BM 4

102 15 0
                                    

Makalipas ang tatlong buwan...

Malungkot na nakatingin si Sister Pat sa datos na nasa kaniyang harapan. Nakasaad dito na nais na kunin ng tunay na may-ari ang lupang kinatitirikan ng bahay-ampunan. Nais daw itong gawing condo unit. Nakiusap na halos silang lahat pero hindi sila nito pinakinggan.

Napabuntong-hininga si Sister Pat bago sumandal. Iniisip niya ngayon kung saan sila puwedeng tumira kung sakali. Lumapit na siya sa iba't ibang ahensiya para humingi ng tulong. May mga nangako lalo na ang mga pulitikong tatakbo sa susunod na eleksiyon, subalit alam niyang medyo matatagalan pa iyon.

Dalawang linggo na lang ang ibinigay sa kanilang taning ng may-ari at kailangan na nilang lisanin ang lugar na iyon.

***

"Masaya ka ba at ako ang kalaro mo?" nakangiting saad ni Ramiel nang umupo sila sa damuhan matapos na maglaro ng habulan. Hapon na ng mga oras na iyon kaya masarap sa pakiramdam ang nakakalat na damo sa hardin. Naroon din ang ibang mga bata na naglalaro ng kung ano-ano. At ilang madre na nagbabantay sa mga ito.

Nag-thumbs up sign si Haizen bago tumango ng sunud-sunod. "Oo, siyempre. 'Yung ibang bata kasi ayaw nilang makipaglaro sa akin. Natatakot sila at may iba raw akong kinakausap. Eh, ikaw lang naman 'yun." Nakanguso pa si Haizen habang sinasabi ang mga iyon.

Tumawa naman nang malakas si Ramiel bago ginulo ang buhok ni Haizen. "Hayaan mo na sila. Baka kapag umalis na ako, makakalaro mo na rin sila." Bagamat nakangiti, malungkot na tinig ang namutawi kay Ramiel.

Gulat ang mga matang lumingon si Haizen sa katabi. "Aalis ka? Saan ka pupunta?" nakalabing saad ni Haizen.

"Sa malayo. Pero, babantayan pa rin naman kita. At si ate Bubbly, nariyan naman kaya hindi ka mag-iisa. Magiging masaya ka pa rin naman." Humiga si Ramiel sa damuhan para iwasan ang nagtatakang tingin ni Haizen.

"Eh, bakit nga? Dito ka na lang, huwag ka na lang umalis. Wala na akong kalaro." Suminghot-singhot na si Haizen at nagbabanta na ang luha sa kaniyang mga mata.

Pilit na pinagagaang ni Ramiel ang pamamaalam kaya daglian siyang tumayo at inihilig si Haizen sa kaniyang balikat. "Naku naman 'to. Hindi mo man ako nakikita, pero mararamdaman mo ko. Lagi lang akong nasa tabi mo."

Mabigat ang damdaming sumapuso kay Ramiel habang sinasabi ang bagay na iyon kay Haizen. Hindi niya rin nais na magpaalam sa bata pero iyon kasi ang kailangan.

Ang dapat.

"Bakit, magiging multo ka na ba?" Iniangat ni Haizen ang ulo mula sa balikat ni Ramiel at imbis na matakot sa sinabi, malungkot itong nakatingin sa para sa kaniya ay ang kaniyang nag-iisang kaibigan at kalaro.

Natatawang pinahid ni Ramiel ang luhang tumulo sa pisngi ni Haizen. "Hindi. Basta, huwag ka lang masiyadong malungkot dahil malulungkot din ako sa pupuntahan ko sige."

"Pero, ayokong umalis ka. Huwag ka nang umalis, Ramiel."

"Hindi puwede. At... mamaya na iyon. Hindi na tayo magkikita bukas."

Kaarawan na kasi niya kinabukasan. At hindi na siya maaaring makipagkita kay Haizen, bagamat pinili niyang manatiling anghel dela guwardiya. Hindi na niya maaaring bantayan si Haizen.

Nabigla si Ramiel nang biglang tumayo si Haizen at umiiyak na hinarap siya. "Hindi na kita bati. Umalis ka na!" At nagtatakbong palayo ito sa hindi nakakibong si Ramiel.

Nagulat din ang mga nakakita sa inasal ni Haizen, kaya agad na sumunod si Bubbly sa bata.

***

Naabutan ni Bubbly si Haizen sa ibabaw ng higaan nito. Nakaupo sa mismong unan niya at umiiyak. Ginagawang pamunas ang likod ng kamay at braso at panay rin ang singhot.

"Bakit, anong nangyari?" Lumapit si Bubbly sa puwesto ng bata at umupo sa kaliwa nito. Hahaplusin pa lang niya ang buhok nito nang pabiglang yumakap ito sa kaniya at pautal-utal na nagsumbong.

"Si... si Ramiel po kasi ate, iiwan... iiwan na ako." At umiiyak na sumubsob ito sa dibdib nang nakakunot ang noong dalagita.

Niyakap na lang ni Bubbly ang bata at hinaplos ang napakalambot na buhok nito.

"Bakit, saan daw ba siya pupunta?" masuyong tanong niya sa bata na kasalukuyan na lang sumisinghot.

"Hindi ko po alam. Basta... hindi na raw siya babalik." At mahigpit itong yumakap sa kaniyang itinuturing na ate.

Malungkot namang nakatingin si Ramiel sa batang si Haizen. Naroon lang siya sa may pinto at hindi na nais na magpakita pa. Kanina pa nga siya tinatawag sa itaas pero pinili niyang sumilip muna kay Haizen. Pumikit siya at bumulong, pinatangay sa hangin ang kaniyang nais sabihin sa bata. Kasabay nang kaniyang pagmulat ay ang unti-unti niya ring paglaho.

Natigilan si Haizen nang maramdamang parang may dumaang malamig na bagay sa kaniyang tainga. Napalingon pa siya sa bandang pinto, subalit wala namang tao o bagay na naroon.

Kumalas siya sa pagkakayakap kay Bubbly at nakangiti nang pinunasan ang luha sa pisngi gamit ang mga palad.

"Okay na ako, Ate Bubbly. Sabi ni Ramiel, babalik siya."

Alanganing ngumiti si Bubbly kay Haizen pero natutuwa na rin siya at ayos na ang alaga.

"Kailan daw?" wala sa loob na tanong niya sa bata na ngayon ay bumaba na sa higaan nito at hinahagilap ang tsinelas.

"Ahm, kapag malaki na raw ako." At mabilis patakbo na itong lumabas ng pinto.

Naiwang napapailing si Bubbly. Ngayon niya napatunayang imahinasyon lang ni Haizen ang tungkol kay Ramiel.


Beautiful Mess
Jhavril
2017

Beautiful MessWhere stories live. Discover now