngiti.

"You passed the initial interview. You are scheduled for a final interview with the manager tomorrow at 2pm."

"Thank you Ma'am."

Hindi mawaglit ang ngiti sa labi ni Annaliza nang marinig ang magandang balita. Naipasa niya ang initial interview at isang hakbang nalang siya't magkakaroon na siya ng trabaho. Ang kaniyang unang trabaho matapos niyang makapagtapos sa kolehiyo.

Lumakad siya palabas ng gusali at nilingon ito. Pinagmasdan niya itong maige at sabay nagpakawala ng isang buntong hininga.

"Konti nalang Mama. Hindi ka na mahihirapan pa."

Labis-labis ang tuwa sa kaniyang puso. Sa kabila kasi ng kahirapan at pagiging single mom ng kaniyang ina matapos silang iwan ng kaniyang ama, heto't naigapang siya ng kaniyang ina at napag-aral. Lahat ng kaniyang pangarap ay nakatuon sa nag-iisang kasama niya sa buhay. Lahat ng kaniyang pagsisikap ay para sa kaniyang ina upang hindi na ito maglabada pa. May katandaan narin kasi ang kaniyang ina at madalas narin manakit ang katawan nito.

Kaya naman, gagawin niya ang lahat upang masuklian lahat ng paghihirap ng kaniyang ina at mabigyan ito ng kaginhawaan sa buhay.

Lahat ay gagawin niya.

Lahat ay titiisin niya.

Habang naglalakad palayo sa mga naglalakihang gusali ay bigla siyang napatigil nang may nakitang matandang babae na nakaupo sa tabi ng isang halaman malapit sa kalsada. Isa siyang pulubi. Nasabi niya ito dahil narin sa pananamit at dumi nito sa kaniyang katawan. Balot din ng tila grasa ang mga kamay nito. Meron din itong mga kagamitan na tila kalakal na nakatabi sa kaniya.

Mabilis naman siyang nahabag sa kalagayan ng matanda dahil naalala niya ang kaniyang ina. Mabilis niyang binuksan ang kaniyang bag at inilabas ang binaon niyang sandwich na ginawa pa ng kaniyang ina. Hindi pa siya nanananghalian ng mga sandaling iyon pero napagpasiyahan na lamang niya na ibigay ang sandwich sa matanda at sa bahay nalang kumain.

Bahagya siyang yumuko at kinalabit ang matanda na noon ay nakatungo at tila hapong hapo sa labis na init ng panahon ng mga sandaling iyon.

"Excuse me po, nay. Sa inyo nalang po ito. Baka ho hindi pa kayo kumakain."

Marahan namang nagtaas ng tingin ang matanda. Natuon ang tingin nito sa sandwich na iniaabot sa kaniya ni Annaliza. Ilang segundo rin niya itong tinitigan bago tuluyang kinuha sa kamay ng dalaga. Ilang saglit pa, tumingin ito sa dalaga at doon nagtama ang kanilang mga mata.

Natuwa naman siya nang kunin ng matanda ang bigay niyang sandwich. Kahit pa nagugutom narin siya ng mga sandaling iyon, ayos lang sa kaniya dahil alam niyang mas kailangan ito ng matanda.

"Salamat anak.", matipid na winika ng matanda.

"Walang anuman po." sagot naman niya.

Ilang sandali pa ay inilapag ng matanda ang sandwich sa nakalatag na karton na kaniyang ginawang upuan. Ibinalik nito ang kaniyang tingin sa dalaga at hinawakan ang mga kamay nito.

"Maswerte ka iha. Maswerte sayo ang nanay mo. Pagpapalain ka ng Diyos. Pero, mag-iingat ka. May dilim na nakaabang sa liwanag mo."

"Hmmm... po?"

"Umiwas ka sa kanila, wag mong susubukang makihalubilo sa kanila."

Nabigla si Annaliza sa narinig at tanging kunot noo lamang ang naging tugon sa matanda. Agad niyang binawi ang kaniyang mga kamay at tumayo. Pinilit niyang ngumiti sa matanda kahit na sa mga sandaling iyon ay nakakaramdam siya ng takot. Takot na hindi niya alam kung san nagmula at kung bakit tila naglalaro sa kaniyang isipan.

