22. Two-Way Street

704 49 0
                                    

Pumatak na ang tanghali, may kataasan na ang sikat ng araw. Nakahanda na sa helipad ng Suites de Alesia ang isang chopper para ibalik si Arjo sa Citadel. Kailangang maagapan ni Xerez ang lahat ng masamang puwedeng maganap sa Fuhrer. Buhay ito pero hindi niya alam kung kailan ito magigising.

Diretso lang ang tingin niya sa hallway habang nilalakad ang papunta sa Flaunt—ang tagong bar ng Suites na naka-locate sa lowerground. Doon nagtitipon-tipon ang iba't ibang taong may kanya-kanyang record at bounty sa ulo. Itinuturing na kahanay ng Order ng Citadel ngunit mas malaya kompara sa mga Superior na naglalapag muna ng misyon sa mga association bago i-distribute ang trabaho.

Masyadong malamig sa parteng iyon ng Suites, tanghaling tapat sa labas ngunit parang nasa kalagitnaan sila ng gabi sa loob.

Huminto si Xerez sa bakal na pinto na binabantayan ng isang lalaking nakapulang long-sleeve shirt at itim na trousers. Maamo ang mukha nito kahit na may pagkamaskulado ang katawan at may tattoo ng agila sa leeg.

"Good day, Larry," simpleng pagbati ni Xerez at nginitian nang matipid ang bantay.

"Wala kaming naririnig mula sa Citadel nitong mga nakaraang buwan," pambungad ni Larry sa Guardian.

"Iniiwasan ng Fuhrer ang problema sa ibang mga organisasyon," tugon na lang ni Xerez at nag-abot ng isang gintong card na may naka-engraved na Flaunt kay Larry. Visitor's pass na ibinibigay sa mga hindi miyembro ngunit may pagkakataong makapasok sa loob.

"Balita sa taas, narito raw ang amo mo." Nasilayan ang ngiti kay Larry bago buksan ang pinto para sa kanya. "Pakisabi, napakalambot niya para sa posisyon."

Walang kahit anong salita ang lumabas kay Xerez. Seryoso lang ang mukha niya at pinagtuunan na lang ng atensyon ang pakay niya sa lugar na iyon.

"Subalit nagpapasalamat kami. Nadagdagan ng trabaho ang mga tao rito dahil sa kanya."

Hindi matukoy sa bagay na iyon kung sinasarkastiko lang ni Larry ang sinabi o taos sa puso ang pasasalamat.

"Makararating ang pasasalamat," mapagmataas na sagot ng Guardian.

Nawala ang lamig na naramdaman sa hallway ng lowerground. Uminit nang bahagya at naghalo-halo na ang mga amoy sa loob. Amoy ng alak, amoy ng iba't ibang mamahaling pabango, amoy ng pawis, amoy ng usok ng sigarilyo, amoy ng air freshener.

Pulang dim light ang nagsisilbing pinakaliwanag sa loob, maliban sa ilang malilit na ilaw sa iba't ibang bahagi ng tagong bar na iyon. Halo-halo ang nakikita ni Xerez. May mga naka-casual, may mga naka-formal ang suot. Kada tapak niya sa loob ay nakatatanggap siya ng mga tinging hindi inaasahan. May ibang nagulat, may ibang napangiti nang makita siya, may ibang binati siya, may ibang matalim na tingin ang ibinigay sa kanya.

"Well, well, well," salubong sa kanya ni Gal, babaeng nakasuot ng leather jacket na itim na may puting fur sa kuwelyo at manggas na umabot hanggang pulsuhan. Hapit na hapit sa katawan nito ang black leather pants na itinago ng fur boots ang dulo. May dala itong martini at inalok si Xerez ng inumin. "The Guardian Centurion. The medic was right. Looking for someone?"

Nagtuloy-tuloy lang ng lakad si Xerez papunta sa bar counter at hindi sinagot ang babae.

"Wala bang sumagot sa Summoning at personal ka pang pumunta rito?" pang-asar na tanong nito at sumandal sa counter paghinto roon ni Xerez.

Ngiti ang sinalubong sa Centurion ng babaeng bartender na nakasuot ng puting blouse na pinunit ang manggas hanggang balikat. Hanggang leeg ang pagkakabutones ng damit nito na tinatakpan ng itim na bowtie.

"Sa entrance pa lang, naamoy na kita," sabi ng bartender bilang pagbati. "You made a bee line of fragrance . . . again."

"Good day, Stephanie. Galing dito si Black Jack?" diretsang tanong agad ni Xerez.

Dealing With Mr. Jacobs (Book 12)Where stories live. Discover now