Nurturing Love

12.4K 246 6
                                    


CHAPTER THREE

MULING humiwa si Iris ng isang slice ng buko pie. Pinili niya ang slice na puno ng buko at keso sa ibabaw at iyon ang ibinigay kay Rich. Naroon siya sa bakuran ng mga dela Cuesta. Dinalhan niya ng hipong Palakpakin si Rich. Paraan lang niya iyon upang magkaroon ng dahilan na mangapitbahay.
Maaga pa kanina ay narinig na niya sa mga dela Cuesta ang tunog ng grand piano na parang itinotono. At bago mag-alas-nuwebe ay nakita niyang may isang nasa edad lampas-kuwarentang lalaki ang lumabas ng bakuran ng mga ito. Technician marahil. Pagkaalis ng matandang lalaki ay pumailanlang na ang ilang magagandang piyesa sa piano. Gusto niyang alamin kung sino ang tumutugtog.
Si Rich pala ang tumutugtog ng piano. Nagkataon namang may iniuwing buko pie si Tito Crisanto at ang iba ay inihain sa kanila.
"Paano mo pala nakumbinsi ang mama mo na huwag kang isama pauwi sa inyo?" tanong ni Rich.
"Nagpatulong ako kay Lola. Kasi naman, wala pa nga akong one month na nagbabakasyon dito, gusto na agad ni Mama na pauwiin ako."
"Bata ka pa kasi kaya ganoon na lang kung mag-alala sa iyo ang mama mo."
Napanguso si Iris. Hindi siya naapektuhan dati kapag may nagsasabing bata pa siya. Pero affected na siya ngayon. Lalo na kung si Rich ang nagsasabi. Parang naipamumukha sa kanya kung gaano kalaki ang age gap nilang dalawa.
Tumawa si Rich.
"Bakit mo ako tinatawanan?"
"Kasi ganyang-ganyan din si Geah, 'yong kinakapatid ko sa amin na nabanggit ko na dati. Matanda lang iyon nang dalawang taon sa iyo. May pagkamakulit. Nakakaaliw kausap. Masarap ding kulitin."
Nainggit si Iris sa Geah na sinasabi ni Rich. Gaya noong una, halata na naman ngayon ang fondness sa ekspresyon ng binata nang banggitin ang babae.
Pagkatapos nilang kumain ay muling hinarap ni Rich ang pagtugtog ng piano. Naupo si Iris sa kabilang panig ng mahabang piano stool habang pinanonood ang binata. Napakahusay tumugtog ni Rich. Parang damang-dama nito ang bawat tunog na likhain ng teklado. Humahaplos sa kanyang puso ang lamyos ng tugtog. Pumupukaw ng mga emosyon. Parang dumoble pa yata ang laki ng pagka-crush niya sa binata dahil doon. Lulong ito sa ginagawa at kumbinsido si Iris na nakalimutan na nitong naroon lang siya.
"Kuya Rich, anong piyesa ba ang tinugtog mo?" tanong niya nang matapos ang huling nota. "Ngayon ko lang kasi narinig. Bago lang ba 'yan?"
Sumulyap ito sa kanya, bakas ang saya at pagmamalaki sa mukha. "Hindi ko pa alam ang title nito. Kagagawa ko pa lang."
Namilog ang kanyang mga mata. "Marunong ka palang mag-compose ng kanta?"
"Medyo sumusubok."
"Wow! Subok pa lang 'yon, eh, ang ganda-ganda na?"
Lumapad ang pagkakangiti nito. "Dalawa lang yata kayo ni Tito Cris na nag-a-appreciate ng tugtog ko."
"Bakit naman? Ang parents mo? Ang girlfriend mo?" Idinagdag lang ni Iris ang huling tanong para malaman kung may karibal siya kay Rich. Hula niya ay mayroon kahit umaasa siya na wala sana.
"Mas gusto ng parents ko na maging engineer ako kagaya ni Daddy. Alam ko naman, noong bata pa ako gusto nila ang pagtugtog ko. Pero nang mag-college na ako, kahit maliit na encouragement tungkol sa pagtugtog ko at paggawa ng kanta wala na akong narinig sa kanila."
"Ah, siguro nakikita nila na mas gusto mong tumugtog at mag-compose kaysa maging isang engineer."
"Pero nangako naman ako sa kanila na magiging engineer ako. Naka-graduate na nga ako. Pag-uwi ko sa amin, sisimulan ko na ang review para sa board exam. Hindi ako sisira sa pangako ko sa kanila."
Pinagmasdan ni Iris ang binata. "Magiging masaya ka ba kung magiging engineer ka at kakalimutan mo na ang pagko-compose ng kanta at pagtugtog?"
Hindi kaagad nakasagot si Rich. Sa halip, iniba nito ang usapan. "Alam mo ba 'yong mga kaibigan kong galing dito, magagaling din silang tumugtog at kumanta. 'Yong iba nagko-compose din ng kanta."
Hindi gaanong nabistahan ni Iris ang mga kaibigan ni Rich nang dumalaw sa San Pablo. She was busy sulking. Pakiramdam niya noon ay inagaw ng tatlong lalaki sa kanya ang panahon ni Rich.
Napaisip siya. Hindi naman siya dating ganoon sa isang kaibigan. O nasanay lang ba siya kay Mikay at sa maliit na circle of friends niya dahil walang tumiwalag o lumayo isa man sa mga ito? Nagiging kagaya na yata siya ng kanyang mama. Gusto rin niyang ipagdamot si Rich kung paanong ipinagdaramot siya ng ina sa iba. "Obvious na naa-appreciate ng friends mo ang pagko-compose mo ng kanta at pagtugtog ng piano. Iisa ang interest ninyo, eh. Pero ano naman ang sabi ng girlfriend mo?"
Ngumisi si Rich, dahilan para kabahan si Iris. Siya ang obvious. Fishing for information siya. Halata nga pala kasi inulit pa niya ang tanong. "Wala."
"Wala?" ulit niya, nadidismaya. He was teasing her. Nag-init tuloy ang kanyang mukha.
"Wala pa akong girlfriend. Hindi pa puwede. Napakabata pa niya para ligawan."
Lalong nag-init ang mukha ni Iris. Parang hindi siya makahinga. Pinag-iisipan ni Rich na ligawan siya! Hallelujah!
HUMAKBANG si Iris sa concrete footbridge na nag-uugnay sa magkabilang pampang na nalililiman ng malalabay na dahon ng naglalakihang puno. Lumulusot ang pang-umagang araw sa pagitan ng mga dahon, lumilikha ng magagandang pattern sa kinaroroonan niya at maging sa malinaw na creek sa ibaba. Dumukwang siya para pagmasdan ang matitingkad na kulay-rosas ng mga lotus flower.
Napakaganda ng paligid. Nagliliparan sa ibabaw ng creek ang makukulay na paruparo at tutubi. May masayang tugtog ng wind instrument na hindi niya alam kung saan nagmumula, na nagpatingkad pa sa kagandahan ng kalikasan sa lugar na iyon.
Lalong gumanda ang kinaroroonan ni Iris sa paglitaw ni Rich sa kabilang panig ng footbridge. Bagay na bagay ang kaguwapuhan nito sa kaaya-ayang kapaligiran. Sumagap si Iris ng sariwang hangin dahil biglang parang hindi siya makahinga. Nahihirinan siya sa pag-apaw ng tuwa sa kanyang dibdib.
"Mahal!" tawag ni Rich na iniabot pa ang isang kamay sa kanya. Puno ng pananabik ang mga mata nito. Parang ang binata man ay hindi makapaghintay na makasama siya. Pero kahit na anong pagsisikap niyang bilisan ang paghakbang, napakabagal pa rin ng kanyang paglakad.
Lalong nadagdagan ang pananabik ni Iris. Ganoon na lang ang pagsisikap niyang bilisan ang paglakad. Sa huli ay tinakbo na niya si Rich. Ngunit hindi pa siya nakakarating sa kalagitnaan ng tulay nang biglang may isang babaeng nag-overtake sa kanya. Mabilis na nakalapit kay Rich ang babae.
Nagyakap ang dalawa. Sinapo ng mga kamay ni Rich sa baywang ang babae at iniangat bago nasisiyahang inikot-ikot pa.
Naudlot ang paglapit ni Iris. Para siyang dinagukan ng isang toneladang bigat na punching bag sa nakita. Nag-init kaagad ang sulok ng kanyang mga mata. Nag-unahan sa pagpatak ang mga luha sa kanyang pisngi. Ibang babae ang mahal ni Rich!
"Iris!"
Lumingon siya. Naroon sa puno ng tulay ang papa at mama niya, kinakawayan siyang bumalik na.
Hindi siya papayag. Ipaglalaban niya ang pag-ibig kay Rich! Ngunit pagtingin niya sa gitna ng tulay ay wala na roon ang dalawa. Napasigaw siya. Nakadama siya ng pakiramdam na parang naulila. "Rich! Rich, nasaan ka na?! Riiiiich!"
"Iris! Iris, gising!"
Biglang napabangon si Iris sa pagyugyog sa braso niya. Si Tita Olivia pala ang yumuyugyog sa kanya.
"Nananaginip ka." Naupo ito sa gilid ng kama at pinahiran ng kumot ang kanyang basang pisngi. "Tinatawag mo si Rich," napapangiting sabi nito habang pinagmamasdan siya.
Napahugot siya ng hininga. Mabuti na lang at nananaginip lang pala siya. Pero damang-dama pa rin niya ang sakit. Parang pinipiga ang kanyang puso. Tila may nakaharang na malaking bagay sa kanyang lalamunan na nagpapahirap sa paghinga niya at sa kakayahang magsalita.
Nawala ang ngiti ni Tita Olivia nang hawakan ang kanyang kamay. "Nanginginig ka." Kinuha nito ang isang baso sa nightstand at sinalinan ng tubig mula sa pitsel na naroon. Isang lagok lang ang nainom ni Iris at inilapag na ang baso. Niyakap siya ni Tita Olivia at hinagod ang likod.
Unti-unting nakalma si Iris. Yumakap din siya sa tiyahin. Yumakap siya rito nang mahigpit. Ngayon lang niya natanto na ganoon pala ang kanyang magiging reaksiyon kung malalaman niyang may ibang babaeng gusto si Rich.
"Okay ka na ba?"
Tumango siya.
"Nakakatakot ba talaga ang napanaginipan mo?"
Tumango lang uli si Iris.
Kumalas na sa kanya si Tita Olivia. "Kalimutan mo na 'yon. Kabaligtaran ang kahulugan ng mga panaginip."
Totoo nga ba ang sinabi nito? Pero bakit sabi ni Mikay sa kanya dati, ayon daw sa turo ng pastor ng kaibigan, kung minsan daw, pahiwatig ang panaginip ng mga mangyayari sa hinaharap?
"Matulog ka pa. Maaga pa. Mag-aalas-kuwatro pa lang ng madaling-araw." Iniwan na si Iris ni Tita Olivia, kinabig pasara ang pinto.
Hindi niya magawang bumalik uli sa pagtulog. Ngayong nakalma na siya mula sa naging panaginip ay nai-imagine uli niya ang nakangiting mukha ni Rich. Ganoon siya tuwing gumigising nang umaga. Hindi niya maiwasang mag-daydream. Na kunwari ay lalapitan siya ni Rich, hahawakan ang kanyang kamay, pagsusumpingin ang mga daliri nila, at dadalhin ng binata ang magkahugpong nilang mga kamay sa dibdib nito bago siya tititigan nang buong suyo. Nang buong pagmamahal. Hindi sumasala na magdala ng ngiti sa kanyang mga labi ang tagpong iyon. Napapagdaop pa niya ang mga kamay sa labis na kilig sabay dasal ng: "Lord, sige na po, o. Lagyan N'yo naman po ng love ang puso ni Rich para sa akin. Please, Lord God? Sana po makaramdam din siya ng something sa akin. Ako na lang po ang mahalin niya, please?"
Sa gabi, laging naiisip ni Iris ang eksenang nakaunan siya sa dibdib ni Rich o dinadampian nito ng halik ang kanyang noo. Nagkukuwento si Rich ng mga nangyari sa buong maghapon. Sinasabi sa kanya ang mga plano nito para sa kanila. Nagkukulitan sila at nagbibiruan. At laging nagtatapos ang eksenang iyon sa pagsasabi nito sa kanya ng: "Goodnight, my princess... Sleep tight. I will never let you go... I love you."

NAGING mas makulay ang mga sumunod na araw para kay Iris. Araw-araw silang nagkikita ni Rich. Ang binata ang madalas niyang yayain kapag may gusto siyang puntahan. Pakiramdam niya ay love niya na talaga si Rich, taliwas sa sinasabi nina Lola Irenea at Tita Olivia na crush lang niya ang binata. Dahil mayroon ba namang crush lang na hindi na humihiwalay sa isip niya iyong tao sa buong panahon na gising siya sa araw-araw na ginawa ng Diyos?
"Bagong composition mo ba ang tinutugtog mo, Kuya Rich?" tanong ni Iris. Naroon sila sa Lake Mohikap, nakaupo sa nakalatag na picnic blanket. Nagdala sila ng pagkain para mag-picnic sa ilalim ng isa sa malalabay na puno roon. Dala naman ni Rich ang gitara ni Tito Crisanto. Sakay ng Strada ay idinaan sila roon kanina ni Tita Olivia bago ang tiyahin magtungo sa Poblacion.
Tumango lang si Rich, nagpatuloy sa pagtugtog. Itinatala nito sa cell phone ang nota na nalilikha mula sa gitara.
"Parang ang lungkot yata." Hindi iyon kasinsarap pakinggan ng unang komposisyon na ipinarinig nito sa kanya noong nakaraang linggo.
Parang walang narinig ang binata; lulong sa ginagawa.
Hindi na nag-usisa pa si Iris. Nauunawaan niya na hindi dapat maabala si Rich kapag gumagawa ng komposisyon. Nagkasya na lang siyang panoorin ang binata at pakinggan sa pagtugtog.
"Kapag dumating ang panahon na na-in love ka, hindi lang 'yong feelings dapat ang papakiramdaman mo," sabi ni Rich. Tanghali na noon, magkasalo silang kumakain ng mga pagkaing ipinabaon sa kanya ni Nanay Pining.
Hindi agad nakasagot si Iris. Mas rumehistro sa kanya ang lungkot na nasa mga mata ng binata nang mga sandaling iyon.
"Dapat balanse lang ang puso at isip kapag nagmahal ka. Dapat din na marunong kang makiramdam kapag hindi ka na mahal ng mahal mo."
"Sinasabi mo ba 'yan dahil..." Lumunok muna siya. "Dahil na-experience mo na?"
Hindi sumagot si Rich, tumanaw lang sa lawa. At kahit na maganda ang sikat ng araw nang mga sandaling iyon ay tila naging makulimlim ang pakiramdam ni Iris sa paligid. Nakakahawa ang lungkot ng binata. Humahatak iyon ng awa mula sa kanya, at ng pangangapa niya sa isip ng kahit na anong salita na makapagpapagaan sa kung anong dinaramdam nito. It was unfortunate that she could not find any. Kahit ang hawakan ito sa braso o tapikin sa balikat ay parang mali. Parang hindi angkop. Kaya hinayaan na lang niya sa kalungkutan nito ang lalaki.
Nasasaktan si Iris habang pinagmamasdan si Rich. Mali pala na nag-assume siya nang sabihin ng binata na hindi pa nito puwedeng ligawan iyong babae dahil bata pa. Inakala niyang siya ang tinutukoy nito. Nagbibiro lang marahil si Rich noon. Ang totoo ay ang ngayon. Hindi na kailangan ni Iris ng dagdag na taon sa kanyang edad para maintindihan na heartbroken si Rich.
At nasasaktan siya para dito.
Nasasaktan din siya para sa sarili.
May iba palang mahal si Rich. Hindi iyon ang nilalang na ang sabi nito ay bata pa kaya hindi raw nito maaaring ligawan sa ngayon. Hindi rin siya.
Nalaman niya ang tungkol doon nang mga sumunod na sandali. Marahil walang mapagsabihan ang binata kaya kahit sa isang dalagita pa lang na gaya niya ay nagbukas ito ng saloobin.
"Magkaiba kami ng department. Sa Arts siya, sa Engineering naman ako. Aaminin ko na nagkulang ako ng time sa kanya sa huling sem namin. Nagpauna na ako sa kanya noon pa lang. Sinabi ko na baka hindi na kami laging magkikita at magkakasama dahil sobrang busy na talaga ako sa studies. Okay lang naman daw sa kanya kasi magiging busy na rin siya. Constant pa rin naman ang communication namin kahit hindi kami laging magkasama. Araw-araw akong nagte-text sa kanya. Tumatawag pa ako kung minsan. Araw-araw din na sinasagot niya lahat ng messages ko at ganoon pa rin kami ka-sweet sa isa't isa. Magkasama pa kami noong graduation ko. Pero noong bago ako magbakasyon dito, hindi siya nakarating sa date namin. May sinabi siyang dahilan na tinanggap ko naman. Noong nandito na ako, bihira na siyang sumagot sa text ko. Madalas na rin na diverted sa phone sa bahay nila ang calls kapag tumatawag ako sa kanya. At kahapon... kahapon may ibinalita sa akin si Earl, 'yong isa sa friends ko na dumalaw sa akin dito sa San Pablo." Huminto ito nang ilang sandali.
Nasu-suspense na si Iris sa sasabihin ni Rich ngunit nanatili siyang nakatingin lang sa binata, ipinaparating na naroon lang siya at handang pakinggan ang mga sasabihin pa nito. Kahit na siguradong masasaktan pa rin siya sa kumpirmasyon na ibang babae talaga ang mahal ng binata.
"Nagkita raw sila ni Flerian sa isang restaurant na malapit sa university. May kasama raw itong lalaki, schoolmate din namin."
"Baka naman nagkasabay lang sila."
"Iris, naka-maternity dress daw si Flerian... Halata na ang tiyan."
Nang mga sandaling iyon ay naalala niya ang napanaginip noong isang araw. Tama nga si Tita Olivia, kabaligtaran ang mga panaginip. Hindi siya kundi si Rich ang nabigo sa pag-ibig. Pero posible kaya na kapag naghilom na ang sugatang puso ng binata ay sa kanya iyon na titibok?
Kinastigo niya ang sarili. Hindi iyon ang panahon para magpaka-selfish. Brokenhearted si Rich at ang dapat niyang inuunang isipin ay kung paano ito dadamayan at tutulungan sa pinagdaraanan.
Ngunit talagang hindi maiwasan ni Iris na umasang isang araw, sa kanya na titibok ang puso ni Rich. Sana...

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now