"Mauna na po ako."

Sinimulan niyang lumakad palayo sa matanda na may pagtataka. Hindi mawaglit sa kaniyang isipan kung anong ibig sabihin nito. Dali-dali siyang naglakad papunta sa sakayan ng jeep dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, tila kinabahan siya sa tagpong iyon.

Habang nag-aabang ng masasakyan, nilingon niya ng bahagya ang kaninang kinaroroonan ng matanda. Ilang metro lang naman ang layo nito, ngunit sa kaniyang pagtataka, wala na ang matanda sa kaninang pwesto nito.

Lalong lumalim ang kaniyang pag-iisip sa nangyari at muling nilingon ang kinaroroonan ng matanda kanina. Tama ang kaniyang nakita, wala na ito. Ang nakakapagtaka lang, paano ito nakaalis sa maikling panahon na iyon? At maging ang mga kalakal nito ay wala na rin?

Kumabog ang kaniyang dibdib at nagsimulang gumapang ang kilabot sa kaniyang katawan.

Ano ito?

Tila may mali sa nangyayari. Hindi niya maipaliwanag kung bakit nakakaramdam siya ng takot. Kinuyumos niya ang kaniyang kamay at inilagay ang mga ito sa tapat ng kaniyang dibdib upang magdasal. Ngunit, magsisimula palang siya ay bigla na siyang natigilan nang may kumalabit sa kaniyang balikat.

Halos mapapikit sya sa sobrang kaba at naipantakip niya ang kaniyang mga kamay sa kaniyang labi.

"Miss?"

Matapos marinig ang boses ng isang lalaki ay bahgyang naglaho ang kaba na nararamdaman niya. Kaya naman, nagkaroon siya ng lakas ng loob at nilingon ito.

"Miss, sabi ko sasakay ba kayo?"

"Ay, opo."

Nahihiyang pagtugon ni Annaliza sa barker ng jeep dahil mukhang nagtataka ito sa pagkagulat niya kanina. Hindi niya alam kung ilang beses na siyang tinatanong nito dahil kanina pa nalipad ang kaniyang isip dahil sa nangyari. Maging ang pagdating at pagparada ng jeep sa kaniyang harapan ay di niya namalayan.

Matapos ang kaniyang pagtugon ay agad naman siyang sumakay ng jeep. Sa mga pagkakataon na iyon, muli niyang naalala ang sinabi ng matanda.

"Pagpapalain ka ng Diyos. Pero, mag-iingat ka. May dilim na nakaabang sa liwanag mo."

"Umiwas ka sa kanila, wag mong susubukang makihalubilo sa kanila."

"Hay, ano ba'ng ibig niyang sabihin", bulong niya sa kaniyang sarili.

Napailing na lamang sya at naglabas ng barya mula sa kaniyang pitaka at ibinayad iyon sa driver. Isinuot niya sa kaniyang tenga ang headset at nakinig ng music hanggang sa makarating siya sa kanilang bahay.

'Ikaw talagang bata ka, 'wag mo na isipin yung sinabi sayo. Baka naman sadyang nalipasan lang ng gutom yung matanda.", paliwanag ng kaniyang ina habang hinahainan ito ng pagkain. Naikwento niya kasi ang pangyayari kanina na bumabagabag parin sa kaniya.

"Eh, bakit po ang bilis niyang nakaalis sa pwesto niya?", pag-usisat ng dalaga.

"Iniisip mo bang multo siya?"

Natigilan si Annaliza nang marinig iyon mula sa kaniyang ina. Hindi niya alam kung bakit pero ganun nga ang iniisip niya.

"Nagbibiro lang ako nak. Ikaw naman. Oh siya kumain ka muna. Baka gutom lang yan."

Ngumiti siya ng bahagya sa kaniyang ina at nagsimulang kumain. Marahil nga ay tama ang kaniyang ina, gutom lang siguro siya kung kaya't kung ano-ano ang iniisip niya.

Mas marami siyang mahalagang bagay na dapat isipin at yun ay ang araw ng bukas. Ang araw na magtatakda ng kapalaran nilang mag-ina.



Feel free to share your thoughts. Comment, vote and share. Thank you!!!

STRANDED SOUL (On-Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon