Take Me Back

21K 483 98
                                    

CHAPTER TEN

“TALAGA bang okay lang sa iyo na maiwan dito?”
Tiningnan ni Iris si Mikay. Bitbit nito ang stainless steel thermo jar at papasok na sa opisina. Sa bahay nina Mikay siya nakituloy matapos umalis ng bahay nina Rich. Sa kabila ng pamimigil sa kanya ng mga biyenan ay umalis pa rin siya. Puwede siyang umupa ng apartment o condo unit, pero parang maloloka siya kung walang ibang taong makakasama. Mabuti na lang at nasa probinsiya ang mga magulang ng kaibigan. Ang maid lang doon ang kasama nito sa bahay. “Oo, okay lang ako. Mayamaya naman papasok na rin ako sa hardware. Sige na, baka ma-late ka sa office.”
Tinapik siya nito sa balikat. “Mamaya, pag-uwi ko galing office, lumaboy tayo, treat ko.”
Nagpapasalamat si Iris sa all-out support sa kanya ni Mikay. Nang malaman nito ang mga nangyari sa kanya, pagkatapos nilang mag-iyakan, itinalaga na ng kaibigan ang sarili bilang self-appointed guardian niya at tagaaliw.
Isang oras lang ang pinalampas ni Iris at siya naman ang pumasok sa hardware. Pagbaba pa lang ng sinakyang taxi ay natanaw niya sa parking area sa harap ng ILAW Hardware ang F250 pickup truck katabi ni Tita Olivia. Pumitlag ang kanyang dibdib, natuwa na sa wakas ay muling makita ang isa pang kakampi.
Sinugod siya ng yakap ni Tita Olivia. “Iris!”
Mahigpit ang yakapan nila. Kapwa sila basa ng luha nang magkalas. Mukhang may alam na ang tiyahin sa mga nangyari sa kanya. Dinala niya ito sa maliit na opisina ng hardware.
“Iris, sumugod doon ang papa mo noong nakaraang linggo. Ang akala yata niya itinatago ka namin ng lola mo. Sinita siya ni Mama. Nagkasagutan sila. Pag-alis niya ng bahay, pinakontak sa akin ng lola mo ang mama mo pati na itong hardware. Pero walang makapagsabi sa amin kung nasaan ka.”
“Tita… nag-asawa na po ako.”
Gaya ng pagkagulat ng mama niya noon ay ganoon din ang naging reaksiyon ni Tita Olivia.
Nang makabawi, inalam nito ang lahat ng detalye ng kanyang pag-aasawa. Nais daw nitong iparating kay Lola Irenea ang mga nangyari. Sinabi namang lahat ni Iris. Sa ngayon, bukod kay Mikay ay sina Tita Olivia at Lola Irenea ang maaari niyang pagtiwalaan.
“Hindi pala si Papa ang totoo kong ama, Tita. Alam ba ninyo ni Lola kung sino?”
“H-hayaan mo na lang si Ate Susan ang magsabi sa iyo ng totoo.”
“Ayoko po munang makausap si Mama.”
“Bakit?”
Tanong din ang isinagot ni Iris. “Alam n’yo po ba na pinalitan na ni Mama si Papa? Nagsasama na sila ng lalaking iyon.”
Nalungkot ang tita niya. Hindi raw nito alam. Nangako si Tita Olivia na kakausapin ang mama niya bago bumalik sa San Pablo. “Iris, sigurado ako na gusto rin ni Mama na makausap ka. Marami siyang sasabihin sa iyo.”
Gusto rin ni Iris na makausap ang kanyang lola. Nangako siya kay Tita Olivia na uuwi sa San Pablo bago matapos ang linggong iyon.

USAP naman tayo, 'Ma. Marami akong itatanong sa inyo tungkol sa tunay kong ama. Text iyon ni Iris sa mama niya. Nakailang attempt na siya ng pagtawag sa ina ay hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. Natatakot marahil na masumbatan niya.
May kalahating oras yata ang kanyang hinintay bago nag-reply sa text ang mama niya. Kay Lola Irenea daw siya magtanong. Ang lola raw niya ang nakakaalam ng lahat.
Nasaktan si Iris. Kung may tao man na higit na may katungkulang ipaalam sa kanya ang tunay niyang pagkatao ay walang iba kundi ang kanyang ina. Anak siya nito. You owe me an explanantion, 'Ma.
Pero hindi na siya nag-aksaya ng panahon para i-text pa ito uli. Gumawa na ng sariling buhay ang mama niya. Isang buhay kung saan hindi na sila kasali ng kanyang papa.
Bago magtungo sa San Pablo nang linggong iyon ay pinuntahan si Iris ng papa niya sa hardware. Sa kabila ng panloloko at ng pagtataboy nito sa kanya, at kahit na muntik na siyang ipinahamak kay Desmond, ito pa rin ang kinikilala niyang ama. Mahal niya ito.
“Iris, patawarin mo sana ako sa mga nagawa kong pagkakamali sa iyo,” simula ng papa niya. “Aalis na ako sa bahay natin. Gusto ko sanang bumalik ka na lang doon. Doon na lang kayo tumira ng asawa mo…”
Noon lang naisip ni Iris na hindi pa nga pala niya naipapakilala si Rich sa kanyang ama. Ngayon ay useless nang sabihin pa niya. Hiwalay na sila at hindi niya alam kung nasaan na si Rich.
“May bagong kompanya na nagha-hire ng managers sa Cagayan de Oro. Nag-apply ako sa kanila at pinalad na matanggap. Nag-resign na ako sa Far East. Kaya baka bago matapos ang buwan na ito, lumipad ako sa Cagayan de Oro.”
“Paano po si Mama, Papa? Igi-give up n’yo na lang po ba siya nang walang laban?”
Nagbuntong-hininga ito. “Iris, anak, ilang taon ko na rin namang ipinaglalaban ang mama mo. Pero hindi niya nakikita ang pagmamahal ko. Ang mga pagkukulang ko lang ang nakikita niya. Ilang taon na niyang sinasabi sa akin na ayaw na niya. Pagod na siya.” Malungkot na tumingin ito sa kanya. “Minsan, anak, ganoon talaga ang pagmamahal… We should be able to come to terms with reality. Your mama fell out of love. At kahit mahal ko pa rin siya… dahil mahal ko pa rin siya… I have to let her go.”
TITIG na titig si Iris sa pagdaan sa harap niya ng banda ng Crazy Hotshots, hindi lang dahil kasama roon si Rich, kundi dahil nakahawak sa braso nito si Frenchie Oreta. May isang oras na silang nag-aabang ni Mikay sa parking lot ng Livestock Restaurant and Bar na nasa Tomas Morato nang dumating ang grupo. Mismong si Mrs. Jimenez na asawa ng agent ng banda ang nagbigay ng tip sa kanya.
Miss na talaga niya si Rich. Kaya kahit sa malayo ay gusto niya itong makita. Nakalapit nga siya ngunit hindi naman siya nakita ni Rich. Ang masakit pa, nakadikit na naman dito ang babaeng pinagselosan niya noon sa Kuala Lumpur.
“Okay ka pa, friend?”
Nilinga ni Iris si Mikay. “O-oo, okay lang ako,” aniya kahit hindi talaga. Mabuti pa ang ibang babae na hindi naman nito asawa, malayang nahahawakan si Rich. Samantalang siya…
“Sayang, hindi tayo puwedeng pumasok sa loob, eh. Exclusive na sa entourage nila ang buong restaurant.”
“Okay lang, Mikay. At least, nakita ko siya.” Nilapitan ni Iris ang Montero Sport ni Rich. Kung hahawakan lang niya ang handle ng pinto ay tiyak na mag-a-alarm iyon at pupunta roon si Rich. Tiyak na makikita siya nito at magkakausap sila.
Undecided pa siya nang bigla niyang marinig ang tinig ni Rich. “Iris?”
Napilitan siyang humarap. Mag-isa na lang ito ngayon. “Rich.” Muntik na niya itong masugod ng yakap. Sabik na sabik na siyang mahawakan man lang ang asawa. Ngunit malinaw pa sa kanyang isip ang imahen ng magandang babaeng nakahawak kay Rich kanina.
“Iris… kumusta ka na? Hindi ko alam na nandito ka rin.”
“Yeah. Nandito rin ako. In fact, dumaan pa nga kayo sa harap ko ng mga kasama mo. Pero hindi mo ako nakita. Your eyes were on Frencie Oreta.” Hindi niya maiwasang lumabas sa bibig ang pagseselos.
“Iris, walang—”
“Mikay, tayo na. Gusto ko nang makalayo rito.” Nagmartsa na siya palayo.
“Iris, wait!”
Hindi niya pinansin ang pagtawag ni Rich. Mabibilis ang hakbang na nagtungo siya sa kotse ni Mikay. Mabuti na lang at mabilis ding kumilos ang kaibigan. Nakasakay na ito bago pa man sila abutan ni Rich.
