Chapter 1

29.4K 325 19
                                    

Kung may kakayahan lang ang isang tao na magpagalaw ng bagay o tao gamit ang titig, malamang ay kanina pa naihagis ni Leila sa labas ng bintana ang kapatid niyang si Aya. Iyon ang gustung-gustong gawin niya nang mga oras na iyon. Papano ba namang hindi niya iisipin iyon kung walang kakonsi-konsiderasyon na ginising siya ng kapatid sa kalagitnaan ng masarap niyang pagtulog? Salubong ang kilay at nanlilisik ang mga matang tinitigan niya ang nakababatang kapatid.

"Wala kang pasok?" umupo ito sa tabi niya. Parang hindi man lang alintana ang sama ng mood niya.

"Tingin mo hihilata pa ko sa mga oras na 'to kung may pasok ako ngayon?" sarkastikong sagot niya.

Alas syete ng gabi kahapon hanggang alas kwatro ng madaling araw ang duty niya sa hospital. Three AM to twelve noon naman ang dapat sana ay duty ng kasamahan niya. Pero sa kamalas-malasan ay hindi ito sumipot at biglang nag-emergency leave. Wala tuloy siyang choice kundi ang okupahin ang lugar nito. Kakaunti na lang ang nurse nila sa hospital at pawang mga baguhan pa ang iba. Walang ibang pwedeng sumalo kundi siya lamang ayon na rin sa head nurse nila. Ayos lang naman iyon sa kanya dahil nagkataong day off niya rin nang araw na iyon. Hindi siya obligadong gumising ng maaga. Pero hindi iyon ang nangyayari sa mga oras na ito.

Tumingin siya sa side table kung saan nakapatong ang alarm clock niya. Alas-siyete na ng gabi. Ibig sabihin ay pitong oras na siyang natutulog. Sapat na iyon kung tutuusin. Pero may karapatan naman siguro siyang mag-oversleep dahil sa sunud-sunod niyang duty diba? Sa isang banda pa nga, ang kapatid niya ang walang karapatang gisingin siya nang mga oras na iyon.

"Ah, day off mo ngayon." nakangiting konklusyon nito at kapagkuwan ay humiga sa tabi niya. "Eh di maganda!"

"Aya!" angal niya. "Wala pa kong maayos na tulog." Tinalikuran niya ito at nagplanong bumalik sa pagtulog. Nagtalukbong siya ng kumot.

"Tinatanong ni Mama kung nakapagpaalam ka na daw para sa grand reunion natin."

"Oo. Pero hindi ako pinayagan." Sa kabila ng sama ng mood ay nakuha niya pa itong sagutin. Ang grand reunion na tinutukoy nito ay ang isinasagawa ng kamag-anak nila sa maternal side every after five years. Nakatakda silang magtipun-tipon dalawang linggo mula ngayon sa bayan ng Zambales, sa ancestral house ng angkan nila. Importante ang reunion ngayong taon. Obligado ang lahat na pumunta maging ang mga kamag-anak nila sa ibang bansa dahil ngayong taon ang golden wedding anniversary ng lolo't lola nila. At sa halip na magkaroon ng renewal of vows, hiniling ng mga ito na makompleto ang buong angkan. Ilang reunions na rin kasi ang dumaan na hindi pa sila nakokompleto. "Tsaka alam na iyon ni Mama kaya tantanan mo na ko, Aya."

Bumungisngis lang ito. Hindi niya alam kung bakit pinapansin niya pa ang pagpapapansin nito. "Hindi ka pa daw kumakain."

"Mas gusto kong sundin ang pagmamakaawa ng mata ko kesa ng tiyan ko."

"Dahil mas effective yun para di mo maramdaman ang sakit ng puso mo?" makahulugang biro nito.

Napaungol siya sa sobrang inis. Hindi dahil sa inungkat nito ang pagiging heart broken niya a month ago kundi dahil sa kakulitan nito. Aya was talking about her ex-boyfriend Frank. Four months ago ay tuluyan na nilang tinapos ng lalaki ang humigit kumulang sa apat na taon nilang relasyon. Hindi na kasi talaga nila kayang sagipin ang kanilang relasyon. Halos isang taon din sila sa isang long distrance relationship at unti-unting nagkaroon ng distansiya sa pagitan nila. A year ago ay nagmigrate ang buong pamilya ni Frank sa US. Ang akala nila ay makakayanan nila ang ganong set up. Hindi pala.

Ang akala niya rin ay hindi siya masasaktan ng sobra sa hiwalayan nila ng binata. Dahil kung tutuusin, sinagot niya lang naman noon ang binata out of depth of gratitude. Nakilala niya si Frank nang magkaroon ng tumor sa ovary ang Mama nila at isa ito sa mga naging doctor ng ina more than four years ago. Kinailangan nila ng malaking halaga para sa operasyon at sa anim na chemotherapy session. Nang ipinaalam nila iyon sa ama nila ay basta na lang sila nito iniwan sa ere at hindi na nakipag-communicate pa sa kanila. Isang malaki at dakilang duwag ang ama nila. Simula noon ay hindi na nila alam kung anong nangyari dito. Last time they heard, may iba ng pamilya ang ama niya sa labas.

The Right Mr. G (COMPLETED)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora