4. Building 75

1.5K 100 11
                                    

Seryoso ang tingin ni Helmer sa babaeng nagpakilalang Arjo.

"Alam mo ba kung sino'ng mga hinahanap mo?" mabigat na tanong ni Helmer sa babaeng hanggang balikat lang niya ang taas.

"Not quite," sagot ni Arjo at saka tumango. "Pero sikat sila sa labas. Ang sabi-sabi, nandito sila ngayon para magtago."

Humalukipkip si Helmer at tinantiya ng tingin si Arjo. "Ano ang kailangan mo sa mga Primaveras?" Hinagod niya ng tingin si Arjo mula ulo hanggang paa. "Ilang taon ka lang ba? Alam ba ng mga magulang mong nandito ka sa Wythe Lais?"

"Hoy, excuse me!" Si Arjo naman ang nanghagod ng tingin kay Helmer. "Mas matanda pa yata ako sa 'yo! Makapagsalita ka!"

"E bakit ka nga nandito, ha? Ano'ng kailangan mo sa mga Primaveras?"

Umayos ng tayo si Arjo sabay halukipkip at hindi na lang tiningnan nang diretso si Helmer, sa halip ay tinuon na lang ang tingin sa babaeng sexy sa kanto ng kaharap na building.

"Bibisitahin sila," matipid na sagot ni Arjo.

"Yung totoo?" nagdududang tanong ni Helmer.

"Bibisita nga! Ikaw ba yung manager nila, makatanong ka sa 'kin?"

Nanatili ang pagkahalukipkip ni Helmer nang humakbang palapit kay Arjo. At dahil mas matangkad siya, yumuko pa siya para itapat ang mukha sa kausap.

"Walong miyembro ng mga Primaveras ang wanted sa tatlong kontinente at sampung bansa. Tatlo sa kanila, terrorist bomber; apat sa kanila ang may kaso ng bank robbery sa iba't ibang malalaking bangko sa buong mundo; lahat sila ay may history ng murder, at hindi sila basta-basta tumatanggap ng bisitang kamag-anak ni Dora. Uulitin ko ang tanong. Ano . . . ang kailangan mo . . . sa mga Primaveras?"

Napatingin nang diretso si Arjo sa mga kulay tsokolateng mata ni Helmer Jacobs. Seryoso ito pero walang halong ibang emosyon maliban sa pagiging kalmado. Halatang alam kung paano kokontrolin ang sarili para magsabi ng kung anong mensahe sa ibang marunong bumasa ng tao.

Ngumiti lang si Arjo at inalis na rin ang emosyon sa mga mata niya. "Papatayin ko sila. Puwede na bang dahilan 'yan?" seryoso niyang sagot kahit may pekeng ngiti sa mga labi.

At napalitan ng ngiti ang nakasimangot na mukha ni Helmer dahil sa isinagot ni Arjo. Ngayon, mababasa na sa mga mata niya ang tuwa. "Ngayon na ba?" natutuwang usisa pa niya.

"Bakit hindi?"

"Hahaha, okay!" Umalingawngaw ang malakas na tawa ni Helmer sa tahimik na kalsada kung nasaan sila. "Nice joke." Itinuro niya ang kanan. "Diretsuhin mo 'yan, may fountain sa gitna, hanapin mo yung street na katabi ng Madman's Music shop, makakalabas ka na ng Wythe Lais. Simulan mo nang maglakad." Hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Arjo at iginiya papuntang kanang kalsada.

"Hey! Ano ba?" Agad ang tabig ni Arjo sa kamay ni Helmer. "I have to see them right now!"

"They're unavailable at the moment," sagot agad ng lalaki. "Now go home and mind your own business." Nagpatuloy na sa paglalakad si Helmer at binalewala na lang si Arjo.

Iniisip niyang baka isa sa mga biktima si Arjo ng mga Primaveras at gusto lang maghiganti. Hindi niya ito masisisi kung iyon nga ang tunay na pakay nito kaya hinahanap ang wanted na grupo. Basta ang kanya, kailangan niyang mapaalis ang mga Primaveras sa bayan niya bago pa magkagulo.

Beep. Beep. Beep.

Napadukot sa bulsa niya si Helmer para kunin ang mini pad niyang may message. Lumabas sa transparent glass na sinlaki lang ng palad niya ang isang email mula sa sender na may pangalang Labyrinth.

"Black Jack, finish Ps. Hawkin's order."

Napailing na lang si Helmer dahil bago pa man ilabas ang order na iyon, plano na niya talagang tapusin ang mga Primaveras(Ps).

Malalaki ang hakbang niya kaya wala pang kalahating oras ay natanaw na niya ang Building 75 na isa sa pinakalumang apartment building sa Wythe Lais. Kakaiba ang aura ng building at napakabihira ng dumadaan doon dahil alam ng mga taga-Wythe Lais na hindi magandang ideya ang maligaw sa area. Abandonado na iyon at may dalawang buwan pa para sa nakatakdang pagpapasabog sa building para patayuan ng panibago.

Nakatingala lang sa isa sa pinakamataas na palapag si Helmer, hinahanap ng tingin ang eksaktong lokasyon ng mga pakay niya.

"So, nandito pala sila. I see, I see."

"Shit!" Gulat na napatingin sa gilid niya si Helmer dahil hindi man lang niya napansin na may tao pala sa tabi niya. "Ikaw na naman?!" mahina niyang bulyaw.

"Building 75," pagbasa ni Arjo sa pangalan ng building na nakapinta ng kulay pula sa entrance nito. "Kung susukatin natin ang layo nito mula sa building kung saan kita nakita, if ever gagamit ka ng Barrett para sa speed and penetration, puwede mo nang tapusin ang kahit sinong sisilip sa isa sa mga open area sa taas." Tumingala si Arjo at binilang ang mga bintana sa pinakamataas na bahagi ng building. "Wala namang ordinance sa Wythe Lais na nagbabawal sa mga citizen na magkaroon ng sarili nilang baril, right? Allowed naman ang mga tagarito to carry firearms."

Nakatanggap ng seryosong tingin si Helmer mula kay Arjo. Kunot na kunot naman ang noo niya sa mga pinagsasabi nito dahil mukhang may alam ito sa pagpaplano at pag-atake.

"Umamin ka nga sa 'kin. Espiya ka ba?" diretsong tanong ni Helmer.

"Uhm! Nope!" Mabilis na umiling si Arjo habang nakangiti. "Nandito lang talaga ako para sa mga Primaveras."

Ang sama na ng tingin ni Helmer kay Arjo nang kunin niya sa bulsa ang mini pad niya para i-profile check ang kausap. "Arjo . . . what's your last name?"

Nadako naman ang tingin ni Arjo sa hawak ni Helmer at parang batang nakisilip sa mini pad nito. "I-search mo, Malavega," utos ni Arjo habang tinuturo ang screen.

Napangiwi naman si Helmer dahil nakuha pang mag-utos ni Arjo samantalang nagba-background check na nga siya rito. Agad na lang niyang hinanap ang pangalan ni Arjo Malavega at nakita ang ilang mga detalye nito sa ilang kilalang international agencies.

"Waah! Hala, ang cute ko rito!" natutuwang sinabi ni Arjo habang tinuturo ang selfie niya sa screen.

"Hindi ka tagarito, sampung bansa ang layo ng address mo. Paano ka napunta rito sa Lais?" takang tanong ni Helmer kay Arjo. "Undergraduate? Pariwara ka ba? And you're . . . 29? Damn, you look like a missing child. Alam ba ng mga magulang mong naglalakwatsa ka?"

"Hey, watch your words!" singhal ni Arjo nang tingalain si Helmer.

"Ano'ng atraso sa 'yo ng mga Primaveras?" Lalong sumama ang tingin ni Helmer kay Arjo. "Pinatay ba nila ang pamilya mo?"

"Nope. Matagal nang patay ang buong pamilya ko."

Napatitig na lang si Helmer sa anggulo ni Arjo mula sa puwesto niya. Kung makapagsalita ito, mukhang wala lang ang sinabi nito kaya alam na niyang may mali rito.

Hindi na nagsalita si Arjo. Inosente lang niyang inilipat ang atensiyon sa entrance ng building. Napatayo siya nang maayos nang may lumabas na isang babae sa entrance.

"Teka nga . . . hey!" Hindi na nakapag-react pa si Arjo nang hatakin siya ni Helmer sa gilid ng katabing building at tinakpan nito ang bibig niya.

"Huwag kang maingay." Sinilip ni Helmer ang babaeng lumabas ng Building 75. Sumakay ito sa nakaparadang itim na Audi sa katabing parking lot. "Letizzia Vagliere," bulong ni Helmer.

Sapilitang inalis ni Arjo ang kamay ni Helmer na nasa bibig niya. Nakisilip na rin siya at hinabol ng tingin ang umalis na sasakyan. "Ano'ng ginagawa rito ni Gray Mamba?"

Nanlaki ang mga mata ni Helmer at sapilitan na naman niyang pinaharap sa kanya si Arjo.

"Paano mo nakilala si Gray Mamba?" buong pagtatakang tanong ni Helmer kay Arjo habang hinahanap ang sagot sa mga mata ng babae.

"Puwedeng bit—bitiw nga!" naiinis na sinabi ni Arjo habang tinatapik ang kamay ni Helmer na nasa braso niya. "Jacobs, bitiwan mo 'ko, inuutusan kita!"

"Malaking pangalan ang binanggit mo at hindi 'yon basta-basta nalalaman ng ordinaryong tao," mabigat na sinabi ni Helmer at sinalubong na rin ni Arjo ang tingin niyang nanghuhusga. "Sino ka bang talaga?"

-------------

Dealing With Mr. Jacobs (Book 12)Where stories live. Discover now