BM 6

135 16 13
                                    

Halos hindi na magkamayaw ang mga madre sa paghagilap sa mga bata para iligtas. Hindi nila inasahan ang malaking apoy na ngayon ay tumutupok na sa buong bahay-ampunan. Hindi na sila nag-abalang kumuha ng mga gamit at buhay ang mahalaga sa ngayon.

Mabilis kumalat ang apoy dahil gawa lang sa kahoy ang naturang bahay. Nagsisigaw sila at natatakot lalo na sa mga batang nag-iiyakan. Halos wala na silang malabasan dahil napapalibutan na sila ng nagngangalit na apoy.

"Lumabas na ang lahat! Hagilapin ang iba pa at kailangan nating maligtas."

Bagamat natataranta, tinakbo ni Sister Pat ang kaniyang opisina. Napapatakip na siya sa ilong dahil sa kapal ng usok sa paligid. Pagkabukas ng pinto, sunod-sunod na ubo ang kaniyang ginawa. Hinawi niya ang usok sa daraanan gamit ang kanang kamay. Mabilis niyang pinuntahan ang kabinet na kinaroroonan ng titulo ng lupa. Kahit hirap ay napasakamay pa rin niya ang envelope.

Nakalabas na siya ng pinto nang hindi niya namalayang mababagsakan siya ng kahoy sa kaniyang likuran.

***

Niyakap ni Bubbly si Haizen nang tuluyan niyang mabuksan ang pinto ng basement. Naghahalo ang pawis at luha nito sa mukha.

"Ate, bakit po ang... kapal ng usok?" ani Haizen na inuubo-ubo na rin. Hinubad ni Bubbly ang sweater na suot at agad na itinakip sa ilong at bibig ni Haizen habang hinahagilap nila ang daan palabas. Masiyado nang makapal ang usok kaya kinakailangan na nilang magmadaling makalabas.

"Haizen... dito." Paubo-ubong saad ni Bubbly, habang mahigpit na kapit ang alaga. Subalit, biglang nadapa si Bubbly dahil sa nakaharang na katawan ni Sister Pat.

"Sister?" Agad na tumayo si Bubbly at pilit na tinatanggal ang kahoy na nasa likuran nito. Subalit, sadyang mabigat iyon. Nakikitulong na rin si Haizen subalit, hindi nila iyon kaya. Sumasabay pa ang usok at init ng apoy kaya mas lalo silang nahihirapan.

"Bubbly... kunin mo ito... umalis... na kayo..." Kahit hirap ay pilit na iniaabot ni Sister Pat ang titulo ng lupa.

Kinuha naman iyon ni Bubbly at ibinigay kay Haizen. Pilit pa rin nitong tinatanggal ang kahoy subalit hindi talaga nito iyon kaya.

"Umalis... na kayo..." halos hindi na nila maintindihan ang sinasabi ni Sister Pat, dahil unti-unti na rin itong nanghihina.

"Haizen, umalis ka na. Humingi ka nang... tulong..." Umubo-ubo pa si Bubbly, habang pilit pa ring tinatanggal ang kahoy na nasa likuran ni Sister Pat. Napapaupo na rin siya sa pagod at nagluluha na rin ang kaniyang mata dala ng usok.

Umiling-iling ang batang si Haizen. Naghahalo na ang luha niya sa isiping maiiwan ang kaniyang ate Bubbly at si Sister Pat at ang usok sa paligid. Hindi niya tinatanggal ang sweater sa kaniyang ilong at bibig, subalit pumapasok pa rin iyon na nagreresulta sa kaniya na maubo na rin ng sunud-sunod.

"Sige na!" At kahit ayaw ni Haizen, tinakbo na niya ang patungong pinto. Bago lumabas lumingon pa siya sa mga ito. Marahang tumango si Bubbly habang iwinawasiwas ang kamay na lumabas na siya.

Subalit, hindi inasahan ni Haizen ang mabubungaran. Isang lalaking may baril na nakangisi sa kaniya.

"Bata, bigay mo sakin 'yan!" Pabigla nitong kukunin sana ang envelope, subalit, mabilis na nakaatras papasok si Haizen. Bago pa man niya maisarang muli ang pinto, nakapasok na ang lalaki. Rinig ang sirena ng mga ambulansiya at fire truck sa paligid. Pati na ang sigawan sa labas na nais nang apulahin ang apoy.

