CHAPTER TWO

8.5K 139 6
                                    


Napapitlag si Janelle nang tamaan siya sa paa ng humagis na maliit na kahoy. Noon lang siya natauhan at awtomatikong naalala ang kasalukuyang sitwasyon. Hindi na niya pinagkaabalahang alamin kung sino ang naghagis ng kahoy at nagpasyang umuwi na.

Siguro naman sa tagal kong nakaupo rito ay nakaalis na rin si Nick.

Naglakad siya pauwi. Pero laking dismaya niya dahil malayo pa lang ay natatanaw na niya ang asul na kotseng pag-aari ni Nick. Gustuhin man niyang umurong at muling magbalik sa pinanggalingan ay nakadama na siya ng kakaibang pagkahapo.

Once and for all, haharapin niya si Nick. At kapag natiyak niya rito na hindi talaga ito hihinto sa panggugulo sa kanya, wala nang ibang paraan kundi ang lisanin ang inuupahang bahay. Kailangan niyang mangibang-lugar, doon sa hindi na siya masusundan ni Nick.

Mabilis ang mga hakbang ni Janelle para marating ang bahay. At ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang mapunang hindi naka-lock ang pinto.

Paanong nangyaring nabuksan? Natatandaan ko, ini-lock ko kanina ito bago ako umalis. Ibig sabihin, nakapasok si Nick sa loob? At malamang na nasa loob pa siya...

Wala siyang natatandaan na binigyan niya ito ng duplicate key ng kanyang bahay. Gusto niyang isipin na pinuntahan ni Nick ang bahay ni Mrs. Pascual na ilang bloke lang ang layo at humiram dito ng susi.

Gayunpaman ay hindi na siya nagtaka, madali para kay Nick ang gumawa ng paraan.

Mabilis ang tibok ng dibdib ni Janelle nang humakbang papasok sa loob. Ganoon pa rin ang ayos ng sala nang iwan niya.

"Nick!" malakas na tawag niya rito.

Tinungo niya ang kanugnog na kusina, pero wala roon ang lalaki. Maingat niyang binuksan ang banyo nang marinig ang lagasgas ng tubig mula sa nakabukas na shower. Pero walang tao roon.

Lihim na nagpupuyos ang dibdib ni Janelle. Talagang hindi siya titigilan ni Nick. Nababaliw na nga yata ito sa paghahangad na muli silang magkabalikan.

Naniningkit ang mga matang tinungo niya ang silid. Tinatagan niya ang sarili at tiniyak na hinding-hindi mangyayari ang kagustuhan nito.

Mamamatay muna ako bago mo magawa ang gusto mo sa akin! Para na niyang nai-imagine ang anyo ni Nick. Naghihintay ito sa kanyang pagpasok sa loob ng silid. Maaaring gamitan na siya ng puwersa mapapayag lang siya sa kagustuhan nito.

"Wala kang karapatang pumasok sa pamamahay ko, Nick! Kapag hindi ka pa lumabas diyan, tatawag na ako ng pulis. I mean it! Ipapupulis kita!

"Trespassing na itong ginawa mo! Hindi por que, kakilala mo si Mrs. Pascual ay maaari ka nang maglabas-masok sa pamamahay ko!" mariin niyang sabi sa harapan ng nakapinid na pinto. Tiyak niyang dinig nito ang kanyang mga sinabi.

Subalit nanatiling tahimik ang buong paligid.

"Ano ba? Lalabas ka ba riyan o gusto mo pang tumawag ako ng pulis!" patuloy niya sa tonong nagbabanta. "Lumabas ka na, Nick! Nagsasayang ka lang ng panahon. Hinding-hindi magbabago ang isip ko!"

Nanatiling walang sumasagot. Inaasahan niyang may maririnig na pagkilos sa loob ng silid. Bahagya pa niyang idinikit ang kanyang tainga sa pinto.

"Talagang sinusubok ako ng lalaking ito! Teka nga..." Mabilis siyang tumalikod at tinungo ang likuran ng sofa. Mula roon ay inilabas niya ang dos por dos na kahoy na mahaba.

Hawak ni Janelle ang kahoy nang magbalik sa harap ng silid.

"Lumabas ka na, Nick! Utang-na-loob, irespeto mo naman ang privacy ko." Nakadama siya ng pandidiri nang maisip na baka nakapuwesto na sa kanyang kama ang lalaki.

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Where stories live. Discover now