CHAPTER SIX

7.4K 155 4
                                    


Kulang na lang ay literal na magdugo ang sentido ni Janelle sa matinding pag-iisip. Pilit niyang binabalikan sa alaala ang mga naging pag-uusap nila ni Nick.

Hindi por que wala na siya sa kulungan ay ganap na siyang malaya. Hangga't hindi nadi-dismiss ang kasong nakasampa laban sa kanya ay hindi siya mapapanatag. Gusto niyang malinis ang kanyang pangalan sa lalong madaling-panahon.

Hindi biro ang kahihiyang inabot niya ngayon. The mere fact na natagpuang patay sa kanyang silid si Nick na ni walang anumang saplot sa katawan, pakiramdam niya'y gumuho ang lahat sa kanya. Ang tanging konsolasyon na nga lang niya ay alam niya sa sarili na pawang walang katotohanan ang akusasyon sa kanya.

Kaya naman kailangan niyang kumilos at mag-isip ng paraan.

Ang galing ng taong 'yon dahil nagawa niyang maging malinis ang krimen. At minalas na ako ang sumalo sa kanyang kawalanghiyaan! Kung sino ka man, hindi ako papayag na mangyari ang iniisip mo! Sige, magtawa ka ngayon. Hindi sa lahat ng panahon ay umaayon sa 'yo ang kapalaran! hiyaw ng isip niya.

Inisa-isa niya ang mga taong may kaugnayan kay Nick na posibleng may kagagawan ng krimen.

Tiyak kong kilala siya ni Nick at maaaring kasama niya nang gabing iyon na pumasok sa bahay ko. Kilala niya ako...

Hindi kaya ang asawa ni Nick? Pero gaano ba ang lakas ng isang babae kumpara sa lakas ng isang lalaki? At ang bagay ring iyon ang isa sa mga depensang inihain ng kanyang abogado sa korte. Dahil lumabas sa imbestigasyon na mayroong pagtutunggali sa pagitan ng biktima at ng salarin.

At hindi makakaya ni Janelle ang ganoong pakikipaghamok sa isang malaking lalaki na tulad ni Nick.

Pinaglaro niya sa isip ang partikular na senaryo base sa imbestigasyon ng awtoridad.

Nagawa pang mag-shower ni Nick, at nang matapos ay tinungo ang kanyang silid at doon ay naghubad. Hinintay nito ang pagdating niya hanggang sa maidlip. Naramdaman nito ang pagbubukas ng pinto at nang magdilat ng mga mata ay nasa harapan na ang isang tao na may hawak na patalim.

Nagawa pa ring agapan ni Nick ang patalim na hindi agad tumarak sa dibdib nito. Napahawak ito sa mismong talim at...

Naipilig ni Janelle ang kanyang ulo. Nais na niyang burahin sa isip ang lumitaw na masamang eksena sa isip.

May kinalaman kaya ang asawa ni Nick? Pero siya na rin ang tumiyak na hindi iyon magagawa ng babae. Sapat na bang dahilan na nalaman nito na may kinalolokohang babae ang kanyang asawa para patayin o ipapatay?

Hindi naman siguro... sa loob-loob ni Janelle.

Kung ganoon, sino kaya sa mga empleyado ni Nick ang may lihim na matinding galit sa lalaki? Mayamaya ay parang may nasindihang ilaw sa loob ng isip ni Janelle nang maalala ang isang pangyayari.

Nag-overtime siya noon. Inakala niyang wala na si Nick sa pribadong silid nito dahil nakita niya itong umalis nang mag-alas-singko ng hapon.

Bumalik siya sa kanilang opisina dahil naiwan niya ang kanyang wallet sa loob ng drawer ng mesa niya.

Nang nasa pasilyo na siya ay nakasalubong niya ang isang lalaking humahangos. Mababanaag sa mukha nito ang matinding galit. Ang naturang lalaki ay natatandaan niyang taga-production department. Kung hindi siya nagkakamali ay galing ito sa pribadong silid ni Nick.

Nagtuloy-tuloy lang ang lalaki na parang hindi siya nakita.

Walang ingay na nakapasok sa loob ng opisina si Janelle at mabilis na kinuha ang kanyang wallet. Pero bago tuluyang lisanin ang lugar ay may nag-udyok sa kanyang lumapit sa nakapinid na pinto ng tanggapan ni Nick.

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon