Chapter 2

115 4 8
                                    

Halos patakbong naglalakad si Annaliza patungo sa isang tatlongpung palapag na gusali sa isang sikat na lalawigan sa Metro. Panay-panay rin ang tingin niya sa kaniyang relo na halatang may hinahabol na oras.

"Not this time , please."

Sa sobrang pagmamadali nito, hindi niya napuna ang isang paparating kaya marahan niyang nabangga ang balikat nito.

"Sorry po", sambit niya at saglitan niya itong nilingon.

Tumango lang ang kaniyang nakabangga at tuluyan nang naglakad papalayo sa kaniya.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang marating ang lobby ng gusali. Nagmamadali niyang tinungo ang isa sa mga elevators. Mapalad siya sa mga sandaling iyon na may isang bakanteng elevator na agad niyang pinasok. Pinindot niya ang numero ng palapag na kaniyang pupuntahan -- 24.

Sa pagsara ng pintuan ng elevator ay agad niyang nakita ang kaniyang sarili. Animo'y isang salamin kasi ang pinto nito. Bahagya niyang inayos ang kaniyang buhok at kasuotan at nagpakawala ng isang malalim na hininga. Medyo napagod siya sa mabilis na paglakad kanina upang makaabot sa nakatakdang oras na sinabi sa kaniya, 4:00 PM.

Kinuha niya ang kaniyang cellphone sa itim at paborito niyang shoulder bag. Tinignan niya ang oras at napunang mayroon pa siyang sampung minuto. Tamang tama lang ito kung tatahakin pa niya ang daan patungo sa opisina na nakasaad sa mensaheng pinadala sa kaniya kagabi.

Saglit siyang natulala sa pagtingin sa kaniyang cellphone hanggang sa magdilim ang screen nito. Sa mga sandaling iyon ay bigla siyang kinabahan at halos mabitawan pa nga ang kaniyang hawak.

Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa screen ng kaniyang phone ay may nakita siyang isang imahe.

Isang mukha na malapit sa kaniya – sa kaliwang bahagi ng kaniyang balikat.

Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at hindi niya malaman kung ano ang una niyang gagawin.

Naalala niya na siya lamang ang pumasok sa elevator na yun. Kaya sino ang nasa kaniyang likuran ngayon?

Hindi niya alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob. Ngunit, dahan-dahan niyang nilingon ang kaniyang likuran. Sa bahagi kung saan niya nakita ang imahe kanina sa screen ng kaniyang cellphone.

Marahan.

At bawat galaw ng kaniyang ulo, tila may enerhiyang nakaabang sa kaniya.

Ilang saglit pa, may hangin na tila bumulong sa kanan niyang tenga. Napatigil siya sa kaniyang ginagawang paglingon at mas lalong bumilis ang tibok ng kaniyang puso.

Malamig sa loob ng elevator ngunit pinagpapawisan siya sa mga sandaling iyon dahil sa kaniyang mga nararanasan. Sa labis na takot, napapikit siya habang inaabangan na bumukas ang pinto.

"Dalawang palapag nalang, please bilisan mo.", bulong niya sa kaniyang sarili.

Ding!

Ang tunog na iyon ang kanina niya pa inaantay.

Sa pagbukas ng pinto ay agad siyang lumabas kahit nanginginig pa ang kaniyang mga binti sa labis na takot. Dali-dali siyang naglakad palayo sa elevator at ni isang saglit ay hindi niya ito nilingon. Ayaw niyang makita ang anumang nasa loob nito na kasama niya kanina.

Nang makalayo sa elevator ay binati niya ang isang front desk officer sa 24th floor. Maagap naman siyang binigyan nito ng isang ngiti at pagtango na tila tugon sa kaniyang pagbati.

Ilang hakbang lang ay narating narin niya ang kwarto o opisinang nakasaad sa mensahe na ipinadala sa kaniya. Marahan niyang pinihit ang doorknob at sinimulang buksan ang pinto. Bumulaga sa kaniya ang isang napakalaking "Meeting Room".

