Two Point One

8.3K 241 4
                                    

SA DALAWANG araw na lumipas na nasa Pulosa na si Ingrid ay wala siyang ginawa kundi magkulong lang sa silid at matulog. Mabigat ang pakiramdam niya at wala siyang ganang magkikilos. Pero nang mapansin niyang nag-aalala na ang Tiyo at Tiya niya kahit tahimik lang ang mga ito at hindi nag-uusisa, sinabi ng dalaga sa sariling kailangan niyang maging maayos na.

Nang umagang iyon ay maagang bumangon si Ingrid. Pagkatapos niyang gawin ang morning routine, kaagad siyang lumabas ng silid at nakisalo sa almusal. Pinilit niyang maging masigla. Nasa mukha naman ng Tiyo at Tiya niya na natuwa ang mga ito na lumabas na siya ng silid.

"Tiya?"

Napatingin sa kanya si Tiya Precy.

"Natuloy ho ba ang paglilipat ng lugar ni Shara?" si Shara ang bading na paborito niyang parlorista. Ito ang nagsilbing hair stylist niya mula noong highschool sila ni Kuya Val. Tandang-tanda niya na si Shara pa ang umiyak noon para sa kanya nang ipaputol ng pinsan ang kanyang mahabang buhok. Nabanggit ni Kuya Val na nagbabalak umalis ng Pag-asa si Shara.

"Hindi," sagot ni Tiya Precy. "Nagbago ang isip. Mas dadagdag pa raw ang tao dito sa atin sa mga susunod na araw kaya hindi na siya aalis. Mahirap nga naman magsimula sa ibang lugar."

"Noong huling punta ko," singit naman ni Tiyo Monching. "Ang sabi, eh, pag-ibig daw ang aalisin niya sa buhay. Hayun nga, 'yong boyfriend ang umalis ng Pulosa!" natatawa ang kanyang tiyuhin. "Dito nga naman, kilala na siya ng mga kababayan natin. Kinukumusta ka nga niya."

"Pupuntahan ko ho siya."

"Magpapa-trim ka ng buhok?" si Tiya Precy.

"Magpapaikli ako ng buhok, Tiya."

Sabay lang na naudlot ang pagsubo ng mag-asawa. Nakaawang ang bibig ng mga ito na tumingin sa kanya.

"Sigurado ka ba sa iniisip mong 'yan, ha, Ingy?" si Tiyo Monching, sinipat nito ang mahabang buhok niya. "Sayang ang maganda mong buhok."

"Gusto ko ho ng bagong hair style, Tiyo."

"Puwede namang iklian mo lang nang kaunti," ang Tiya niya, nasa anyo ang pagtutol. "Bakit kailangan mag-gupit lalaki ka pa? Hindi ka na bata tulad noong pulos kayo kalokohan ni Val."

"Kailangan ko ho ng bagong looks," pilit niyang pinagaan ang tono. "Gusto kong makakita ng ibang repleksiyon sa salamin. Gusto kong maramdamang wala na 'yong dating ako."

Natahimik ang dalawa at nagkatinginan.

"Ikaw ba ay may problema, Ingy?" tanong ni Tiyo Monching. Sa tingin niya ay hindi na napigil ang sarili. "Sabihin mo sa amin ng Tiya mo nang sa ganoon ay hindi namin kailangang hulaan kung ano ang nangyari sa 'yo sa Maynila at nagkakaganyan ka ngayon."

Hindi siya umimik.

"Nabanggit ni Val na hindi na kayo magkasosyo ni Leida sa negosyo?" ang Tiya niya na tumiim ang titig sa kanya. "Ano ba talaga ang nangyari? Sabihin mo sa amin para hindi kami nag-aalala."

Napatingin siya rito. Nagpaalam naman agad ang Tiyo niya na para bang naramdamang magtatapat na siya ng problema kay Tiya Precy. Nagdahilan ito na may gagawin pa sa labas. Lumapit naman ang tiyahin niya, tumabi sa kanya at hinawakan ang kamay niya.

Nang mga sumunod na sandali ay inilalahad na niya rito ang nangyari sa pagitan nila ni Leida.

Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, itinuloy ni Ingrid ang balak na pagpunta sa Shara's Salon. Nabawasan na ang bigat sa dibdib niya.

Okay na sana—kung hindi lang natagpuan ni Ingrid sa simbahan ang nagbabalik na si Zeus De Villar na nagnakaw na naman ng halik!


--- Preview ends here ---

READ THE REMAINING CHAPTERS IN DREAME.

Zeus--PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now