45: Citadel's Living Nightmare

545 55 36
                                    


May mga inihanda nang damit si Xerez sa closet para kung sakaling iwan niya si Arjo, hindi na ito magkakalkal pa ng damit na susuotin. Hinanda na rin niya ang mga towel at bathrobe na gagamitin nito, undies, at toiletries. Kilala pa naman niya ito, kailangan pang pinagsisilbihan dahil sisigaw na agad para mag-utos kapag hindi nakita ang hinahanap.

Pagbaba niya, nakita niya si Arjo na nakatambay lang sa living room at halatang naiinip na roon. Nakabalagbag na naman ito ng higa sa single seater couch at kinukuyakoy ang mga nakasabit na paa sa arm rest.

"Lady Josephine," pagtawag ng Guardian, "nainip ka ba?"

"Ano na'ng gagawin natin ngayon, Xerez?" tanong ni Arjo.

"Wala pa akong naiisip."

"Ayaw mong bumalik sa talon," nakangising tanong ni Arjo at nabasa agad ni Xerez ang gusto niyang ipahiwatig.

"Milady, mas mabuting manatili tayo ngayon sa malapit lang." Umupo siya sa mahabang couch na katapat niyon. "Hindi ko alam kung anong oras tayo babalikan dito nina Black Jack."

Tumango lang si Arjo at mabilis na umalis sa upuan niya saka lumipat sa tabi ni Xerez. "Puwede bang i-extend yung usapan natin kahapon?" nakangising tanong ni Arjo at inangkla agad ang mga braso niya sa balikat ni Xerez.

Nagbuntonghininga na lang si Xerez at matipid na ngumiti. "Milady, naging masaya ka ba sa pananatili mo rito?"

Ngiting-ngiti si Arjo na tumango. Halos makita ni Xerez ang lahat ng ngipin niya sa ngiting iyon.

"Mabuti."

"Xerez, di na lang ako babalik sa Citadel. Dito na lang ako sa labas, tapos alagaan mo na lang ako."

Natawa naman doon ang Guardian at ipinalibot ang mga braso niya sa baywang ni Arjo. "Kung alam ko lang na matutuwa ka rito sa labas, sana sinabi ko agad sa kanila na pahabain ang suspensyon ko."

"Tawagan mo kaya si Ara? Balik tayo sa talon!" masayang alok ni Arjo at itinaas ang mga kamay.

"Lady Josephine, dadating din naman sila rito para sunduin ako. Hintayin na lang natin. Sa pagdating na lang nila tayo makiusap. Pero . . ." Natigilan si Xerez.

"Bakit?"

"Ayaw mo bang bumalik sa Citadel?"

Umiling na si Arjo para sabihing ayaw na nito.

"Pero sinabi nilang magiging maayos na ang lagay ni Lord Maximillian. Hindi mo ba siya gustong makita?"

Napanguso si Arjo at malungkot na tumungo. "Gusto naman . . ." Nag-angat agad siya ng tingin. "Sabihin mo na lang kay Kuya na dito na ako titira sa labas kasama ka. Papayag naman siya siguro."

Doon na binalot ng kaba si Xerez dahil sa napag-uusapan nila. Hindi rin niya alam kung bakit bigla siyang inatake ng nerbiyos.




Samantala, sa Citadel . . .



Ilang taon na rin ang nakalipas noong tumahimik ang Citadel. Mapayapang nagtatrabaho ang lahat dahil mga Guardian ang umaasikaso sa bawat posisyong walang tumatao sa kasalukuyan—hanggang bumalik na naman ang kinatatakutan ng lahat: si Maximillian Joseph Zach.

Saglit lang na namahala si Max, kulang-kulang dalawang buwan lang kung tutuusin, ngunit walang tahimik na araw noon sa pamumuno nito. Imbis na opisina lang ang Fuhrer ang abala, damay-damay lahat ng opisina. Ultimo si Cassandra Zordick na dekada nang namamala roon—hindi pa man ipinanganganak ang mga magulang nito—hindi niya pinatawad.

Dealing With Mr. Jacobs (Book 12)Where stories live. Discover now