BM 8

93 9 9
                                    

Balewalang binitawan ni Haizen ang cellphone sa double deck na higaan. Sa ibaba siya nakapuwesto at bakante naman ang itaas. Tatlong double deck kada kuwarto. Maayos at malinis naman doon sa halagang isanglibo at limang daan kada buwan. Kahit masikip ay pinagtatyagaan na niya kaysa naman sa apartment na kamamahal naman. Hindi niya afford ang ganoon at lalong hindi praktikal dahil mag-isa lang naman siya sa buhay.

Nag-viral ang nangyari kahapon sa canteen. Iyon ang pinapanood niya kanina sa facebook na tinag ni Holly. Pero balewala lang niyang ibinaba ang aparato. Ni hindi na nga niya tinapos at hindi rin siya nagbasa ng mga komento. Wala naman siyang pakialam sa mga sasabihin sa kaniya ng mga tao. Ang mahalaga ngayon ay makapaligo siya at mukhang late na siya sa opisina.

***

Kanina pa hindi mapakali si Haizen sa kinauupuan. Gustuhin man niyang tumayo at mag-walk out na lang ay hindi niya magawa. Nakabantay kasi ang manager na si Bob. Beki ito at sobrang higpit pagdating sa pag-table nila. Mabuti kung ang Ate Susan niya ito maaari niyang magawa iyon. Lalo pa at ayaw rin noon ng ginagawa sa kaniya ng manyakis na kaharap.

Nasa pangatlong hindi raw sinasadyang paghimas sa kaniyang legs ang lalaking nagpakilalang anak daw ng mayor. Bagama't naka-slacks siya, ramdam niya ang init ng palad nito at may pagpisil pang ganap. Nagagawan naman niya ng paraan gaya ng makailang pagpalis dito. Subalit, mukhang nag-e-enjoy na at paakyat na rin patungong singit niya.

Sabi nito, above 18 na raw siya. Pero mukhang totoy na gusto lang maka-score. Basta kapag si Bob ang nagbabantay, lahat puwede. Walang bawal. At mukhang malas ang araw niya ngayon. Kailangan niyang mag-isip ng diskarte para maiwasan ito dahil kanina pa ito nagpaparamdam na gusto siyang i-take out sa sobrang dikit nito sa kaniya at panay nga ang tsansing na rin.

"Ahm, magbabanyo lang ako." Pasimpleng pinalis ni Haizen ang kamay nitong nakapalupot sa kaniyang bewang at pumisil-pisil na rin dito. Sinabayan na rin niya ng tayo at bago pa man ito sumagot ay nakatalikod na siya bitbit ang kaniyang bag. Nilagpasan niya lang si Bob na parang nais pa siyang habulin subalit hindi niya ito pinansin. Dali-dali siyang pumasok sa loob ng banyo na may tatlong kasamahan siyang nadatnan. Inis na tinungo niya ang dulong lababo at basta na lang inilapag ang bag kahit pa basa ang tiles nito.

Natawa si Kia na kasalukuyang nagkikilay. Sa harapang salamin lang siya nito tinignan habang inis na inis siyang sinalubong din ng tingin ito sa salamin ding iyon.

"Si Jiro, ano?Naging customer ko na rin 'yan at..." ibanalik nito ang ginamit na eyebrow at inilabas ang lipstick, "nilabas ako. Okay naman dahil malaki ang ibinigay na bayad. 'Yun nga lang, kung ano-ano ang..."

"Puwede ba? Hindi ko hinihingi ang opinyon mo. Tapusin mo na 'yan nang lumabas ka na." umirap habang naghuhugas ng kamay. Nagpapatuyo na siya sa dryer nang tatawa-tawang lumabas si Kia, kasunod din ang dalawa pang nag-retouch ng mga make-up. Sanay na ang mga kasamahan niya sa kaniya. Manang Haizen nga ang tawag ng mga ito. Pero, wala naman siyang pakialam doon. Ang importante, magkaroon siya ng dagdag na kita para sa panggastos niya sa araw-araw at pati na rin sa eskuwelahan. At kung aabot man sa gaya nung Jiro na iyon, hinding-hindi niya papayagan.

Hindi kinakailangang umabot sa pagbebenta ng katawan para lang magkaroon ng pera gaya ng ibang ginagawa ng mga kasamahan. Dignidad at prinsipyo na ang nakataya kaya hindi maaari iyon.

"Buwisit ka talagang babae ka!"

Nagulat si Haizen nang sumisigaw na si Bob sa pintuan ng restroom. Halos lumabas na ang naglalakihang litid nito sa leeg at ugat sa nakakuyom na mga kamao. Parang ano mang oras ay kakainin siya ng buhay nito sa sobrang galit.

"Palitan n'yo 'yang si Jiro manyak. Ayaw ko sa kaniya..."

"Ay wow, naman po madam Haizen. Anong gusto mong mangyari? Paalisin ko ang mayamang customer mo dahil pabebe ka at ayaw mo man lang mahawakan ni dulo ng daliri mo!" Agad na itong nakapasok sa loob at nagpipigil na saktan ang babaeng nasa harapan. Tiyak kasing magsusumbong ito kay Susan na kinukunsinti ang kaartehan ng babaeng ito. Sayang ang malaking komisyon na makukuha niya kung sakaling mailabas ito ni Jiro. Kaya dapat daanin ito sa mabuting usapan.

Huminga nang malalim si Bob at pinalambot ang expression ng mukha. Kinalma ang sarili at pinilit na ngumiti kahit may halong gigil bago humarap kay Haizen na nakahalukipkip sa harapan ng salamin.

"Sige. Kakausapin ko si Jiro na huwag ka ng kulitin na ilabas..."

"Pati ang pang-manyak niya sa akin, tigilan na rin niya. Ayaw ko siyang ipahiya sa maraming tao, pero kapag bumalik ako roon at nagpatuloy pa rin siya, pasensiyahan tayo, Bob." Hindi tumitinag sa puwestong saad ni Haizen.

"It's Bonna! Okay, sige sasabihin ko rin. Sige na, ayusin mo na sarili mo at kakausapin ko lang si Jiro." Ngiting aso ang ibinigay niya kay Haizen na inirapan lang siya at dumiretso ng cubicle.

Buwisit na lumabas si Bob ng restroom. Matagal na siyang nagtitimpi sa ugali ni Haizen. At hindi siya papayag na hindi ito maturuan ng leksiyon.

Isang balak ang nabuo sa isip nya habang palapit sa inip na inip na si Jiro. Panay ang hithit-buga nito sa sigarilyo. Tiyak na mawawala ang pagkakunot ng noo nito at yamot sa kaniya kapag narinig nito ang balak gawin sa maarteng si Haizen.

***

Lihim na natuwa si Haizen nang pagbalik niya ay naka-distansiya na si Jiro. Bagama't may halong kalaswaan pa rin ang mga pinagsasabi nito at tingin ay binalewala na lang niya. At least, hindi na siya nito tinangka pang hawakan. Malamang ay pinagsabihan ito ni Bob at natakot sa maaari niyang gawin kung sakali.

Kampante ng umayos nang upo si Haizen habang nakikipag-usap sa walang kuwentang usapin. Madalas lang na tango at iling na may halong tipid na ngiti ang iginaganti niya sa mga pinagsasabi ng kaharap. Panay rin ang sulyap niya sa analog clock na nasa dingding sa kaliwa. Nais na niyang umuwi.

Halos dalawang oras na silang nag-uusap at dalawang oras pa ata ang bubunuin niya sa pagtitiyaga rito dahil mukhang hindi na siya nito pakakawalan pa. Ang malas naman ng araw niya.

Panay hikab na rin ang ginagawa niya at parang inaantok na ang kaniyang pakiramdam. Napahigpit ang hawak niya sa baso ng juice na siya lang naman niyang tanging iniinom doon. Sa pagtingin niya sa kaharap ay parang doble-doble na ang pigura nito. Nakangisi si Jiro habang patuloy sa paghitit-buga sa sigarilyo.

Napahawak si Haizen sa sintido at bago tuluyang bumagsak sa lamesa, nakita niya pa ang paglapit ni Bob sa kanilang puwesto habang nakangisi.


Beautiful Mess
Jhavril
April 12 2019

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 12, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Beautiful MessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon