CHAPTER ONE

19.2K 244 5
                                    


Isang malaking pagkakamali ang pakikipagmabutihan niya kay Nick.

I don't have to answer it. I don't have to talk to him. I don't owe him a thing, not a damn thing.

Subalit patuloy sa pagtunog ang telepono. Nahigit ni Janelle ang hininga sabay ang piping panalangin na sana'y magsawa na ang nasa kabilang linya. Hindi na niya matagalan ang tila nang-uuyam na tunog ng aparato.

Siguro naman ay iisipin niya na wala ako rito... sa loob-loob niya habang palakad-lakad sa madilim na salas.

Sandaling hihinto, ngunit muli na namang tutunog ang telepono. Panay ang sulyap niya sa wall clock, pasado alas-onse na ng gabi. Tahimik na rin sa labas, pero patuloy sa pag-iingay ang telepono.

Hanggang sa hindi na iyon matagalan ni Janelle. Padabog niyang dinampot ang receiver. Alam niyang mali ang gagawin, pero hindi na niya napigil ang sarili.

"Hello!" may igting na bulyaw niya.

"I miss you..." bulong ng nasa kabilang linya. Katulad ng mga nauna, tila nagkakabuhol-buhol ang paghinga ng tumatawag.

"All right, Nick, stop pestering me! Please, huwag ka nang tatawag dito," nagsusumamong sabi niya.

"No. Hindi mo ako mapipigilan. Hindi ko kayang mawala ka sa akin. It's been hell without you."

Ang mga salitang iyon ay sapat na para magpasiklab sa galit ni Janelle. Talagang makulit ang lalaki. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na kalimutan mo na ako! Marami namang babae, huwag ako, Nick!"

"Ikaw ang gusto ko," giit nito.

Nagpakawala si Janelle ng sarkastikong tawa. "Kapag hindi ka pa tumigil sa panggugulo mo sa akin, ako na mismo ang magsusumbong sa asawa mo!"

Narinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga ni Nick. "Sige, gawin mo." Tila nakakaloko ang tono ng pananalita nito. "Mabuti nga ang ganoon para matapos na kami ni Loren. At least, tuluyan na akong makakalaya sa kanya. May rason na ako ngayon para tuluyang maghiwalay ang landas namin ng asawa ko."

Natigilan si Janelle. Hindi niya akalain na ikasisiya pa iyon ni Nick. Talaga nga palang kahit ano'ng gawin niya ay hindi niya basta-basta maiiwasan ang lalaki.

"Believe me, sweetheart, ikaw ang gusto kong makasama."

Maikama, pagtatama niya sa sinabi nito, ngunit sa isip lang niya nasabi.

Humugot siya ng malalim na hininga. "Look, Nick, isang malaking pagkakamali ang—"

"Ang pakikipagrelasyon sa akin," putol nito sa sinasabi niya. "Hah! Ayaw mo lang akong bigyan ng chance na patunayan sa 'yo kung gaano kita kamahal. Hindi pa ba malinaw ang ginagawa kong ito? Ikaw ang pinipili ko, hindi sila."

"May pamilya ka, Nick!" asik ni Janelle. "At hindi ko maaatim na maging dahilan ako ng pagkawasak ng pamilya mo. Isang malaking pagkakamali na napasok ako sa kompanya mo at nakilala kita."

"Please, sweetheart, alam kong mahal mo ako." Biglang nagbago ang tono nito, naging masuyo. "Hindi mo lang matanggap ang sitwasyon ko. Maniwala ka sa akin, totoong hiwalay na kami ni Loren. At kaya lang naman siya narito sa Pilipinas ay para ayusin ang ari-arian ng kanyang mga magulang."

Hindi naniniwala si Janelle sa mga sinabi nito. Kahit ano pa ang sabihin ni Nick ay alam na niya ang magiging katayuan niya sakaling magpatuloy sila. Pumait ang panlasa niya nang maalala ang mahigit limang buwan nilang relasyon ng lalaki.

Si Nick Santos ay ang may-ari ng pabrikang pinapasukan niya kung saan ay bago pa lamang siyang namamasukan bilang accountant. Naging magiliw ito sa kanya at kalaunan ay nahulog ang loob niya rito.

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon