Two

8.5K 227 5
                                    

"ALAM mo ba kung ano'ng month ngayon?" napatingin si Ingrid sa pinsang katabi niyang nakaupo sa porch. Umuwi nga agad ito at may mga pintura pa sa damit. Galing raw ito sa isang event ng mga batang artist.

Dumaan na sa renovation ang bahay nila. Ayon kay Tiyo Monching, kailangan nilang umayon sa pagbabago. Sa mga nakalipas na taon kasi ay patuloy sa pag-unlad ang Pulosa. Mula sa istraktura hanggang sa edukasyon ay patuloy ang pagsulong ng bayan. Noong isang taon lang ay nagbukas roon ang isang Universidad. Dalawang Akademya lamang ang paaralan sa Pulosa dati. Nakakatuwa na sa ngayon ay hindi na kailangang lumuwas ng Maynila o lumipat ng bayan ang mga tagaroon para makapag-kolehiyo. Kabi-kabila na rin ang mga bagong subdibisyon na dine-develop sa lugar kaya parami ng parami ang populasyon.

"Ano na ba?" balik ni Ingrid. "Ang init kaya sure akong summer." Sanay na sa kanya ang pinsan na lagi siyang nawawala sa araw at oras. Lalo na kapag nagde-design o nananahi.

"Summer and Holy week."

"So?"

"Hindi ka umuuwi nang ganitong season, tama?"

Natigilan siya. Tama ito. Sa pagkatuliro nga niya ay nawala sa isip na March to April ang mga buwan na iniiwasan niyang magbakasyon sa Pulosa sa dahilang hindi man niya inamin kay Kuya Val ay alam niyang nahulaan na nito—dahil buwan iyon ng uwi ni Zeus De Villar mag-isa o kaya ay kasama ang pamilya. Sa Pulosa madalas magbakasyon ang pamilya tuwing Holy Season. Wala kasing katulad ang solemnity sa lugar kapag ganoong panahon. Ramdam na ramdam sa paligid ang katahimikan. Lahat ay nagninilay sa mga bahay o kaya ay nanalangin sa Simbahan. Buhay na buhay ang tradisyong Katoliko sa lugar. Iyon raw ang nami-miss ng mag-asawang De Villar, lalo na si Mrs De Villar na napaka-relihiyosa. Hindi niya sigurado kung iyon rin ang nami-miss ni Horse-Yabang. Sa Palagay ni Ingrid ay ang mga babae ng Pulosa ang nami-miss ni Zeus.

Sa mga taong lumipas ay hindi niya nakita in flesh kahit minsan si Zeus. Mga pictures lang kasama ang pamilya niya na kuha sa prusisyon at sa iba't-ibang activities tuwing Holy Week ang naiiwang ebidensiya ng bakasyon nito sa Pulosa. Sa tingin ni Ingrid ay hindi pa rin nagbago ang lalaki. Panay pa rin ang lipat sa bahay nila para magsabog ng kayabangan.

Natatandaan rin ng dalaga na ang huling pag-uusap nila ni Zeus ay noong nag-argumento sila dahil sa pakikialam nito sa camote cue. Hindi alam ni Ingrid na paalis na pala ang pamilya ni Zeus noon. Ayon kay Kuya Val, ilang taon na nanatili sa States si Zeus pero bumalik rin sa farm ng pamilya sa Bukidnon.

Halos magkasunod lang ang renovation sa bahay nila at sa bahay ng mga ito na naging rest house na lang. Tuwing Holy Week ay nagkakaroon iyon ng buhay. Kung hindi ang pamilya ni Zeus ay mga kamag-anak ng mga ito ang naroon.

Tuwing umuuwi si Ingrid na kadalasan ay February, September o kaya December ay napapatingin siya sa bahay sa tapat nila, napapaisip kung kumusta na ang mayabang na kapitbahay. Kung nag-asawa na ba ito o nambababae pa rin. Naisip niyang may asawa na si Zeus at maraming kabit. Ni minsan ay hindi siya nagtanong sa pinsan. Mabilis kasi ang Kuya Val niya, siguradong mabubuking nito ang kanyang sekreto noon—na kahit inis siya kay Zeus ay na-miss niya rin ito nang umalis na. Na-realize rin ni Ingrid, si Zeus ang nag-iisang lalaki na laging sumasagi sa kanyang isip kahit hindi na niya nakikita o nakakausap nang personal.

