Chapter 6

239 5 4
                                    

NAKAGAWIAN NA NIYA ANG MAMASYAL sa niyugan tuwing Byernes ng hapon. Malawak ang lupain na ito at talagang sobrang relaxing ng dating ng lugar.

Sa mga oras na iyon, tanging ang mga kalapit residente na lamang sa baryo ang nangangahas na pumunta sa niyugan. Ilang beses na kasing naging tapunan ng mga sinalvage na bangkay ang lugar. Pero kapag ganitong magulo ang utak niya, tanging ang ilog sa Gumabon Falls lamang ang nakakapagpakalma sa kanya.

Malayo-layong lakarin pa ang ilog, at isang matarik na palusong ang kailangang tahakin. Buti na lang at sanay na siya sa lugar. Wala kasing pathway na pwedeng tapakan, at wala ring railings na pwedeng hawakan habang binabaybay mo ang daan.

May mga tumpok ng tuyong bao na nakakalat. Ang iba ay mga buko na tuyot na rin at inipon malapit sa mga hukay na natatakpan ng yerong nangitim na. Ginagawa kasing uling ng mga trabahador ang mga niyog at buko, dagdag kita para sa mga ito.

Nakarating na siya sa matarik na burol, dahan-dahang lumakad nang patagilid upang hindi naman siya magpagulong-gulong pababa. Papadilim na rin ang langit, malapit na atang mag-alas sais. Medyo binilisan niya ang maiingat na mga hakbang, tutal ay kabisado naman na niya ang bawat tatapakan.

Naging kumpiyansa ang dalaga sa kanyang pagbaba, kaya naman laking gulat niya ng biglang bumuslo ang paa niya sa isang mababaw na hukay. Natatakpan ang hukay ng mga bao ng niyog na akala niya ay solido, ngunit hindi pala. Buti na lamang at naitukod niya ang kanang kamay sa balikat na nakapa niya.

Balikat? Bakit may balikat dito?

Inusisa niya ang natukuran at biglang nagsitayuan ang mga balahibo sa buo niyang katawan. Nanlaki ang mga mata, nanginig ang mga kalamnan, at nagpilit na sumigaw ang kanyang lalamunan ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang bibig.

May bangkay! Katawan ng isang babae! Pero iyong lang ang nandoon, katawan. Walang ulo! Pugot! Pugot ang ulo ng bangkay! Sa dami ng saksak dito sa dibdib at leeg, humiwalay na ang ulo sa katawan! Putang inaaaa!!!

Nahihintakutang napaatras siya, kaya gumuho ang mga bao ng niyog na nakatabon dito. Saka niya napagmasdan ang katawan nitong panay saksak sa dibdib, at ang asul nitong blouse na gula-gulanit. Wala rin itong suot na pang-ibaba.

Sa takot ay lalo siyang umatras, at patakbo sana siyang aalis nang matapilok ang paa niya sa nakausling bato! Pabagsak siyang gumulong sa burol, hindi na niya nakontrol ang kanyang pagbulusong pababa sa ilog! Kasabay niyang gumugulong ang mga bao ng niyog at mga bulok na buko.

Sinalo siya ng isang nakaharang na halaman, napatigil siya sa paggulong at nagkukumahog na tumayo. Hindi pa rin niya magawang sumigaw o umimik man lang. Malayo-layo din ang iginulong ng katawan niya, panay galos na ang kanyang mga braso, binti at mukha. Iisang kabiyak na lang ng sinelas ang suot niya, pigtal pa ang goma. Pero di niya alintana ang mga sugat, mas nananaig sa dibdib niya ang takot at galit sa kalunos-lunos na sinapit ng babae.

Bigla siyang natigilan at napaisip ng malalim. Ang asul na blouse. Pamilyar sa kanya ang damit na iyon. Ibang klaseng kaba ang sumipa sa puso niya.

Kahit kumikirot ang paa kada tatapak siya ay pinilit niyang akyatin ang umpok ng mga bao na itinabon sa babaeng biktima. Itinatanggi man niya sa sarili ay gusto niya pa ring makatiyak. Bawat hakbang ay may kasamang luha na nagbabantang tumulo anumang oras. Matapos ang animo'y libong kilometrong paglalakbay, narating niya ang kinaroroonan ng bangkay.

Noon niya nalanghap ang amoy ng dugo, amoy kalawang na nakakasuka! Pinigil niya ang sariling paghinga, at saka pikit-matang lumuhod malapit dito at hinagilap ang duguan at bali nitong braso. Nang makita ang butterfly tattoo ay saka lamang niya nahanap ang sariling boses. "Sari! Sarriiiii.... Anong ginawa nila sayo? Diyos ko po!!!" Bumalong ang luhang walang kasimpait. At siya'y nanangis nang tahimik.

CROOKS-TO-GO Book 2Antonio: The Deceitful CrookWhere stories live. Discover now