CHAPTER EIGHT

8.3K 151 1
                                    

Masusing pinag-aaralan ni Jebu ang santambak na mga papeles na ibinigay kanina ng sekretaryang si Mildred.

Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang matiyak ang isinasaad ng mga papeles at dokumento na nalulugi nang ilang milyon ang pabrika ni Nick. Hindi man siya ganoon kaeksperto sa nababasang termino at transaksiyon ay talagang kakailanganin niya ang tulong ng isang higit na nakakaalam sa mga ganoong bagay.

Ipinatawag niya ang internal auditor at hiningan niya ito ng updated na financial report sa lalong madaling-panahon. Gusto niyang ganap na mapag-aralan ang financial status ng pabrika.

Inihinto na ni Jebu ang pagbabasa sa mga papeles. Lumapit siya sa glass panel na nagsisilbing one-way mirror at mula roon ay kitang-kita niya ang mga empleyadong abala sa kani-kanilang mga gawain.

Biglang sumaisip niya ang tungkol kay Janelle. Lihim niyang kinutya ang sarili sa kapangahasang nagawa rito. Ewan ba niya kung ano na lang ang pumasok sa isip niya at nagawa niyang halikan ang dalaga.

Lalo tuloy nagalit sa kanya si Janelle. Mas lalo itong iiwas sa kanya sa nangyari. Gayunpaman, mas naging determinado siyang subaybayan ito, at all cost!

Alin kaya sa mga mesa ang inookupa niya? sa loob-loob niya. Matalino si Nick dahil naisip niya ang ganitong disenyo ng kanyang opisina. Lihim nga naman niyang napag-aaralan ang kilos ng bawat isa. At madali na lang para sa kanya ang makuha ang kalooban ng sinumang matitipuhan niya—katulad ni Janelle!

May naramdaman si Jebu na pagtutol sa kalooban nang sumagi sa isip niya kung paano nagsimula at nagkaroon ng kaugnayan ang dalawa.

Tinalikuran niya ang tanawing iyon at muling nagbalik sa mesa. Nang makaupo sa swivel chair ay nahagip ng mga mata niya ang locker na nasa isang sulok. Mahihinuhang fireproof iyon.

Nangapa siya sa bulsa ng suot na maong na pantalon. Mabuti na lang at nadala niya ang bungkos ng susing nakuha niya sa condo unit ni Nick.

Sinubukan niyang ipambukas ang mga susi sa locker. Hindi nagtagal ay nabuksan iyon. Tumambad sa paningin niya ang ilang pirasong underwear ng babae at ilang skimpy briefs. Naroon din ang ilang tube ng lubricating gel.

Naging palaisipan sa kanya ang mga bagay na nakita. May nakuha pa siyang larawan ng isang babae, at halatang stolen shot iyon.

Titig na titig si Jebu sa larawan. Inaamin niyang isa itong perpektong larawan ng kaakit-akit na babae, ngunit nagtataglay ng inosenteng mga mata. Hindi na siya nagtataka kung bakit nabaliw si Nick dito. Sa ilang pagkakataon na nakaharap niya si Janelle Soliva, naramdaman niya ang malakas na panghaya ng personalidad nito.

Isinilid niya sa isang plastic bag ang lahat ng laman ng locker. Malakas ang kutob niyang makatutulong sa kanya ang mga iyon.

Pagkaraan ng ilang sandali ng pagpaplano ay ipinasya niyang ipatawag isa-isa ang mga empleyado, iyon lamang may direktang access kay Nick.

Hanggang sa lumipas ang oras sa pakikipag-usap niya sa mga ito.


MALALIM na ang gabi nang makauwi sa San Juan si Jebu.

Nakailang busina na siya, pero wala pa ring nagbubukas ng gate. Pinagtakhan niya na wala yata ang hardinerong si Tata Domeng.

Napilitan siyang akyatin ang mataas na bakod para mabuksan ang gate.

Nang maigarahe ang sasakyan ay kapansin-pansin ang kadiliman sa loob ng kabahayan. Maski ang mga ilaw sa labas ng bakuran at gate ay hindi pa nasisindihan, palatandaang walang katao-tao sa loob ng malaking bahay.

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Where stories live. Discover now