Matalinong bata si Haizen, alam niyang importante ang laman niyon na kailangan pang ibuwis ni Sister Pat ang kaniyang buhay para rito.

Nang maisip ang dalawa, agad na nilingon ni Haizen ang kinaroroonan ng ate Bubbly niya at ni Sister Pat. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang pareho nang nakahandusay ang mga ito sa sahig. Tatakbuhin na sana niya ang mga iyon nang mabilis siyang hawakan ng lalaki sa braso. Agad namang kinagat ni Haizen ang kamay ng lalaki na siyang nakapagpabitaw rito.

Kinuha niya ang pagkakataon na iyon para takbuhin ang kinaroroonan ng dalawa. Subalit, isang putok ng baril ang kaniyang narinig. Kasabay nang mainit na pakiramdam sa kaniyang likuran.

***

"Ano pong ibig n'yong sabihin na wala tayong magagawa?" Halos nais na ni Ramiel na sumigaw nang makitang malungkot lang na nanonood ang mga anghel sa isang malaking screen sa kanilang harapan. Kitang-kita nila na kung paanong lamunin ng apoy ang ilang bahagi ng bahay-ampunan na kinaroroonan ni Haizen.

Patungo na sana siya sa isang itinalagang kuwarto upang turukan ng pampalimot na tinatawag nilang obli. Itinuturok ito sa kanilang mga anghel para makalimutan nila ang mga nangyari sa kanila sa loob ng sampung taon. Kumbaga, panibagong-buhay para sa bagong kaganapan nila sa pagiging anghel. Napadaan siya sa bahagyang bukas na pintuan ng conference room ng mga grande at doon nasilayan niya ang panonood ng mga ito sa hindi niya malilimutang lugar. Ang nasusunog na bahay-ampunan nila Haizen! At narinig niya nga ang isang Grande na nagsabing wala silang maaaring gawin kaya napapasok siyang bigla at napatanong.

"Anong ginagawa mo rito, Ramiel? Oras na para turukan ka ng obli, 'di ba?" Si Grande Nicholas ang nagsalita. Ilan lang ang lumingon at ang ilan ay nanatiling nakatingin sa malaking screen sa kanilang harap.

"Pero, bakit nga po? Kailangan nila ang tulong natin." Halos hindi na mapuknat ang tingin ni Ramiel dahil sobra na siyang nag-aalala sa masamang maaaring mangyari sa mga naroon.

"Wala tayong magagawa sa itinakda ng Diyos." Hindi lumiligon sa gawi niya si Grande Nicholas. Nanatili nilang pinapanood ang kasalukuyang nangyayari.

At halos nais na niyang bumaba sa lupa nang makitang hindi makalabas si Haizen at si Bubbly.

"Pero, napakabuti nilang mga nilalang. Nararapat na sila ay tulungan!" Medyo napalakas na ang boses ni Ramiel. Hindi niya kinakaya ang napapanood lalo pa ang isiping maaaring ikasawi iyon ng ibang bata at ni Haizen.

Napalingon ang ilang Grande sa kaniya. Napabuntong-hininga si Grande Nicholas at nilapitan nito ang hindi mapakaling si Ramiel. Inakbayan at muling bumaling sa screen.

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Sa ngayon hindi mo pa ito naiintindihan. Pero, darating ang araw na malalaman mong ito ang nakatakda." Tipid na ngumiti si Grande Nicholas pagkatapos na lumingon sa nanatiling nakatiim-bagang na si Ramiel.

Hindi ko ito kailanman maiintindihan. Kailangan kong gumawa ng paraan! Nasasaloob ni Ramiel. Lalo pa nang makita niya sa screen na nasa panganib si Haizen.

"Mabuti pa Ramiel, pumunta ka na kay Grande Percival. Oras na para sa obli mo." Bahagya pa nitong ginulo ang buhok ni Ramiel bago iginiya palabas ng pinto. Napapalingon pa si Ramiel sa screen at isang desisyon ang kaniyang gagawin.



Beautiful MessWhere stories live. Discover now