May isang napakahabang mesa sa gitna ng kwartong ito. May hindi bababa sa sampung upuan na nakapalibot sa mahabang mesa. Sa bawat upuan ay may mga mikroponong maninipis na ginagamit sa pagpupulong. Sa dingding naman na nasa gitna ng malaking mesa ay may isang malaking glassboard. At, sa itaas ng mesa ay may nakasabit na isang projector. Ganito ang tipikal na itsura ng isang "Meeting Room" ng isang kompanya.

Tuluyan siyang pumasok sa loob ng kwartong iyon. Doon niya napuna na tila napaaga siya ng dating. Dalawang minuto bago mag alas-kwarto ng hapon ay siya lamang ang laman nito. Nagkamali ba siya ng palapag? Nagkamali ba siya ng araw o oras ng pagpunta?

Sa gitna ng pagtataka ay hinanap niya ang switch ng ilaw. Wala kasing bintana ang Meeting Room na ito kung kaya't binalot ito ng dilim nang tuluyang sumara ang pinto mula sa kaniyang likuran. Nang makapa niya ang switch ng ilaw ay agad niya itong kinalabit. Ngunit, wala ni isang ilaw ang bumukas. Pinaulit-ulit niya ang pagkalabit dito ngunit bigo siya.

Habang pinipilit na buksan ang ilaw ay biglang lumiwanag ang glassboard na nasa kaniyang harapan. Isang blankong puting background ang kaniyang naaninag. Nagmula ang ilaw at imaheng ito sa bumukas na projector na tila ba may pumindot dito. Agad niyang tiningnan ang kinalabit na switch upang makita kung siya ba ang may gawa nito. Gamit ang liwanag mula sa projector, nabasa niya ang nakalagay --- "Light Switch".

Nang mabasa ito, agad siya kinabahan.

Biglang nagbalik sa kaniyang isipan ang nangyari kanina sa elevator.

Mauulit ba ito?

Naputol ang kaniyang pag-iisip nang makarinig siya ng tunog. Naaninag niya na tila may gumagalaw sa glassboard kaya't agad niya itong nilingon.

Nasapo niya ang kaniyang bibig nang biglang may mga letra na isa-isang lumalabas sa glassboard. Sa gitna ng takot at kaba, sinabayan niya ang bawat paglabas ng letra at binasa ito gamit ang kaniyang isipan.

H...

A...

N...

D...

A..

"Handa?!", pabulong niyang tanong sa sarili habang sapo-sapo pa rin ang kaniyang bibig.

Nagpatuloy ang paglabas ng letra sa glassboard.

K..

A..

N...

A...

B...

A..?

Isang tanong ang nabuo sa mga lumabas na letra. Tanong na hindi maintindihan ng dalaga kung ano ang ibig sabihin.

"Handa ka naba?"

Ito ang mensaheng lumabas sa glassboard. Sa mga sandaling iyon, nangingilid na ang luha ni Annaliza dahil sa labis na takot. Wala siyang magawa kundi ang manatili sa kaniyang kinatatayuan. Blangko ang kaniyang isipan at tila nilamon na ng takot ang natitira niyang tapang.

Hindi pa man din naiibsan ang takot sa kaniyang dibdib ay bigla namang nagdilim ang paligid nang mawala ang liwanag mula sa projector. Kasunod nito ay ilang mga yabag ang kaniyang narinig sa gitna ng dilim.

Hindi lang iisa.

Marami sila.

Napapikit ang dalaga dulot ng labis na takot. Kanina pa niya gustong sumigaw at humingi ng tulong ngunit paano? Kung maging ang boses niya'y nilamon na rin ng matinding kilabot na bumabalot sa kaniyang katauhan ngayon. Unti-unti na ring pumapatak ang luha sa kaniyang mga mata at kasabay nito ay ang patuloy na pag-ikot ng mga yabag sa buong silid. Papalapit nang papalapit sa kaniyang kinatatayuan.

Nagsimula siya sa paghikbi ng maramdamang may nakatayo na kung anuman sa kaniyang harapan.

Marahan niyang binubuksan ang kaniyang mga mata habang siya ay nakatungo. Madilim ang buong silid nang mga sandaling iyon. Wala man makita ang kaniyang mga mata, ramdam niya na sa mga sandaling iyon, isang hakbang lang ang layo niya mula sa kung anuman ang nasa kaniyang harapan.

STRANDED SOUL (On-Going)Where stories live. Discover now