"Busy ako 'pag summer, eh."

Hindi umimik ang pinsan pero naramdaman niya ang titig nito. Bumaling siya rito—huling huli niyang napapangiti si Kuya Val.

"O, bakit?" usisa ni Ingrid.

"Alam nating pareho na hindi ang GN-X ang dahilan nang hindi mo pag-uwi tuwing summer season."

"Nanghuhula ka na naman, Kuya Val."

"Baka si Mama't Papa mapaniwala mo," ngingiti ngiti ito. "Ako? Hindi, Ingy. May dahilan ka. Kahit si Zeus nakahalata na lagi kang wala tuwing nagbabakasyon siya rito."

"Si Zeus?" patay malisya siya. "Bakit? Hinanap ba ako ng hambog na iyon?"

"Hahanapin ka talaga no'n. Hindi buo ang pamilya natin."

"Pasalamat nga siya, wala ako tuwing umuuwi siya. Payapa ang vacation niya. Kung nagkataong nandito ako, malamang laging may gulo."

"Baka nga naghahanap ng gulo kaya naalala ka."

"Uuwi ba sila this year?"

"Ang alam ko, siya lang at baka mas maaga ang dating niya."

"Bakit? Ano'ng meron?"

"Baka may tinatakasan," kasunod ang ngisi at iling.

"Malamang nakabuntis 'yon!" bulalas ni Ingrid. "God...hindi na talaga nagbago 'yang si Zeus. 'Buti na lang hindi ka nahahawa sa kaibigan mong 'yon, Kuya Val."

"Good boy si Papa, namana ko lang," ngisi nito.

"Wala ka pa rin bang ipapakilalang girlfriend sa amin, Kuya?"

"Ikaw? May ipapakilala ka na bang boyfriend?"

"Ikaw muna dapat!" tawa ni Ingrid. Tumawa rin ang kanyang pinsan.

"Sariling love life ang isipin mo, 'Go," inabot nito ang ulo niya at ginulo pa ang kanyang buhok.

"Kuya!" protesta niya na tinugon lang nito ng tawa.

Pagkawala ng tawa nito, inakbayan siya. "Wala ka pa rin bang sasabihin sa akin?"

Hindi umimik si Ingrid. Huminga lang siya nang malalim. "Next time na lang, Kuya Val. Ang haba, eh." Hindi pa niya gustong magkuwento.

Pinagmasdan siya ng pinsan. "Kung anuman 'yan, alam mong nandito kaming tatlo nina Mama at Papa para sa 'yo."

"Alam ko 'yon. Kuya Val. Thanks. Kaya nga umuwi ako, eh..."

Hinagod-hagod nito ang likod niya. "Basta 'pag handa ka na, sabihin mo agad sa akin. Nag-aalala ako sa 'yo."

"Okay lang ako. Ang bigat lang talaga sa dibdib..."

"Lilipas din 'yan."

Mahabang sandaling tahimik hinagod lang nito ang likod niya. Sa mga ganoong pagkakataon ay ipinagpapasalamat niya ang pagkakaroon ng ikalawang pamilya.

Pagkatapos ng pag-uusap na 'yon, nag-ayos na si Ingrid ng mga gamit sa kanyang silid. Kasama sa mga huli niyang inilabas ang pink notebook na saka lang niya naalala. Simpleng journal notebook lang pala iyon na hindi na hahanapin pa ng may-ari liban na lang kung mga pin codes at passwords ang naroon. Binuklat niya pa rin para i-check ang anumang mga nakasulat sa pahina.

One page a day for your heart

Dra. Love

Hindi naman yata masyadong personal ang nilalaman base sa unang pahina. Curious, itinuloy ni Ingrid ang pagbuklat...


Zeus--PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now