BM 3

259 32 50
                                    

Tahimik na nakikinig lang si Ramiel sa mga ibinibilin ng Grande. Pasulyap-sulyap din siya sa nakabukas na kanang palad dahil doon ay nakikita niya si Haizen. Kanina pa siya nito tinatawag at mukhang naiinis na rin nga dahil namamaos na katatawag sa kaniya. Buti na lang at nilapitan ito ni Bubbly at pinapatulog na lang, ganap na kasing alas dos ng hapon. Mabuti iyong matulog siya. Wala naman sigurong maaaring mangyari kay Haizen kapag tulog na.

Napabuntong-hiningang ibinaba ni Ramiel ang kamay. Tama nga ang kutob niya. Tinipon ng kanilang Grande ang mga anghel na malapit nang tumuntong ng sampung taon. Inilibot niya ang paningin, halos aabutin din pala sila ng mahigit kumulang na dalawampu't lima sa pamumuno ni Grande Nicholas. Sa pagkakaalam niya, sampung Grande ang nakatalaga sa bawat isandaang anghel. Iba pa rin ang mga humahawak sa mga bagong anghel at mga anghel na puwedeng maging Grande. Hiwalay din ang mga anghel na babae sa anghel na lalaki. Kadalasan, kapag babae ang babantayan, lalaking anghel ang itinatalaga rito. At ganoon din kapag lalaki naman ang babantayan, babaeng anghel ang nakatalaga.

Puting kasuotan at pakpak, may maaamong mukha, ganoon halos silang lahat. Maaaninag mo ang kabusilakan ng kanilang mga puso at isipan.

"Ngayong taon na kayo ganap na magiging sampung taon. At alam nating lahat na kailangan na ninyong bitawan ang kung sino mang inyong binabantayan. Tapos na ang misyon ninyo sa kanila. Wala na rin silang bantay. May mga taong nakapaligid sa kanila na siya nilang maaaring maging anghel ng kanilang buhay. Gugulin ninyo ang natitirang ilang buwan sa inyong mga alaga. Gawing makabuluhan at mabuti. 'Yun lang ang paalala ko. Maaari na kayong bumalik sa inyong mga gawain."

Yumukod ang Grande habang magkadaop ang mga palad sa tapat ng dibdib na siya ring ginawa ng lahat ng anghel, tanda ng pamamaalam. Bahagyang nalungkot ang ilan dahil napamahal na rin sa kanila ang mga batang ginagabayan. Subalit, wala silang magagawa kung iyon ang batas na kailangan nilang sundin.

Lumapit si Ramiel sa isang stoup, o yung sawsawan ng holy water sa mga simbahan. Nasa gitna iyon ng bulwagan. May kalakihan ito na pabilog ang hugis at may isang anghel na rebulto na parang nagbubuhat dito ang nasa ilalim niyon. Puno ito ng banal na tubig. Dito nila isinusulat ang pangalan ng tao na nais nilang malaman kung sino ang tagapangalaga. Isinulat niya ang pangalan ni Krisha gamit ang hintuturo, at dahil hindi niya alam ang apelyido nito, ang lugar na lang ng kinaroroonan nito ang isinulat niya. Sampung tao ang lumabas sa tubig at nang makita ang larawan ng batang salbahe, agad na hinanap niya sa paligid ang kaedarang anghel. Lumabas na kasi ang larawan ng anghel na nagbabantay rito matapos na pindutin niya ang larawan ni Krisha.

"Afriel, ikaw ba ang bantay ni Krisha?"

Napalingon ang tinawag ni Ramiel. Nakangiting tumango ito bago pa man makalapit nang tuluyan ang huli. "Bakit mo naitanong?" hawak nito ang kuwadernong kulay puti at panulat sa kanang kamay.

"Binabantayan mo bang maigi 'yun? Bakit naman ganoon ang kaniyang ugali. Napakasama." Napapailing-iling pa si Ramiel pero napapangiti rin naman ng bahagya.

Natawa nang marahan si Afriel. "Binantayan ko 'yun mula pagkapanganak niya. E, 'di ba alam naman natin na iba-iba ang klase ng tao. At iilan lang ang biniyayaan na puwedeng makakakita ng anghel. At hindi kabilang doon si Krisha, ganoon talaga. Gabay lang ang kaya kong gawin. At kahit siguro bulungan ko yun na gumanda ang ugali, hindi makikinig."

"Sabagay. Ilang buwan mo na lang ba siyang babantayan?" nilingon ni Ramiel si Afriel na nasa bandang kaliwa niya habang palabas sila ng bulwagan kung saan sila nagtipon kanina.

"Hmm... dalawang buwan na lang. 'Yung sa 'yo ba?" Hindi mababakas ang lungkot sa mukha at boses nito. Marahil ay hindi ganoon kalalim ang naging ugnayan nito kay Krisha. Subalit, alam naman nila na napapamahal nga sila sa kanilang binabantayan kahit paano. Marahil mas excited na itong mamili. Iyon na kasi ang panahon na kailangan nilang magdesisyon kung mananatili ba silang guardian angel o anghel na gaya ng mga Grande, taga-pangalaga ng mga anghel.

