Singapore Proposal

11.2K 266 2
                                    

CHAPTER FIVE

PARANG isang bangungot para kay Iris ang pagpayag niya sa ama na bumiyahe sila sa Singapore. Maayos naman ang pag-alis nila. Naihanda muna niya ang mga maiiwan sa ILAW Hardware. Tapat at maaasahan ang right hand niya roon na si Kuya Junie, isang malayong kamag-anak na malapit sa kanilang pamilya. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng ama. Hindi niya inaasahan na sa halip na sa isang hotel ay sa bahay ng Intsik na si Desmond Chew sila tutuloy. Ayon sa papa niya ay anak daw si Desmond ng investor na si Benjamin Chew. Isa ang matandang Intsik sa may-ari ng Far East Bottling Company na pinaglilingkuran ng kanyang ama bilang department manager.
Wala sanang kaso sa kanya kung doon man sila tumuloy. Napakaganda ng bahay ni Desmond, mansiyon nang matatawag sa laki at rangya. Buhay prinsesa at hari silang mag-ama dahil sagana sa masasarap na pagkain at may mga tagapagsilbi roon ang Intsik. Ang hindi lang niya gusto ay ang pakikitungo ni Desmond sa kanya.
Parang manyakis ang lalaki na lagi na lang nakadikit kay Iris, inaakbayan siya at hinahawakan sa kamay na tila pag-aari siya. Kung makatingin ay parang lagi siyang hubad. Laging may pagnanasa sa mga mata ng lalaki tuwing tititigan siya. At ang mas nakakapagpaasiwa kay Iris ay ang paraan ng pakikipag-usap ni Desmond sa kanya lalo na kapag magkatabi sila sa upuan. Parang lagi itong sisibasib ng halik kung umasta. Hindi pinapansin ng lalaki kung ilang beses siyang kumakalas sa pagkakaakbay at pagkakahawak nito, maging ang laging pagbabaling niya ng mukha para lang hindi ito matuksong halikan siya. Hindi rin iniintindi ni Desmond kapag sinasabi niyang ayaw niya ng paghawak-hawak at pag-akbay nito sa kanya.
Ngunit ang mas nakakadismaya para kay Iris ay ang walang pakialam na reaksiyon doon ng kanyang ama. Lagi pa nitong sinasabi na maging mabait siya kay Desmond. Mabuti nga raw na interesado sa kanya ang lalaki. Hindi na raw sila maghihirap kapag ito ang kanyang napangasawa.
Natatakot siya na magtangka si Desmond nang higit pa sa ginagawa sa kanya. Akbay pa lang nito ay umuurong na ang kanyang mga kalamnan. Nasusulasok siya kapag halos dumidikit na ang mukha nito sa kanyang mukha kahit mabango pa ang hininga ng lalaki.
Lalong natakot si Iris nang sabihin ng papa niya kanina na hindi ito sasama sa panonood nila ni Desmond ng concert. May kung anong nagbulong sa kanya na dalhin ang passport at mga ID niya. Handa na siyang takasan si Desmond kapag kumilos ito ng hindi maganda. Kinutuban siya nang habang patungo sa Resorts World ay sinabi ng lalaki na tutuloy daw sila sa Sentosa Tanjong Beach. May beach house daw ang pamilya nito roon. Magugustuhan daw niya ang lugar, mapanghibong sabi pa nito kanina at kumindat sa kanya.
Bale-wala sa lalaki ang pagtutol niya. Tinawanan lang siya nang sabihin niyang ayaw niyang magtungo sa beach house. Nagdahilan pa siya na kakausapin nilang mag-ama sa Skype ang mama niya pag-uwi nila. Sinabi ni Desmond na hindi raw uuwi sa bahay nito ang papa niya. Malamang daw na umagahin sa casino ang kanyang ama.
Sabihin nang praning si Iris, pero hindi siya magpapaisa kay Desmond. Nang makita niyang napansin siya ni Rich sa audience habang nagtatanghal ang grupo nito ay nabuhayan siya ng pag-asa. Puwede siyang humingi ng tulong kay Rich. Kahit maraming taon na ang lumipas mula nang huli silang magkita, hindi naman siguro siya pahihindian ng binata. Kaya nang makakita siya ng tiyempo ay tinakasan niya si Desmond. 
“Drink your tea, Iris. It will calm your nerves.”
Nauntag siya sa pagtitig sa ibabaw ng umuusok na tasa ng tsa. Dinala siya ni Rich sa The Cellar, ang pribadong dining room ng Tablescape Restaurant. Mas maraming tao sa restaurant na iyon ng hotel. At may palagay si Iris na napuna ni Rich ang mailap niyang mga mata na laging lumilibot sa paligid mula nang takasan niya kanina si Desmond. Kaya marahil minabuti ng binata na dalhin siya sa mas tagong lugar para sa kanilang dinner.
Nahihiya man sa mga kagrupo ni Rich kanina—sumiksik siya sa van na naghatid sa kanila sa hotel mula sa Resorts World Sentosa—ay hindi na lang niya pinansin ang kantiyaw ng mga ito sa binata. Ngunit lahat ng mga sinabi ng grupo ay nakaimbak sa kanyang isip.
“Akalain mo, kahit tatahi-tahimik, matinik din pala sa chick itong si Rich.”
“Eherm, mawawala na ang lungkot mo ngayon, bro.”
“Siya ba ang dahilan kaya hindi mo itinuloy ang wedding?”
Hinawakan ni Iris ang tea cup at sinimsim ang mainit na tsa. Gumuhit ang init niyon sa kanyang lalamunan. Nalasahan niya ang chamomile at mint flavor ng tsa na sa kanyang pagkakaalam ay nakapagpapakalma.
Ang totoo ay hindi na siya gaanong nag-aalala. Wala man siyang bitbit na damit ay nasa bag naman ang kanyang passport, cash at credit cards. Makakauwi siya sa Pilipinas kung kinakailangan. Ang ipinag-aalala lang niya ay ang kaalaman na maimpluwensiyang tao ang mga Chew sa Singapore. Hindi niya alam kung gaano kalawak ang clout ng mga ito. Iniisip na lang niya na hindi naman siya ganoon kaganda at kainteresante para pag-aksayahan ng panahon ng isang Desmond Chew. Desmond can have his string of beautiful women all he wanted, in all forms, races and sizes.
“Ipapaalam mo ba sa papa mo na nandito ka?” tanong ni Rich.
Kung hindi lang siguro namomroblema si Iris ay kay Rich mapo-focus ang pansin niya. Habang sakay sila kanina sa van ay nagpahapyaw na siya rito kung bakit siya naroroon sa Singapore. Sa nakalipas na mga taon, humigit-kumulang limang taon mula nang huli silang magkausap, nadagdagan na ng karakter ang kaguwapuhan ni Rich. Mas tiyak na ang kilos nito ngayon, mas may confidence ang suwabeng galaw. Lalaking-lalaki. Ngunit kulang sa sigla ang maamo nitong mga mata, kulang sa kislap at buhay. Pati ang ngiti ay kalkulado. Inisip tuloy niya kung ano-ano ang mga nangyari sa nakalipas na mga taon at nagkaganoon na si Rich.
“Baka tawagan ka niya,” dagdag pa ng binata.
“Hindi ko sasabihin kung nasaan ako. Hindi ko na maintindihan si Papa. Nagtataka ako kung bakit ibinubuyo niya ako kay Desmond. Hindi man lang siya apektado kahit alam niyang ayaw na ayaw ko sa lalaking iyon.”
“Okay. Baka nga mas magandang hindi mo na lang ipaalam sa father mo kung nasaan ka. Ang iniisip ko lang naman baka mag-alala siya na hindi ka madatnan sa tinutuluyan ninyo.”
“Hahanap na lang siguro ako ng hotel na malapit kung wala nang bakante rito sa Möevenpick.”
“Gabing-gabi na. Hindi ako papayag na aalis ka pa rito nang mag-isa. Kung hindi tayo makakahanap ng bakanteng room sa hotel na ito, puwede ka sa room ko. Makiki-share na lang ako ng room sa isa sa tatlong kasama ko.”
Grateful na nginitian ni Iris si Rich. Ang sinserong mga mata lang yata ang hindi nabago sa binata. Nakampante siya. Alam niyang hindi siya nito pababayaan.
“Kumain ka. Mas makakapag-isip ka sa busog na tiyan,” sabi nito mayamaya.

NAGISING si Iris sa nagba-vibrate na cell phone malapit sa kanyang ulunan. Alas-kuwatro pa lang ng umaga, ayon sa oras na nakalagay sa cell phone. Pangalan ng mama niya ang nakarehistro sa screen.
“'Ma?” paos na sagot ni Iris. Wala pa yatang dalawang oras ang naitutulog niya.
“Nasaan ka?” bungad nito.
Nasaan nga ba siya? Inihilamos niya ang isang kamay sa mukha. Inaagiw pa ang inaantok niyang utak. Dinala nga pala siya ni Rich sa hotel room nito pagkatapos nilang mag-late night dinner. At bago siya makatulog ay may isang hotel staff na nagdala sa kanya ng isang pares na panloob, isang nightie at isang sundress na natitiyak niyang binili ni Rich sa hotel shop.
“Nandito ako sa hotel, 'Ma.”
“Hotel? Saang hotel 'yan? Kagabi pa nagpa-panic si Desmond. Bigla ka na lang daw nawala…”
Bakit kilala ng mama niya si Desmond? Bakit may numero ang lalaki sa mama niya?
Gising na gising na ang diwa ni Iris. Bigla siyang kinutuban ng hindi maganda.
“At kagabi pa rin tawag nang tawag sa akin ang papa mo. Hindi ka raw niya ma-contact.”    
Hindi nga siya mako-contact ng ama. In-off niya ang kanyang cell phone mula nang takasan niya si Desmond noong nasa Resorts World pa lang sila. Binuhay lang niya iyon nang mahiga na siya sa kama kaninang madaling-araw. At muli, naalala niyang madaling-araw pa rin ngunit binubulabog na agad siya ng ina. “I’m okay, 'Ma. Huwag na kayong mag-alala.”
“Ano ba’ng pumasok sa kukote mo at bigla mo na lang tinakasan si Desmond? Pagkatapos ng mga ginawa sa atin n’ong tao, ganyan pa ang igaganti mo?”
Naitirik ni Iris ang mga mata. Kinonsola na lang niya ang sarili na hindi pa alam ng ina kung gaanong pagkainis ang nararamdaman niya kay Desmond. Hindi nito nakita na halos lingkisin na siya ng lalaki tuwing makakatabi niya. “Hindi ko na hihintayin na ma-rape muna ako ng manyakis na iyon kaya ko siya tinakasan, 'Ma.”
Hindi agad nakaimik ang mama niya sa kabilang linya.
“At bakit ninyo siya kilala, 'Ma? Bakit ninyo sinasabi na malaki ang utang-na-loob natin sa kanya? Bakit kahit si Papa, ipinagtutulakan ako kay Desmond?”
Narinig ni Iris ang pagbubuntong-hininga ng ina. “Dahil napakalaki ang utang-na-loob natin sa ama ni Desmond na si Sir Benjamin.” Inisa-isa nito ang mga tulong na naibigay raw ng matandang Chew sa kanilang pamilya. Dito raw nanggaling ang malaking bahagi sa ipinuhunan noon sa negosyo ng mga magulang niya, na dahil sa paglobo ng inflation rate noong last two quarters ng year two thousand and eight ay nalugi matapos magsipag-withdraw ang iba pang namuhunan doon. Alam ni Iris na hindi na nakabawi pa ang kanyang mga magulang sa negosyo. Ngunit hindi niya alam na may mga naiwang utang ang mga ito, partikular kay Benjamin Chew.
Kaya ngayon ay siya ang gagawing pambayad ng mga magulang sa pagkakautang. Magpasalamat daw siya at gusto siya ni Desmond, sabi pa ng mama niya. Hindi man lang naisip ng mga ito ang kanyang damdamin.
Life was so unfair. 
Ang ipinagtataka lang ni Iris ay kung bakit nakikiayon ang kanyang mama sa gusto ng papa niya. Samantalang dati ay lagi siyang ipinagtatanggol ng ina. Dati-rati, lalo na nitong mga huling taon, kapag may gusto siya at kontra ang papa niya, tiyak na kakampihan siya ng ina. May mga pagkakataon pa nga na naiisip niya na baka kaya laging kumakampi sa kanya ang ina ay para lang kontrahin ang gusto ng papa niya.

TUMABI kay Iris si Rich sa harap ng floor-to-ceiling glass window na kinatatayuan niya. Tanaw mula roon ang malaking rebulto ng merlion na isa sa sikat na landmarks sa Singapore.
“Ayos ka lang ba?” tanong ng binata.
Tumango si Iris. Kung hindi lang sa malaking problemang kinakaharap ngayon, masarap sanang namnamin ang ganoong bibihirang pagkakataon. Na iniintindi siya ng kanyang all-time favorite crush, puppy love, secret love.
“So, ano’ng plano mo ngayon? Papayag ka ba sa gusto ng parents mo?”
Isipin pa lang na magpapakasal siya kay Desmond ay para na siyang mababaliw sa paghihirap ng loob. Tila sasabog ang kanyang puso at parang puputok ang utak sa gustong mangyari ng kanyang mga magulang.
Tinawagan siya kanina ng papa niya. Pine-pressure daw ito ni Desmond na makipagkita na siya. Gusto ng kanyang ama na pag-usapan na ang kasal nila ng Intsik.
Kanina lang din nalaman ni Iris na hindi totoong para sa kanyang mama ang isa pang airline ticket ng papa niya kundi para sa kanya talaga. Sa malas, nakaplano ang lahat. Pinlano ng papa niya at posibleng kasabwat si Desmond. Hindi niya matanggap na imamanipula ng kanyang ama ang buhay ng sariling anak.
“Hindi ako papayag,” sagot ni Iris. “Patayin na lang nila ako kaysa magpakasal ako sa Desmond Chew na 'yon.” Gustong-gusto na niyang tumawag kay Lola Irenea o kay Tita Olivia. Sa mga ito, tiyak na may kakampi siya. Kung katulad sana noong bata siya na napakasimple lang ng buhay at ang mga alalahanin ay sina Lola Irenea at Tita Olivia lang ang madalas na magresolba. Ngunit ngayon ay hindi na siya basta makapagsumbong sa kanyang lola. Mula noong isang taon ay kapansin-pansin ang paghina ng katawan nito at naospital pa noong nakaraang Bagong Taon dahil sa pneumonia. Ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang matanda.
May pumatak sa braso niyang nakahulukipkip. Lumuluha na pala siya. Pinalis niya ng palad ang mga luhang gumulong sa kanyang pisngi.
Naramdaman ni Iris na inakbayan siya ni Rich, pinisil ang kanyang punong-braso na tila siya inaalo ngunit bumitiw kaagad ito. Nanghinayang siya. Masarap sa pakiramdam ang akbay nito ngunit napakabilis naman. Ipinamulsa nito ang kamay na pumisil sa punong braso niya, ilang saglit muna ang dumaan bago ito muling nagsalita. “Kilala ni KD ang mag-amang Desmond at Benjamin Chew.”
Napatingin siya sa binata.
“They’re one of the most influential people here. They own most of the casinos around Sentosa. Pero hindi maganda ang reputasyon nila sa gobyerno, lalo na sa kasalukuyang prime minister na si Lee Hsien Loong na dati yatang nakaalitan ng pamilya Chew noong kauupo nito sa posisyon.”
“Paano mo nalaman ang tungkol dito?”
“Napagkuwentuhan namin ni KD kagabi. Doon kasi ako natulog sa room niya. Napansin din pala niya si Desmond Chew sa concert namin. Singaporean ang lolo ni KD at madalas siya rito kaya marami siyang kilalang prominent people.”
Nagbuntong-hininga si Iris. Naguguluhang tumingin siya kay Rich. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Puwede ko siguro silang takasan at umuwi na ako sa Pilipinas pero hanggang kailan ko matatakasan ang sitwasyon ko? Tiyak na pagtutulungan lang nila ako. Gusto ko sanang sundin sila para wala na lang silang problemahin at maging masaya na ang lahat kahit ako na lang ang magdusa. Pero parang hindi ko kaya. At ayokong sundin sina Mama at Papa dahil lang sa naaawa ako sa kanila o dahil na-bully nila akong sumunod. Hindi ko talaga kayang sikmurain ang Desmond na 'yon kahit na guwapo siya at umaapaw pa ang salapi niya.”
Ngumiti si Rich. “Cheer up. Laging may solusyon ang lahat ng problema. At ngayon ko lang naisip, you must possess a great deal of charm to catch Desmond’s notice.”
Sa kabila ng pamomroblema ay natawa siya. “'Kaasar ka,” aniya, sabay siko sa tagiliran nito. 
Tumawa rin ang binata. “At least napatawa kita. Mula noong bata ka, ngayon ko lang nakita ang ganyang mood sa iyo. Pagmamaktol lang ang negative reaction na nakikita ko sa iyo dati.”
Nang mapawi ang tawa ni Iris ay bumalik na naman siya sa pamomroblema. Walang magawa ang magandang tanawin sa labas sa pag-aalalang bumabalot sa kanya.
“How about…”
Lumingon si Iris kay Rich. May pag-aalangan sa mukha nito. Ewan kung bakit nagpakaba iyon sa dibdib niya.
“How about… ahm, we… you and me…”
Hindi niya maikurap ang mga mata sa pagkakatingin sa binata na tila biglang pinagpawisan at nabubulol pa. Pigil-pigil niya ang hininga. “What?” aniya nang mainip sa mga salitang hindi nito maituloy.
“Get married?”

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now