17. The Savior

1.1K 80 10
                                    

Pakiramdam ni Arjo, nanggaling na siya sa oras na iyon. Sa mismong lugar, sa mismong panahon, sa mismong pagkakataon.

Nasa sala si Armida nang maabutan siya roon ni Arjo na kauuwi lang galing sa HMU. Pakiramdam ni Arjo ay may malaking pader na ang naghihiwalay sa kanila ng sariling ina dahil sa lahat ng nalaman niya.

Umupo siya sa single couch na kaharap ng inuupuan ni Armida. Pinakatitigan niya ang ina.

Hindi niya alam kung ilusyon lang ba iyon, o panaginip, o katotohanan. Gusto niyang malaman ang eksaktong sagot.

"Ma," naiilang na tawag ni Arjo.

"May problema na naman ba sa school? Nakausap ko na ang professor mo."

Napahugot ng hininga si Arjo nang makita ang pisikal na estado ng mama niya. Namumutla pa rin ito gaya noong bago pa niya malaman kung ano ba siya rito. Noon, akala niya, ganoon lang talaga ang itsura ng mama niya. Hindi niya alam na kaya ganoon ang ayos nito ay may mali na pala sa katawan nito.

Alam na niya ang lahat. Walang sikreto ng mga Malavega ang hindi niya pa alam. Isang desisyon ang nabuo sa kanyang utak sa mga oras na iyon.

"May sakit ka, di ba?" diretsong salita ni Arjo. Naroon na ang bigat ng tono dahil sa mga pinagdaanan, at sa kung paano siya hinubog ng lahat ng paghihirap na pinagdaanan niya sa nakaraang sampung taon ng buhay niya.

Isang blangkong tingin lang ang naibigay ni Armida kay Arjo.

"Sasamahan kita kay Uncle Ray. Gagamutin kita."

Unti-unting kumukunot ang noo ni Armida sa naririnig mula sa anak. "Ano'ng pinagsasasabi mo diyan?"

"Artificial regenerator. Ako ang artificial regenerator mo, di ba? Ginawa na namin 'to ni Kuya. Kung ano man ang nalaman ko, mas mabuting huwag na lang din niyang malaman. Tama nang alam na niya ang sinasabi ninyo nina Papa."

Napatayo sa kinauupuan si Armida at buong pagtatakang tiningnan ang anak niya. "Saan mo nalaman 'yan?"

Nag-iwas ng tingin si Arjo. Napahimas na lang siya ng sentido dahil hindi niya alam kung paano ipaliliwanag ang nalalaman.

"Arjo, saan mo nalaman 'yan?" mabigat na pag-uulit ng tanong ni Armida.

"Ma, galing ako ng Terminal." Sa sinabi niyang iyon, halos bumagsak ang panga ni Armida at hindi makapaniwalang tiningnan siya. "Nakita ko lahat. Nakita ko kung paano mo sinaksak si Papa. Nakita ko kung paano nawala sa sarili si Ana. Nakita ko lahat, Ma." Humugot siya ng hininga at tumango. "Nakita ko lahat."

Walang naisagot si Armida. Wala siyang masabi. Pakiramdam niya, nagbago bigla ang nakilala niyang Arjo na anak niya.

"Hindi ko alam kung tunay ba 'tong lahat. Gusto kong malaman kung tunay ka ba. Gusto kong malaman kung totoong mundo ba 'to o nasa Terminal lang ako."

"Arjo." Dali-daling nilapitan ni Armida ang anak at kinuha ang mga braso nito. "Ano'ng ginawa mo?"

Tinitigan ni Arjo ang mga mata ng ina. Kulay abo na ang palibot ng balintataw nito. Matagal naman na niyang napapansin iyon pero naging mahalaga lang ang detalyeng iyon ngayon.

"Ma . . ." Biglang kinabahan si Arjo. "Tell me . . . dito ka ba dinala ni Amygdala?"

"Arjo, mamamatay ka sa ginagawa mo!" nag-aalalang sinabi ni Armida sa kanya. "Bumalik ka. Hindi ka dapat pumasok rito!" Dali-daling tinungo ni Armida ang sidetable at sinubukang tawagan si Josef sa trabaho nito.

"Ma," matigas na tawag niya. Nilapitan niya si Armida at binawi rito ang telepono. "Ma, ilalabas kita rito. Gagamutin kita sa labas—"

"Don't!" Di-sinasadyang maitulak ni Armida si Arjo at pareho silang nagulat sa nangyari.

Napaatras si Arjo at parang may humatak sa kaluluwa niya mula sa likuran.

"Arjo, naririnig mo ba 'ko?" sabi ng boses ng lalaki sa kung saan. "Arjo!"

Unti-unting lumalabo si Armida sa paningin niya.

"Mama . . . ? Mama, babalik ako! Mama, huwag kang—"

Biglang dumilim ang lahat. Kumurap siya at nagbago na naman ang paligid. Isang malawak na talahiban at nakikita niya si . . .

"Jin?" nalilito niyang tanong.

"Hindi mo ito dapat gawin, Arjo. Hindi ka dapat nandito. Binalaan na kita tungkol dito."

Kumurap na naman si Arjo at bigla na namang nagbago ang paligid.

"Haaagh!" Napahugot ng napakalalim na paghinga si Arjo na animo'y kasasagip lang mula sa pagkalunod. Mulat na mulat ang mga mata niya at naghahabol ng sunod-sunod na paghinga. Napakabilis ng tibok ng puso niya at pumipintig din ang magkabila niyang sentido.

"M-Mama . . . Mamaaaa," hinihingal na pagtawag ni Arjo habang nakatitig sa puting flourescent light sa itaas niya. Nanginginig ang katawan niya dahil sa sobrang lamig na nararamdaman. Halos hindi niya maigalaw nang maayos ang katawan at nahirapan pa siyang itagilid ang pagpaling sa sarili.

May rumerehistrong tao sa paningin niya kahit malabo. "B-Black . . . Jack . . ."

Nanlalabo pa ang mga mata niya ngunit naaaninag niya si Helmer na nakasandal sa gilid ng pinto at mukhang walang malay.

Itinulak na lang niya nang puwersahan ang sarili kontra sa sahig para makabangon. Noon lang niya napansing kaya pala siya nilalamig ay dahil wala siyang kahit anong saplot maliban sa nakapatong sa kanyang basang tuwalya.

Naninigas ang mga palad niya nang hawakan ang pisngi ni Helmer para alamin kung bakit ito nakatulog doon.

"B-Black Jack . . . A-ano'ng nangyari?"

Walang tugon mula rito. Naramdaman niyang napakainit nito. Hindi lang niya mawari kung mainit ba ito dahil malamig siya o may iba pang dahilan.

Ginapang na lamang niya ang palabas ng banyo para makahingi ng tulong sa labas. Hindi nawala ang panlalabo ng kanyang paningin ngunit nakita pa rin niyang nagkalat ang mga gamit niya sa bukod-tanging kama na naroon. Nang makalapit sa night stand ay kinuha agad niya ang telepono at pinindot ang number 1 para sa outside call at nag-dial ng pamilyar na numero.

Wala pang dalawang ring ay may sumagot na agad.

"Milady?"

"X-Xerez . . . " hinihingal na pagtawag ni Arjo. "T-tulong—" At naibagsak niya agad ang telepono.

Patuloy ang panlalabo ng paningin ni Arjo. Humugot siya ng isang tela sa kama, at kung anuman ang nahatak niya ay iyon na lang ang ipinangtakip niya sa katawan. Isang malaking T-shirt na pantulog sana niya.

Walang ibang laman ang isip ni Arjo. Blangko at wala siyang matandaan maliban sa mahahalagang impormasyon. Sa mga oras na iyon, nakakaunawa pa siya subalit walang kahit anong bagay ang naiisip niya. Nakatuon ang tingin niya sa pinto ng kuwarto. Alam niyang pinto iyon, pero wala siyang inaabangan o inaasahan sa likod ng tinitingnan. Umiikot ang tingin niya at tumitig sa malamyang ilaw ng kuwarto na mas madilim kompara sa ilaw sa banyo.

Namamanhid ang buong katawan niya at lutang na lutang pa ang isip.

Ilang sandali pa'y bumukas ang pinto at may aninong pumasok. May sinabi ito na hindi maintindihan ni Arjo. Nilapitan siya ng anino na hindi niya halos maaninag.

"Nilalamig ako," bulong ni Arjo. May kinuha ito sa kung saan at ibinalot sa katawan niya. Binuhat rin siya nito at inilabas sa kuwartong iyon.

Bahagyang nakadilat si Arjo at ang tanging nakikita ng mga mata niya ay damit lang. Karga-karga siya ng hindi pa niya masabi kung sinong tao, ang mahalaga ay pakiramdam niyang ligtas siya sa mga oras na iyon.

Ilang sandali pa'y dahan-dahan siyang inilapag ng taong iyon sa malambot na kama at doon lang niya ito nakita nang malapitan.

"Paano ka kaya mabubuhay kung wala ako?" may bigat na sa tinig nito nang hawiin ang buhok sa noo niya upang salatin kung may lagnat ba siya.

"Xerez . . ."

-------------

Dealing With Mr. Jacobs (Book 12)Where stories live. Discover now