Huminga nang malalim si Ramiel bago tipid na ngumiti kay Afriel. "Tatlo. Tatlong buwan na lang at ika-sampung taon ko na." Tumango-tango naman si Afriel at mabilis na nagpaalam dahil may dadalhin pa siyang report para sa Grande.

May kaniya-kaniya silang kuwaderno at panulat na siya nilang sinusulatan para sa report na kanilang ginagawa sa kanilang mga alaga. Hindi naman sila lahat nababantayan ng Grande, kaya kailangan may report sila kada tatlong buwan. Kinakausap sila at kung may katanungan sila, maaari sila nitong bigyan ng kaukulang mga payo at kasagutan. Hindi sila maaaring parusahan kung sakali mang lumabag sila sa batas ng mga anghel. Mga batang anghel pa lang silang maituturing, subalit kapag tumuntong na sila sa tinatawag nilang tamang edad, ang sampung taon, maaari na silang parusahan. Kaya, sa ganitong edad sila binibigyan ng pagkakataong magdesisyon. Inihihiwalay na sila sa kanilang binabantayan at kung gusto nilang manatiling anghel dela guwardiya, iba na ang kanilang babantayan.

Hindi lang naman tao ang maaaring magkamali. May isip, puso at ugali rin ang mga anghel. Kasama na rin siyempre ang emosyon. Natutukso rin sila, nagagalit at nalulungkot. Kaya ginagabayan din sila ng mas nakakataas sa kanila. Nang hindi sila maligaw kung sakali man.

Nalulungkot siya sa isiping malapit na silang maghiwalay ni Haizen. Isang buntong-hininga pa at kipit ang kuwaderno, tumuloy na rin siya sa opisina ni Grande Nicholas, magre-report din pala siya.

***

Nakangiting mukha ni Ramiel ang nabungaran ni Haizen nang pupungas-pungas itong nagising kinaumagahan.

"Magandang umaga, Haizen." Inalalayan niya pa ang bata na bumangon bago sumandal sa kinahihigaan nito.

"Magandang umaga, Ramiel. Bakit wala ka kahapon? Wala tuloy akong kalaro." habang humihikab at kinukusot ang kanang matang saad ni Haizen.

"Gabi na kasi ako natapos sa ginawa ko, e. Tulog ka na nang dumating ako." Inayos ni Ramiel ang ilang hiblang tumabing sa mukha ni Haizen.

Halos magdamag niya lang na binantayan ang alaga habang natutulog. Hindi siya nagsasawang pagmasdan ang maganda nitong mukha. Payapang-payapa itong natutulog at paminsan-minsan pa ay napapangiti. Siguro, maganda ang napapanaginipan nito. 'Yun ang nais niya para dito, ang laging masaya; kuntento, malaya at walang problema.

"Hoy, baba ka na nga at tulungan mo sila sa kusina. Kumakausap ka na naman ng hindi nakikita." Habang pababa mula sa itaas ng double-deck ng kinahihigaan niyang saad ni Krisha. Umismid pa ito bago isinuot ang tsinelas at umiirap na tinutungo ang pinto palabas.

Hindi kalakihan ang bahay-ampunan na iyon. Kaya kung maaari, pinapaampon ang mga sanggol at mga batang puwede pang ampunin para hindi sila ganoon karami. Sa ngayon, humigit-kumulang nasa trenta na ang batang naroon; limang sanggol na edad mula isang buwan hanggang pitong buwan, at ang natira ay mga batang edad mula tatlong taon hanggang sampu, may dalawang labing-apat, kasama si Bubbly. At isang edad disisais na at gusto nang lumabas ng bahay-ampunan. Pero, hindi pa siya tumutungtong sa edad na disi-otso kaya hindi siya pinapayagan ng halos pitong madreng nangangalaga sa kanila.

May mga organisasyon namang tumutulong sa kanila, pero hindi sapat para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Tatlong kuwarto lang ang meron sila. Sakop ng unang kuwarto ang mga sanggol at mga batang hindi pa umaabot ng apat na taon. May mga volunteer na nag-aalaga sa kanila, kahit limang oras lang ay suwerte na iyong matatawag nila. At kapag wala, ang mga nakakatandang naroon gaya ni Bubbly at mga madreng walang masiyadong ginagawa ang nag-aalaga. Doon na rin natutulog ang ilang nakakatandang bata para mabantayan ang mga ito.

Sa pangalawang kuwarto ay silang mga edad lima hanggang sampu ang naroon. Labing-anim silang naroon sa kuwartong iyon. Walong double-deck ang naroon,tig-apat magkabilaan, harapan ang puwesto ng mga iyon. At sa kamalas-malasan nga, sa ibaba si Haizen at si Krisha ang nasa taas niya.

Nakangiting sinundan lang ni Haizen ang palabas na si Krisha. Masiyado siyang masaya para sirain lang ng isang Krisha.

Nagbalik na kasi si Ramiel. May kalaro na siya ulit.

Beautiful Mess
Jhavril
2017

lahat ay kathang-isip ko lang... ;) yung names ng angel kinuha ko kay boyfie google. charot lang lahat. :) 

Beautiful MessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon