Chapter 7

239 10 12
                                    

ILANG ORAS NANG KUMIKIROT ang kanyang tiyan, kabuwanan na niya at alam niyang anumang oras ay lalabas na ang bata sa sinapupunan niya. Hindi niya malaman kung anong gagawin nang biglang dumating na naman ang isang uri ng sakit na parang bumibiyak sa buo niyang katawan.

"Aaaahhhh! Ang sakit!!! Aaahhhh!" Napakapit siya sa uluhan ng kama, doon pilit na kumukuha ng lakas. "Hooo, hooo.. haaa, haaa..."Sinubukan niyang laliman ang paghinga, baka sakaling makatulong.

Magkakalapit ang bugso ng mga di mailarawang sakit na nagmumula sa tiyan niya. Dumadalas at mas tumatagal ang mga hilab, magkakasunod at hindi na niya mabilang.

"Diyos ko, 'wag naman sana akong dito manganak.." impit na sambit niya, nananalangin sa Poong Maykapal, umaasang may milagrong darating anumang saglit.

Ni minsan ay di pa niya hiniling na mangyari ito -- na sana ay bumukas ang pinto at manaog sa hagdan ang lalaking dahilan ng lahat ng kaniyang pagdurusa. Kahit isang plangganita lang ng mainit na tubig, mga tuwalya, alkohol at kung anu-ano pa. Sumungaw ang pag-asa sa kanyang balintataw. Baka naman...

"Malapit na 'kong manganak. Di ba sabi mo pag manganganak na 'ko dadalhin mo 'ko sa ospital? Halika na pumunta na tayo parang awa mo naaaaaahhhh!" Bigla na namang humilab ang kanyang tiyan, napahiyaw siya sa sakit! Pero mahirap makipag-usap sa hangin.

"Hindi na kailangan, kaya mo yan wag mo kong artehan! Umire ka lang ng umire d'yan akong bahala sayo!" Ganito tiyak ang sasabihin nito sa kanya. "Baka nakakalimutan mo kung sino ako? Easy ka lang dyan! Hehehe!" Kabisado na niya ang likaw ng halang nitong bituka.

Nanlaki ang kanyang mga mata, bigla na namang sumikdo ang isa na namang di mapantayang sakit. Ito na ata ang pinakamatagal na hilab, para na siyang papanawan ng ulirat! Wala siyang magagawa kundi ang tulungan ang sarili at ang anak. Naghahilap siya ng maaring gamitin, mga basahan, tubig mula sa banyo, blade. Sinigurong malinis ang mga iyon.

Sana lang ay hindi komplikado ang panganganak nya. Hindi suhi.. hindi masikip ang pwerta..at wala sanang nangyayaring kakaiba sa bahay bata nya. Pamilyar siya sa mga pagkakataon na kapag walang problema ay kusang lumalabas ang sanggol. May kapitbahay siya dati na umihi lang ay lumabas na ang ulo ng bata.

Kaya ko ito.

"Aaaahhhhh! Di ko na kayaaaaa!" Hiyaw niya. Sa dingding siya sumandal at doon naman nanghiram ng lakas.

Bitbit ang mga nakuhang gamit, inilapag niya ang mga iyon sa gilid ng kama. Humiga siya sa kutsong pispis, inililis ang kanyang daster at hinubad ang suot na panloob. Sinigurong malambot ang parteng mababagsakan ng sanggol.

"Malapit na yan, umire ka lang nang umire! Sige lang kaya mo yan! Ire pa! Ire! Aaaahhhhh! Umpphhhh.... aaaahhhh!" Isang mahabang ire ang pinakawalan niya. Naghalo halo na ang tubig, luha, dugo at dumi. Hanggang sa dumating na ang sandali, alam niyang isang ire na lang, lalabas na ang kanyang anak!

"Aaahhhhmmmmmppppffff....."

Naramdaman niya ang pagdaan ng munti nitong katawan palabas sa mundong puno ng kahayupan at kasamaan. Awang awa siya sa anak. Hindi ito ang buhay na gusto niyang maranasan nito. Pinilit niyang dumukwang upang maputol ang karugtong ng pusod. Maya maya ay naramdaman din niyang kusa nang lumabas ang kanyang inunan. Pagod na pagod na siya.

"Anak ko, patawarin mo ako na binuhay pa kita!"

Pero ang lahat ng hirap ay nawala nang marinig niya ang isang napakatamis na tinig. Buhay ang anak niya! Buhay ito! Binabalot niya sa kumot ang bata, ramdam niyang malapit nang bumigay ang kanyang katawan.

CROOKS-TO-GO Book 2Antonio: The Deceitful CrookWhere stories live. Discover now