CHAPTER SEVEN

7.6K 149 6
                                    

Mula sa kinatatayuan ay nakita ni Jebu ang paglabas ni Janelle buhat sa gate na lampas-tao ang taas.

Pasado alas-dos ng hapon iyon kaya walang gaanong tao sa kalsada. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nagpapakahirap siyang subaybayan ang kilos ng dalaga. Siya man sa sarili ay hindi mabigyang paliwanag kung bakit siya nagkakaganoon.

Napag-aralan ni Jebu na mabagal lang ang paglalakad ni Janelle. Wari'y may malalim na iniisip.

Naagaw ang atensiyon niya nang sa paglingon ay mamataan ang paparating na isang itim na sasakyan. May kung anong bumundol sa kalooban niya nang makita iyon. At kung hindi siya nagkakamali ay sa direksiyon ni Janelle ang tinutumbok ng sasakyan.

Mabilis na gumana ang utak niya. Tila computer na kinalkula niya ang distansiyang tatakbuhin patungo sa wala pa ring kamalay-malay na si Janelle.

"Look out!" sigaw ni Jebu para balaan si Janelle dahil masama na talaga ang kutob niya sa kotseng paparating.

Nang mga oras na iyon ay tila nasa trance ang dalaga dahil patuloy lang ito sa paglalakad. Tila hindi naririnig ang ugong ng sasakyan sa likuran.

"Hey!" Kasabay niyon ay wala siyang inaksayang sandali.

Tinalo pa ni Jebu si "One-Million-Dollar Man" nang mabilis niyang tinakbo ang kinaroroonan ng dalaga at kagyat itong dinaklot sa katawan.

Gahibla na lamang ang pagitan ng sasakyan sa katawan ni Janelle. In the nick of time ay nagawa niyang hilahin ito para mailigtas sa tiyak na kamatayan.

Kapwa sila bumagsak sa sidewalk, pero hindi pa rin niya binibitiwan si Janelle.

Pilit pa ring tinanaw ni Jebu ang papalayong itim na sasakyan. Sa bilis ng mga pangyayari ay hindi na niya nakuha ang plate number niyon.


GANAP nang nahimasmasan si Janelle. Nagtama ang mga mata nila ni Jebu.

Pagkalito at takot ang mababakas sa mga mata niya, bagaman malinaw naman sa isip niya ang katatapos na pangyayari. Of all people, hindi niya inaasahan na si Jebu pa ang magliligtas sa kanya. Kaya naman hindi niya alam kung ano ang sasabihin nang mga oras na iyon.

Hindi niya alam kung gaano na sila katagal sa pagkakabulagtang iyon sa sidewalk habang yakap siya ni Jebu. Ito ang nasa ilalim at nasa ibabaw siya. Ramdam na ramdam niya ang pagdidikit ng kanilang mga katawan. Mainit na mainit ang hininga nitong pumapaso sa kanyang mga pisngi.

Umangat ang isang kamay ni Jebu, tila hahawiin ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa mga mata niya.

"Huwag!" mabilis niyang sansala sabay iwas ng mukha niya. Kumawala siya mula sa pagkakadagan nito.

"Lie still," maawtoridad nitong sambit. "Gusto ko lang makatiyak na walang napinsala sa 'yo."

Kumunot ang noo ni Janelle sa sinabing iyon ni Jebu. Ito pa ngayon ang nag-aalala gayong sa tingin niya ay ito yata ang napasama ang bagsak sa semento.

"I-I'm fine..." aniya sa garalgal na tinig.

"Are you sure?" Naniniyak ang mga mata nitong titig na titig sa kanya.

"L-let me go..." Sinikap niyang makakawala mula sa lalaki. Palagay niya'y hindi pa rin bumabalik sa normal ang tibok ng puso niya. Hanggang nasa paligid ito ay hindi siya mapapanatag.

Nauna pang bumangon si Jebu at nagpalinga-linga sa paligid. Nasa anyo ang paniniyak na wala nang panganib na darating.

Hindi na nga muling nagbalik ang itim na kotse. Pagkaraan ng ilang segundo ay saka lang nito inilahad ang kamay para alalayan siya na papatayo pa lang.

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Where stories live. Discover now