Ang Muling Pagkikita

15.6K 397 4
                                    

2015. Summer. Pulosa.

NATATAWA si Ingrid habang nakatatingin kay Shara na iniipon sa dust pan ang mahaba niyang buhok na pinutol nito. Pekeng humihikbi ang paborito niyang parlolista sa Pag-asa, ang tinatatawag na 'Barangay Uno' ng Pulosa. Godofredo ang totoong pangalan ni Shara. Kung paanong naging 'Shara' ay iniisip pa rin ni Ingrid hanggang nang sandalig iyon.

Walong taon na ang lumipas pero parang walang nagbago kay Shara liban sa kulay ng buhok. Naghuhumiyaw na violet ang kulay ng buhok nito ngayon na halatang ginaya kay Vice Ganda ang style.

Pekeng ngumawa na naman ang bading, iniiyakan ang buhok ni Ingrid. Hindi lang iyon, kada ilang segundo ay tititigan nito ang buhok at magmo-monologue—hinding-hindi raw ito makaka-move on sa pagkawala ng magandang buhok niya. Si Ingrid ang unang customer sa Shara's Salon kaya siya lang ang mag-isang natatawa sa kalokohan ni Shara.

Na-miss rin pala niya ang bading. Isa si Shara sa mga nagpapatawa sa kanila ni Kuya Val noon. Salamat na lang at hindi natuloy ang pag-alis ng bading sa Pulosa.

"Bakit ba kailangang buhok agad ang saktan?" reklamo pa ni Shara, tutok ang atensiyon sa mga buhok sa sahig na para bang mga piraso iyon ng ginto. Mayamaya ay ngumawa na naman.

Hinila na ni Ingrid ang buhok nito—tumili ang bading para bang nire-rape, ang mismong eksenang napasukan ng mag-nanay na customer. Biglang tumahimik si Shara, naging ala-politiko na naman na sumalubong sa mga supporters. Napailing na lang si Ingrid. Isang beses pa niyang tinitigan sa salamin ang sarili.

Gusto niya ang bagong anyo. Hindi siya manghihinayang sa nawalang buhok gaya nang hindi rin niya panghihinayangan ang mga bagay at taong nawala sa kanya. Magmo-move on siya at magiging masaya.

Nag-chin up siya, kasunod ang pag-angat ng isang kilay.

Kayo ang nawalan, hindi ako... sa isip niya habang nakatitig sa mga mata ng sariling repleksiyon. Be brave. Be happy. Be the best version of yourself. Go, Ingy!

Biglang lumitaw ang mukha ni Shara sa likod ng repleksiyon niya sa paborito nitong 'halimaw face' at hinostage siya. Na-shock nang ilang segundo si Ingrid bago natawa. Sinikmuraan niya ang bading bago binigyan ng tip. Narinig niya ang tawa ng mag-inang nakapuwesto na rin para magpagupit.

"Hi mo ako kay Fafa Val, Ingy!" pahabol ni Shara nang palabas na siya. "Balik ka!" Ngisi lang ang tugon niya rito. Lumabas na para ituloy ang walang planong paglilibot nang araw na iyon sakay ng mountain bike.

Nang mga sumunod na sandali ay nasa kalsada na si Ingrid, tinatatanggap ang masarap na hampas ng hangin—ah, na-miss niya ang pakiramdam. Ilang taon na ba mula nang nagkarera sila ng pinsan—na naging higit pa sa kapatid sa kanya—sakay ng mga bisikleta? Ilang taon na mula nang huli siyang kumain ng camote cue ni Aling Juaning? Si Aling Juaning na nasa ibang bayan na. Ilang taon na ba mula nang nawala ang 'gupit-ala-Val' na buhok niya?

Ilang taon na ba mula nang nagtagal siya sa Pulosa?

Nagbuga si Ingrid ng hangin at ngumiti sa sarili. Sa pagbabalik niyang iyon sa lugar, babalikan rin niya ang masayang kabataan. Sa masasayang alaala siya magsisimulang sumulong. Hindi madali pero unti-unti siyang aahon. Mawawala rin ang sakit. Makakalimutan rin niya lahat.

Mas binilisan niya ang pag-pedal sa bisikleta. Dumagdag ang speed niya. Pakiramdam ni Ingrid ay bigla siyang naging malaya mula sa ilang taon na pagkakakakulong. Tama lang pala na pinili niyang umuwi ng Pulosa. Mas magiging madali para sa kanya ang magsimula uli.

Iniliko niya ang bisikleta patungo sa direksiyon ng simbahan—ang dinarayong simbahan sa Pulosa. Ang lugar kung saan siya nakakatagpo ng ibang uri ng katahimikan. Natatandaan ni Ingrid na tuwing nagba-bike sila ni Kuya Val sa umaga, lagi silang dumadaan sa simbahan bago umuwi. Hindi niya alam kung regular pa rin na ginagawa iyon ng pinsan mula nang umalis siya. Ang alam lang ni Ingrid, araw araw na inirereklamo ni Kuya Val na nawalan ito ng 'Robin' nang umalis siya. Robin dahil ito ang 'Batman' niya. Tumigil lang sa pagrereklamo si Kuya Val nang maging abala na ito sa paglilingkod sa bayan. Kagawad ng barangay Pag-asa ang pinsan. Maging mayor ng Pulosa raw ang pangarap nito na tinututulan ni Tiyo Monching dahil marumi daw ang pulitika. May natural na karisma si Kuya Val, hindi na siya nagtataka na nag-number one ito sa botohan.

Zeus--PREVIEW ONLYTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang