CHAPTER FIVE

7.4K 150 6
                                    


Buong tatag na sinuyod ng mga mata ni Janelle ang lahat ng mga taong naroroon sa courtroom kahit pa may naramdaman siyang pamamanhid sa kanyang mga hita at paa.

Alam naman niya kung bakit maraming tao sa paligid. Iyon ay para masaksihan kung gaano kahusay ang kanyang performance sa paglilitis na iyon. Alam din niyang kalahati sa mga ito ay pumunta roon para tiyakin na mahahatulan siya, ang kalahati naman ay para lang manood.

Humantong ang mga mata niya sa mga pamilyar na anyo. Ang ilan sa mga ito ay matataas na opisyal sa pabrikang pag-aari ni Nick.

Pumait ang panlasa niya nang mahagip ng mga mata ang isang reporter na nakikipagsiksikan para lang makalapit sa unahan. Hindi naman kataka-taka ang ganoon. Alam na niyang sa unang araw pa lang ay laman na ng mga pahayagan ang kasong kinasasangkutan niya. Kung magpapatuloy sa pagpipiyesta ang media sa kaso niya ay hindi na yata niya kakayanin ang ganoon. Hindi niya ma-imagine ang sariling sangkot sa isang controversial case!

Napilitan si Janelle na alisin ang tingin sa panig na iyon ng courtroom at dumako sa isang may-edad na lalaki—si Mang Tony, ang kapitbahay niyang binata pa rin sa edad na singkuwenta y uno.

Madalas magbiro sa kanya ang naturang lalaki. Nagbibigay ito sa kanya ng isang pulang rosas tuwing umaga at itinataon na papasok na siya sa opisina.

Napilit naman niya ang sariling ngumiti kay Mang Tony na walang dudang nagpunta roon para lang suportahan siya. Katabi nito sa upuan sina Mrs. Pascual at ang kanyang Tiya Aura.

Hindi sinasadyang napadako ang tingin niya sa isang prominenteng anyo—kay Jebu. Dagling nabura ang ngiti sa mga labi niya nang makatitigan ito.

Of all the faces in the room, his was the one that made her feel more like a criminal. Mababasa sa abuhing mga mata ni Jebu na para dito ay tapos na siyang hatulan. Kumbaga, sentensiyado na siya.

Inalis niya ang mga mata kay Jebu at wala sa loob na napatingin sa babaeng katabi nito, kay Loren na sa kasuotang itim na itim ay lumutang ang pagiging mestisahin. May talim sa mga mata ng biyuda nang mahuli ang kanyang mga mata.

Maingay sa loob ng kuwadradong silid na iyon.

"Ano ho ang gagawin ko, Attorney?" May takot sa dibdib na nagtanong siya sa katabing abogado pero mahina lang ang kanyang boses.

"Just let me do the talking. You sit here and look innocent," tugon ng abogado.

"I am innocent," may igting na saad ni Janelle.

Subalit walang reaksiyon mula sa abogado niya.

"All rise for His Honor Ronald Clemente," anunsiyo ng isang may-edad na court clerk nang mula sa isang pinto ay lumabas ang huwes. Mataba itong lalaki, nakakalbo at makapal ang salamin sa mga mata.

"The court is now in session."

Nagsimula ang pagdinig sa kaso.

Sinunod ni Janelle ang utos sa kanya ng abogado niya. Sa loob ng mahigit tatlumpung minuto ay pinakinggan niya ang pagpapalitan ng mga salita ng dalawang panig.

Hiniling ng abogado ni Janelle ang pagdi-dismiss sa kaso dahil walang mabigat na ebidensiyang magtuturo na siya nga ang salarin.

Ngunit sa panlulumo niya ay nawalang-saysay ang inihain ng kanyang abogado. Magpapatuloy ang pagdinig sa kaso sa mga darating na araw. Doon na papasok ang mga ebidensiyang nakalap sa pinangyarihan ng krimen katulad na lamang ng kitchen knife, at maging ang testimonya ng mga testigo na ihahain ng magkabilang panig.

Nagsisikip ang dibdib niyang nilisan ang naturang lugar kasama ang kanyang Tiya Aura at ilang nagmamalasakit na kapitbahay.


Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Where stories live. Discover now