“Iris!”
“Bilisan mo, Mikay. Umalis na tayo rito.”
Nang makalayo na sila ay saka pinaalpas ni Iris ang mga luha niya.
“Alam mo, baka mabuting huwag ka na munang pumunta sa mga lugar na pinupuntahan ng asawa mo. Lalo ka lang masasaktan, Iris.”
Totoo naman iyon. Pero lalo siyang masasaktan kung kahit anino ni Rich ay hindi niya makikita sa mahabang panahon. Mahigit isang buwan pa nga lang silang magkahiwalay, para na siyang mababaliw sa pangungulila. Mabuti pa ang Frenchie na iyon, malayang nakakausap at nakakasama ang kanyang asawa. Paano kung tuluyan nang mahulog ang loob ni Rich sa babaeng iyon?
Baon pa rin ni Iris ang lungkot nang magtungo siya sa San Pablo bago maglipat-linggo. Kaharap si Tita Olivia ay masinsinan siyang kinausap ni Lola Irenea. Tinanong siya ng matanda kung bukal sa kanyang loob ang ginawang pagpapakasal kay Rich. Hindi na siya nakapagkaila. Ang mga bagay na hindi niya nasabi noon kay Tita Olivia ay malaya niyang naisiwalat sa matanda. Pati ang huling pag-uusap nila ng ama ay sinabi niya kay Lola Irenea.
“Tama lang na sa iyo mapunta ang bahay ninyo,” sabi ni Lola Irenea. “Sa akin naman talaga ang bahay na iyon. At dapat lang na maging mabait sa iyo si Ramil. Binayaran ko ang dalawang milyong pisong atraso nila ni Susana kay Benjamin Chew.”
Nagulat si Iris. Hindi niya alam na ganoon kalaki ang pagkakautang ng papa at mama niya sa ama ni Desmond.
“Gaano ka kahanda na malaman ang buong katotohanan?”
Kinakabahang tumingin siya sa abuela. Nakuha na niya. Patikim pa lang ang mga nauna nitong isiniwalat. Natitiyak niyang tungkol na sa kanya ang susunod. Wala siyang ideya kung ano pa ang kanyang mga matutuklasan sa sariling pagkatao. Ngunit dapat niyang malaman kung ano ang totoo. Kahit gaano pa man siya magulat sa ipagtatapat nito. “Handa po akong malaman ang totoo.”
Biglang tumayo si Tita Olivia, saka walang paalam na bumaba ng bahay.
Nalilitong tumingin si Iris kay Lola Irenea.
“Iris, makinig ka sa mga sasabihin ko. At gusto ko sanang maging malawak ang pang-unawa mo, kahit na hindi naging malawak ang pang-unawa ko noon dito. Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng tawad sa iyo.”
Lalo siyang nalito. Ano ang tinutukoy ng kanyang lola na noon ay hindi naging malawak ang pang-unawa nito? Inihanda na lang niya ang sarili. “Opo, Lola.”
“Pagka-graduate ni Susana noon sa kolehiyo ay nakipagtanan siya agad kay Ramil. Nagpakasal sila kahit alam niyang magagalit ako. Hindi ko agad nalaman ang tungkol doon. Hindi pa tapos noon sa kolehiyo ang Tita Olivia mo. Palibhasa ay narito ako sa San Pablo at sila lamang magkapatid ang nasa Maynila para mag-aral, hindi ko alam lahat ng mga nangyayari sa kanila.
“Isang kakilalang tagarito ang nagsabi sa akin na nag-asawa na raw pala ang isa sa mga anak ko. Buntis na nga raw. Nagalit ako. Umaasa akong naninira lang ang kakilala kong iyon. Kaya bigla akong lumuwas para alamin ang totoo. Noon ko lang nalaman na nag-asawa na si Susana kay Ramil. Hindi nga pala nagsisinungaling ang kakilala ko. Pero hindi si Susana ang buntis kundi si Olivia.”
Namilog ang mga mata ni Iris.
“Nalaman kong hindi maaaring magbuntis si Susana dahil baog si Ramil. Nagdesisyon akong itago ang malaking kahihiyan ng pamilya. Kahit ayaw ni Olivia, sa utos ko, pagkapanganak niya ay napilitan siyang iwan ang sanggol kina Susana at Ramil. Ikaw ang sanggol na iyon, Iris.”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 28, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDWhere stories live. Discover now